Mateo 9:2-8
Mateo 9:2-8 ASD
May mga lalaking nagdala sa kanya ng isang paralitikong nakahiga sa banig. Nakita ni Hesus ang kanilang pananampalataya, kaya sinabi niya sa lalaki, “Lakasan mo ang iyong loob, anak. Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” Nang marinig ito ng ilang tagapagturo ng Kautusan na naroon, sinabi nila sa kanilang sarili, “Nilalapastangan ng taong ito ang Diyos.” Ngunit alam ni Hesus ang iniisip nila, kaya sinabi niya, “Bakit kayo nag-iisip ng masama? Alin ba ang mas madaling sabihin: ‘Pinatawad na ang mga kasalanan mo,’ o ‘Tumayo ka at lumakad’? Ngayon, papatunayan ko sa inyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihan dito sa lupa na magpatawad ng kasalanan.” Kayaʼt sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at umuwi ka!” Tumayo nga ang paralitiko at umuwi. Napuno ng takot ang mga tao nang makita nila ito, at pinapurihan nila ang Diyos na nagbigay ng ganoong kapangyarihan sa tao.

