Micas 1
1
1Ito ang salita ng Panginoon na ipinahayag niya kay Micas na taga-Moreset patungkol sa Samaria at Jerusalem#1:1 sa Samaria at Jerusalem: Ang Samaria ay kabisera ng Israel at kumakatawan sa buong kaharian ng Israel. Ang Jerusalem ay kabisera ng Juda at kumakatawan sa buong kaharian ng Juda. noong mga panahong naghahari sa Juda sina Jotam, Ahaz, at Hezekias.
Sinabi ni Micas:
2“Makinig kayong mabuti,
lahat kayong mga mamamayan
sa buong mundo.#1:2 mga mamamayan sa buong mundo: O mga Israelita na nasa Israel.
Sapagkat sasaksi
ang Makapangyarihang Panginoon
laban sa inyo mula
sa kanyang banal na Templo.#1:2 banal na Templo: Maaaring ang kanyang templo sa Jerusalem o ang kanyang tahanan sa langit.
Ang Hatol Laban sa Israel at Juda
3“Makinig kayo!
Lalabas ang Panginoon
mula sa kanyang tahanan.
Bababa siya at lalakad
sa matataas na bahagi ng mundo.
4Ang mga bundok na kanyang malalakaran
ay matutunaw na parang mga kandila
na nadikit sa apoy,
at magiging lubak-lubak ang mga patag
na parang dinaanan ng tubig na umagos
mula sa matatarik na lugar.
5Mangyayari ang lahat ng ito
dahil sa mga kasalanan
ng mga mamamayan
ng Israel at Juda.#1:5 Israel at Juda: Sa Hebreo, Jacob at Israel.
Ang mga taga-Samaria
ang nag-udyok sa ibang
mga mamamayan ng Israel
upang magkasala.
At ang mga taga-Jerusalem naman
ang nag-udyok sa ibang
mga mamamayan ng Juda
upang sumamba sa mga diyos-diyosan.
6“Kaya gigibain ko ang Samaria
at tataniman na lang ito ng mga ubas.
Pagugulungin ko ang mga bato nito
papunta sa kapatagan
hanggang sa makita
ang mga pundasyon nito.
7Lahat ng diyos-diyosan nito
ay madudurog,
at ang upa ng mga babaeng bayaran
sa templo#1:7 upa … sa templo: Sa templong ito, nakikipagtalik ang mga lalaki sa mga babaeng bayaran bilang bahagi ng kanilang pagsamba sa mga diyos-diyosan. Ang bayad sa mga babae ay ginagamit sa mga gawain sa templo. nito ay masusunog.
Wawasakin ko ang mga imahen nito.
Sapagkat galing sa upa
ng mga babaeng bayaran
ang mga handog na naipon,
at muling gagamitin bilang upa
para sa ibang babaeng bayaran.”
Pagtangis at Pagluluksa
8Dahil sa pagkawasak ng Samaria,
iiyak ako at hahagulgol.
Maglalakad ako
nang nakapaa at nakahubad.
Aalulong ako tulad ng asong-gubat
at tataghoy akong tulad ng kuwago.
9Sapagkat ang pagkagiba ng Samaria
ay parang sugat na hindi na gagaling,
at mangyayari din ito sa Juda
hanggang sa Jerusalem
na siyang kabisera na lungsod#1:9 kabisera na lungsod: Sa literal, pintuan.
ng aking mga kababayan.
10Huwag ninyo itong ipamalita sa Gat.
Huwag kayong tatangis
kahit isang patak man lang.
Sa Bet-leafra#1:10 Bet-leafra: Ang lugar na ito at ang iba pang lugar na nabanggit sa talata 11‑15|MIC 1:11‑15 ay maaaring sakop ng Juda. kayo maglupasay sa abo.
11Mga mamamayan ng Shafir,
bibihagin kayo
at dadalhing nakahubad,
kaya mapapahiya kayo.
Ang mga mamamayan ng Zaanan
ay matatakot lumabas sa kanilang bayan.
Ang mga taga-Bet-ezel
ay hindi rin makakatulong sa inyo
dahil sila rin ay umiiyak.
12Ang mga taga-Marot ay hindi mapakali,
naghihintay sila ng saklolo,
sapagkat dumating na ang kapahamakang
mula sa Panginoon
at umabot na hanggang
sa bungad ng Jerusalem.
13Mga mamamayan ng Laquis,
isingkaw ninyo ang mga kabayo
sa karwahe
at tumakas kayo.
Ginaya ninyo ang kasalanang ginawa
ng mga taga-Israel,
at dahil sa inyoʼy nagkasala rin
ang mga taga-Zion.
14Kaya, kayong mga mamamayan ng Juda,
magpadala kayo
ng mga regalong pamamaalam
sa Moreset-gat.
Lilinlangin ng bayan ng Aczib
ang mga hari ng Israel.
15Kayong mga mamamayan ng Maresa,
padadalhan kayo ng Panginoon#1:15 Panginoon: Sa Hebreo, ko.
ng kalabang sasakop sa inyo.
Mga taga-Juda,#1:15 Juda: Sa Hebreo, Israel. Maaaring ang ibig sabihin nito ay ang bansa ng Juda. ang inyong mga pinuno
ay magtatago sa Adulam.
16Kukunin sa inyo
ang pinakamamahal
ninyong mga anak#1:16 mga anak: Maaari ring ang tinutukoy nito ay ang mga bayan ng Juda na nabanggit sa talata 11‑15|MIC 1:11‑15.
at dadalhin sa ibang bayan,
kaya magluluksa kayo para sa kanila
at ipapakita ninyo ang inyong kalungkutan
sa pamamagitan ng pagpapakalbo
na parang ulo ng agila.#1:16 agila: O buwitre.
Kasalukuyang Napili:
Micas 1: ASD
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Biblica® Open Ang Salita ng Diyos™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Ang “Biblica” ay ang tatak-pangkalakal na nakarehistro sa Biblica, Inc. sa United States Patent at Trademark Office.
Ginamit nang may pahintulot.
“Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.
Used with permission.