Marcos 15:1-37
Marcos 15:1-37 ASD
Kinaumagahan, agad na nagpulong ang mga namamahalang pari, mga pinuno ng mga Hudyo, mga tagapagturo ng Kautusan at ang lahat ng miyembro ng Sanhedrin upang planuhin kung ano ang susunod nilang hakbang. Ginapos nila si Hesus at dinala kay Pilato. Tinanong siya ni Pilato, “Ikaw nga ba ang hari ng mga Hudyo?” Sumagot si Hesus, “Kayo na ang nagsabi.” Naglabas ng kung ano-anong akusasyon ang mga namamahalang pari laban kay Hesus. Kaya tinanong siyang muli ni Pilato, “Wala ka bang sagot sa mga paratang nilang ito? Marami silang paratang laban sa iyo!” Ngunit hindi pa rin sumagot si Hesus, kaya nagtaka si Pilato. Tuwing Pista ng Paglampas ng Anghel, nakaugalian na ni Pilato na magpalaya ng isang bilanggo na gustong palayain ng mga tao. May isang bilanggo roon na ang pangalan ay Barabas. Nabilanggo siya dahil kabilang siya sa mga nakapatay noong naghimagsik sila laban sa pamahalaan. Marami ang lumapit kay Pilato at hiniling na gawin muli ang nakaugaliang pagpapalaya ng bilanggo. Kaya tinanong sila ni Pilato, “Gusto nʼyo bang palayain ko ang hari ng mga Hudyo?” Alam ni Pilato na pagkainggit ang nagtulak sa mga namamahalang pari na dalhin sa kanya si Hesus. Subalit sinulsulan ng mga namamahalang pari ang mga tao na si Barabas ang hilinging palayain at hindi si Hesus. Nagtanong ulit si Pilato sa mga tao, “Ano ngayon ang gagawin ko sa taong ito na tinatawag nʼyong hari ng mga Hudyo?” Sumigaw sila, “Ipako siya sa krus!” Sinabi ni Pilato sa kanila, “Bakit, ano ba ang ginawa niyang kasalanan?” Ngunit lalo pang sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus!” Dahil gustong pagbigyan ni Pilato ang mga tao, pinalaya niya si Barabas. Ipinahagupit naman niya si Hesus at saka ibinigay sa mga sundalo upang ipako sa krus. Dinala ng mga sundalo si Hesus sa loob ng palasyo ng gobernador at tinipon nila roon ang buong batalyon ng mga sundalo. Sinuotan nila si Hesus ng kapa na kulay ube at gumawa sila ng koronang tinik at ipinutong sa kanya. Pagkatapos, pakutya silang nagsisigaw, “Mabuhay ang hari ng mga Hudyo!” At paulit-ulit nilang pinaghahampas ng talahib ang kanyang ulo, at pinagduduraan nila siya. Lumuhod sila sa kanya na kunwari ay sumasamba sa kanya. Matapos nilang kutyain si Hesus, hinubad nila ang kulay ubeng kapa at ipinasuot ang kanyang damit. Pagkatapos, dinala nila siya sa labas ng lungsod upang ipako sa krus. Isang taong nagngangalang Simon ang nakasalubong nila. Siyaʼy galing sa Cirene. Siya ang ama nina Alejandro at Rufo. Sapilitan nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Hesus. Pagkatapos, dinala nila si Hesus sa lugar na tinatawag na Golgota (na ang ibig sabihin ay “lugar ng bungo”). Pagdating nila roon, binigyan nila si Hesus ng alak na may halong mira, ngunit hindi niya ito ininom. Ipinako nila sa krus si Hesus at pinaghati-hatian nila ang mga damit niya sa pamamagitan ng palabunutan para malaman nila ang bahaging mapupunta sa bawat isa. Alas nuwebe noon ng umaga nang ipako siya sa krus. May karatula sa itaas ng krus, at ganito ang nakasulat na paratang laban sa kanya: ANG HARI NG MGA HUDYO. May dalawang tulisan na ipinako rin sa krus kasabay ni Hesus, isa sa kanan niya at isa sa kaliwa. [ Sa pangyayaring ito, natupad ang sinasabi sa Kasulatan, “At siyaʼy ibinilang kasama ng mga kriminal.”] Ininsulto si Hesus ng mga taong napapadaan doon. Napapailing sila at sabay sabi, “O ano ngayon? Hindi baʼt sinasabi mong gigibain mo ang Templo at muli mong itatayo sa loob ng tatlong araw? Bumaba ka sa krus at iligtas mo ang iyong sarili!” Ganito rin ang pangungutya ng mga namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Sinasabi nila sa isaʼt isa, “Iniligtas niya ang iba, pero hindi niya mailigtas ang kanyang sarili! Tingnan nga natin kung makakababa sa krus ang Mesias na ito na hari raw ng Israel! Kapag nakababa siya, maniniwala na tayo sa kanya.” Maging ang mga ipinakong kasabay niya ay hinamak rin siya. Nang mag-alas dose na ng tanghali, dumilim ang buong lupain sa loob ng tatlong oras. Pagsapit ng alas tres ng hapon, sumigaw si Hesus nang malakas, “Eloi, Eloi, lema sabachtani?” na ang ibig sabihin ay “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Nang marinig iyon ng mga nakatayo roon, sinabi nila, “Pakinggan ninyo, tinatawag niya si Elias.” May isang taong tumakbo at kumuha ng espongha. Isinawsaw niya ito sa maasim na alak at kinabit niya ito sa dulo ng isang patpat at idinampi sa bibig ni Hesus para sipsipin niya. Sinabi ng taong iyon, “Tingnan natin kung darating nga si Elias upang ibaba siya sa krus.” Sumigaw nang malakas si Hesus at nalagutan ng hininga.


