Mateo 9:1-26
Mateo 9:1-26 ASD
Sumakay sina Hesus sa bangka, tumawid sa kabila ng lawa at dumating sa bayan kung saan siya nakatira. May mga lalaking nagdala sa kanya ng isang paralitikong nakahiga sa banig. Nakita ni Hesus ang kanilang pananampalataya, kaya sinabi niya sa lalaki, “Lakasan mo ang iyong loob, anak. Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” Nang marinig ito ng ilang tagapagturo ng Kautusan na naroon, sinabi nila sa kanilang sarili, “Nilalapastangan ng taong ito ang Diyos.” Ngunit alam ni Hesus ang iniisip nila, kaya sinabi niya, “Bakit kayo nag-iisip ng masama? Alin ba ang mas madaling sabihin: ‘Pinatawad na ang mga kasalanan mo,’ o ‘Tumayo ka at lumakad’? Ngayon, papatunayan ko sa inyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihan dito sa lupa na magpatawad ng kasalanan.” Kayaʼt sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at umuwi ka!” Tumayo nga ang paralitiko at umuwi. Napuno ng takot ang mga tao nang makita nila ito, at pinapurihan nila ang Diyos na nagbigay ng ganoong kapangyarihan sa tao. Umalis roon si Hesus at habang siyaʼy naglalakad, nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Mateo na nakaupo sa lugar kung saan siya naniningil ng buwis. Sinabi ni Hesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo naman si Mateo at sumunod sa kanya. Habang kumakain si Hesus at ang mga alagad niya sa bahay ni Mateo, nagdatingan ang maraming maniningil ng buwis at iba pang mga itinuturing na makasalanan at kumaing kasama nila. Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang mga alagad ni Hesus, “Bakit kumakain ang guro ninyo kasama ang mga maniningil ng buwis at iba pang mga makasalanan?” Ngunit nang marinig ito ni Hesus, sinabi niya sa kanila, “Hindi ang mga taong walang sakit ang nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit. Humayo kayo at intindihin nʼyo kung ano ang kahulugan nito: ‘Ang hinahangad koʼy ang maging maawain kayo, hindi ang handog ninyo.’ Sapagkat naparito ako hindi para tawagin ang mga taong matuwid, kundi ang mga makasalanan.” Lumapit kay Hesus ang ilang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo at tinanong siya, “Kami at ang mga Pariseo ay madalas mag-ayuno. Ngunit bakit hindi nag-aayuno ang mga alagad nʼyo?” Sumagot si Hesus, “Nagluluksa ba ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikakasal? Siyempre, hindi! Ngunit darating ang araw na kukunin sa kanila ang lalaking ikakasal, at saka sila mag-aayuno. “Walang nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit, dahil mahihila ng bagong tela ang damit at lalo pang lalaki ang punit. Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat, dahil puputok ang sisidlan at matatapon ang alak, at ang sisidlan ay hindi na mapapakinabangan pa. Sa halip, inilalagay ang bagong alak sa bagong sisidlang-balat, at pareho silang magtatagal.” Habang sinasabi niya ang mga ito, dumating ang isang namumuno sa sinagoga. Lumuhod ito sa kanyang harapan at sinabi, “Kamamatay lang po ng anak kong babae, ngunit kung pupuntahan nʼyo siya at ipapatong ang inyong kamay sa kanya, siyaʼy mabubuhay.” Kaya tumayo si Hesus at sumáma sa kanya, pati na rin ang mga alagad niya. Habang papunta sila, may isang babae roon na labindalawang taon nang dinudugo. Lumapit siya sa likuran ni Hesus at hinipo ang laylayan ng damit niya. Sapagkat naisip ng babae, “Mahawakan ko lang ang damit niya ay gagaling na ako.” Lumingon si Hesus at nakita siya. Sabi niya, “Lakasan mo ang iyong loob, anak. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” At gumaling nga ang babae sa sandaling iyon. Nang dumating na si Hesus sa bahay ng namumuno sa sinagoga, nakita niya ang mga manunugtog ng plauta sa libing at ang maraming taong nagkakagulo. Sinabi niya, “Magsilabas kayo! Hindi patay ang bata kundi natutulog lang.” Ngunit pinagtawanan lamang siya ng mga ito. Nang mapalabas na ang mga tao, pumasok siya at hinawakan sa kamay ang bata, at bumangon ito. Kumalat ang balitang ito sa buong lugar na iyon.

