Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Marcos 14:22-72

Marcos 14:22-72 ASD

Habang kumakain sila, kumuha ng tinapay si Hesus. Nagpasalamat siya sa Diyos at pagkatapos ay pinagpira-piraso niya ito at ibinigay sa mga alagad niya at sinabi, “Kunin ninyo ito; ito ang aking katawan.” Pagkatapos, kumuha siya ng isang kopang may inumin, nagpasalamat sa Diyos, at ibinigay sa kanila. At uminom silang lahat mula sa kopang iyon. Sinabi niya sa kanila, “Ito ang aking dugo na ibubuhos para sa maraming tao. Ito ang katibayan ng bagong kasunduan ng Diyos sa mga tao. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, hindi na ako muling iinom ng inuming mula sa ubas hanggang sa araw na iinom ako ng bagong inumin sa kaharian ng Diyos.” Umawit sila ng papuri sa Diyos at pagkatapos ay pumunta sila sa Bundok ng mga Olibo. Sinabi ni Hesus sa mga alagad niya, “Iiwan ninyo akong lahat, dahil sinabi ng Diyos sa Kasulatan: ‘Papatayin ko ang pastol at magsisipangalat ang mga tupa.’ Ngunit pagkatapos na ako ay muling mabuhay, mauuna ako sa inyo sa Galilea.” Sinabi ni Pedro kay Hesus, “Kahit iwanan po kayo ng lahat, hindi ko kayo iiwanan.” Sinagot siya ni Hesus, “Sinasabi ko sa iyo ang totoo, bago tumilaok ang manok nang pangalawang beses ngayong gabi, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.” Ngunit iginiit pa rin ni Pedro, “Hinding-hindi ko kayo ikakaila, kahit na patayin pa akong kasama ninyo.” At ganoon din ang sinabi ng iba niyang kasamahan. Pagkatapos, pumunta si Hesus at ang kanyang mga alagad sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Pagdating nila roon, sinabi ni Hesus sa kanila, “Maupo kayo rito habang nananalangin ako.” Isinama niya sina Pedro, Santiago, at Juan sa di-kalayuan. Balisang-balisa at nababahala si Hesus. Sinabi niya sa kanila, “Para akong mamamatay sa labis na kalungkutan. Dito lang kayo at magpuyat.” Lumayo siya nang kaunti, lumuhod sa lupa at nanalangin na kung maaari ay huwag na niyang danasin ang paghihirap na kanyang haharapin. Sinabi niya, “Ama, magagawa nʼyo ang lahat ng bagay. Kung maaari, ilayo nʼyo sa akin ang mga paghihirap na darating. Ngunit hindi ang kalooban ko ang masusunod kundi ang kalooban ninyo.” Binalikan ni Hesus ang tatlo niyang alagad at dinatnan silang natutulog. Sinabi niya kay Pedro, “Simon, natutulog ka ba? Hindi ka ba makapagpuyat kahit isang oras lang? Magpuyat kayo at manalangin upang hindi kayo madaig ng tukso. Ang espiritu ay handang sumunod, ngunit mahina ang laman.” Muling lumayo si Hesus at nanalangin. Ganoon pa rin ang kanyang dalangin. Pagkatapos, muli niyang binalikan ang mga alagad niya at nadatnan na naman niya silang natutulog, dahil antok na antok na sila. At nang gisingin sila ni Hesus, nahiya sila at hindi nila alam kung ano ang sasabihin nila sa kanya. Sa ikatlong pagbalik ni Hesus, sinabi niya sa kanila, “Natutulog pa rin ba kayo at nagpapahinga? Tama na iyan! Dumating na ang oras na Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa kamay ng mga makasalanan. Tayo na! Narito na ang nagkanulo sa akin.” Nagsasalita pa si Hesus nang biglang dumating si Judas na isa sa labindalawang alagad. Marami siyang kasama at may mga dala silang espada at pamalo. Isinugo sila ng mga namamahalang pari, mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga pinuno ng mga Hudyo. Ganito ang palatandaan na ibinigay ng traydor na si Judas sa mga huhuli kay Hesus: “Ang babatiin ko sa pamamagitan ng isang halik ang siyang pakay ninyo. Dakpin ninyo siya at dalhin, at bantayang mabuti.” Kaya nang dumating si Judas, agad siyang lumapit kay Hesus at bumati, “Guro!” sabay halik sa kanya. At dinakip agad ng mga tao si Hesus. Bumunot ng espada ang isa sa mga alagad ni Hesus at tinaga ang alipin ng punong pari, at natagpas ang tainga nito. Sinabi ni Hesus sa mga humuli sa kanya, “Isa ba akong tulisan? Bakit kailangan pa ninyong magdala ng mga espada at mga pamalo upang dakpin ako? Araw-araw ay nasa Templo ako at nagtuturo, at naroon din kayo. Bakit hindi ninyo ako dinakip? Ngunit kailangang mangyari ito upang matupad ang sinasabi ng Kasulatan.” Iniwan siya noon din ng mga alagad niya at nagsitakas sila. May isang binata roon na sumunod kay Hesus na nakabalabal lang ng telang lino. Dinakip din siya ng mga sundalo, ngunit nakawala siya at tumakas na hubad at naiwan ang kanyang balabal. Dinala nila si Hesus sa bahay ng punong pari. Nagtipon doon ang lahat ng namamahalang pari, mga pinuno ng mga Hudyo at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Samantala, sumunod din doon si Pedro ngunit hindi siya lumapit kay Hesus. Pumasok siya sa bakuran ng bahay ng punong pari at nakiupo sa mga guwardiya na nagpapainit sa tabi ng apoy. Doon sa loob, ang mga namamahalang pari at ang lahat ng miyembro ng Sanhedrin ay nagsisikap na makakuha ng mga ebidensya laban kay Hesus upang mahatulan siya ng kamatayan. Ngunit wala silang makuha. Marami ang sumasaksi ng kasinungalingan laban kay Hesus, pero magkakasalungat naman ang mga sinasabi nila. May ilang sumasaksi ng kasinungalingang ito laban kay Hesus. Sinabi nila, “Narinig po naming sinabi niya, ‘Gigibain ko ang Templong ito na gawa ng tao, at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo ako ng ibang Templo na hindi gawa ng tao!’ ” Ngunit hindi rin magkakatugma ang sinasabi nila. Tumayo sa gitna ang punong pari at tinanong si Hesus, “Wala ka bang maisasagot sa mga paratang na ito laban sa iyo?” Ngunit nanatiling walang imik si Hesus at hindi sumagot. Kaya tinanong siyang muli ng punong pari, “Ikaw ba ang Mesias, ang Anak ng Kapuri-puring Diyos?” Sumagot si Hesus, “Ako nga siya, at makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng makapangyarihang Diyos. At makikita rin ninyo siya sa mga ulap na paparating dito sa mundo.” Nang marinig ito ng punong pari, pinunit niya ang kanyang damit sa galit at sinabi, “Hindi na natin kailangan ng mga saksi! Narinig ninyo ang paglapastangan niya sa Diyos. Ano ngayon ang hatol ninyo?” At hinatulan nila si Hesus ng kamatayan. Dinuraan siya ng ilang naroon. Piniringan din siya at sinuntok, at tinanong, “Sige nga, hulaan mo kung sino ang sumuntok sa iyo?” Pagkatapos, kinuha siya ng mga guwardiya at pinagbubugbog. Habang nasa loob pa ng bakuran si Pedro, dumaan ang isang babaeng utusan ng punong pari. Nang makita niya si Pedro na nagpapainit sa apoy, tinitigan niya ito. Sinabi niya, “Kasama ka rin ni Hesus na taga-Nazaret, hindi ba?” Ngunit itinanggi ito ni Pedro, “Hindi ko alam ang sinasabi mo.” Pagkatapos, umalis siya roon at pumunta sa may labasan, at noon din ay tumilaok ang manok. Nakita na naman siya roon ng babaeng utusan, kaya sinabi ng babae sa mga taong naroon, “Ang taong iyan ay isa rin sa mga kasamahan ni Hesus.” Ngunit muling itinanggi ito ni Pedro. Maya-maya, sinabi ng mga taong naroon, “Isa ka nga sa mga kasamahan niya, dahil taga-Galilea ka rin!” Ngunit sumumpa si Pedro, “Kahit mamatay man ako, hindi ko talaga kilala ang taong sinasabi ninyo.” Noon din ay muling tumilaok ang manok, at naalala ni Pedro ang sinabi sa kanya ni Hesus, “Bago tumilaok ang manok nang dalawang beses, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.” At humagulgol siya.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Marcos 14:22-72