Marcos 12:38-44
Marcos 12:38-44 ASD
Sinabi pa ni Hesus sa kanyang pagtuturo, “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan. Mahilig silang lumibot na nakasuot ng espesyal na damit. At gustong-gusto nilang batiin silaʼt igalang sa mga mataong lugar. Mahilig silang maupo sa mga upuang pandangal sa mga sambahan at mga handaan. Dinadaya nila ang mga biyuda upang makuha ang mga ari-arian ng mga ito, at pinagtatakpan nila ang mga ginagawa nila sa pamamagitan ng mahabang pagdarasal! Ang mga taong itoʼy tatanggap ng mas mabigat na parusa.” Umupo si Hesus malapit sa lagayan ng mga kaloob doon sa Templo at pinagmamasdan ang mga taong naghuhulog ng pera. Maraming mayayaman ang naghulog ng malalaking halaga. Lumapit din ang isang mahirap na biyuda at naghulog ng dalawang pirasong barya. Tinawag ni Hesus ang mga alagad niya at sinabi, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, mas malaki ang ibinigay ng biyudang iyon kaysa sa lahat ng nagbigay. Sapagkat silang lahat ay nagbigay lamang ng bahagi ng kanilang kayamanan. Ngunit ang biyuda ay nagbigay sa kabila ng kanyang kahirapan. Ibinigay niya ang lahat ng kanyang ikinabubuhay.”

