Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Micas 2:1-11

Micas 2:1-11 ASD

Nakakaawa kayong mga nagpupuyat sa pagpaplano ng masama; palaging nag-iisip nang hindi mabuti kahit na kayoʼy nakahiga. Kinaumagahan ay isinasagawa ninyo ang inyong masamang plano dahil may kakayahan kayong gawin iyon. Inaagaw ninyo ang mga bukid at mga bahay na inyong nagugustuhan. Dinadaya ninyo ang mga tao upang makuha ang kanilang bahay o lupaing minana. Kaya ito ang sinasabi ng PANGINOON, “Makinig kayo! Pinaplano kong parusahan kayo at hindi kayo makakaligtas. Hindi na kayo makapagmamalaki dahil sa panahong iyon ay lilipulin kayo. Sa araw na iyon, kukutyain kayo ng mga tao sa pamamagitan ng malungkot na awitin: ‘Lubusan na kaming nalipol! Kinuha ng PANGINOON ang aming mga lupain at ibinigay sa mga traydor.’ ” Kaya wala na kayong bahagi sa lupain kapag hahatiin ito sa palabunutang mangyayari sa pagpupulong ng bayan ng PANGINOON. “Huwag na kayong magpropesiya,” sabi ng mga tao. “Ang mga propeta ay hindi dapat magpropesiya tungkol sa mga bagay na ito; hindi kami gagawing kahihiyan ng Diyos.” Ito ba dapat ang sinasabi ninyo, kayong lahi ni Jacob? “Hindi mauubos ang pasensya ng PANGINOON kaya hindi niya gagawin ang mga iyon?” Ito ang sagot ng PANGINOON, “Kung sinusundan lang sana ninyo ang mga utos ko, matatanggap ninyo ang aking mga biyaya. Ngunit nilulusob ninyo ang aking mamamayan na para bang mga kaaway. Akala nila, pag-uwi nila sa kanilang bayan mula sa digmaan ay ligtas na sila, ngunit iyon palaʼy aagawan ninyo sila ng kanilang balabal. Pinapalayas ninyo ang kanilang mga kababaihan sa mga tahanang minamahal nila. At inaagaw ninyo ang mga pagpapalang ibinigay ko sa kanilang mga anak, kaya mawawala na ito sa kanila magpakailanman. Kaya ngayon, umalis na kayo rito! Sapagkat hindi na kayo makakapagpahinga dito dahil itoʼy nadungisan na ng inyong mga kasalanan; nasira na ito at wala nang lunas. Ang gusto ninyong mangangaral ay iyong nangangaral nang walang kabuluhan, manlilinlang at sinungaling, at ganito ang sinasabi: ‘Sasagana kayo sa alak at iba pang mga inumin.’ ”