Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 8:1-22

Mateo 8:1-22 ASD

Nang bumaba na si Hesus mula sa bundok, sinundan siya ng napakaraming tao. Lumapit sa kanya ang isang lalaking may malubhang sakit sa balat at lumuhod sa harap niya, at sinabi, “Panginoon, kung gugustuhin po ninyo, mapapagaling nʼyo ako upang maituring akong malinis.” Hinawakan siya ni Hesus at sinabi, “Gusto ko. Gumaling ka!” At agad na nawala ang kanyang sakit sa balat. At sinabi sa kanya ni Hesus, “Huwag mo itong ipagsasabi kahit kanino. Sa halip, pumunta ka sa pari at magpasuri. Dalhin mo ang handog na hinihiling ng Kautusan ni Moises bilang patunay sa mga tao na magaling ka na.” Pagdating ni Hesus sa bayan ng Capernaum, lumapit sa kanya ang isang kapitan ng hukbong Romano at nakiusap, “Panginoon, may sakit po ang aking katiwala. Nakaratay siya sa aking bahay, paralisado at matindi ang paghihirap niya.” Sinabi ni Hesus, “Pupuntahan ko siya at pagagalingin.” Ngunit sumagot ang kapitan, “Panginoon, hindi po ako karapat-dapat na puntahan nʼyo sa aking tahanan. Iutos nʼyo lamang na gumaling ang aking katiwala at siyaʼy gagaling. Alam ko po ito dahil nasa ilalim ako ng nakatataas na opisyal, at may mga sundalo ring nasa ilalim ko. Kapag sinabi ko sa isa, ‘Pumunta ka roon,’ pumupunta siya. Kapag sinabi ko naman sa isa pa, ‘Halika,’ lumalapit siya. At kapag sinabi ko sa aking alipin, ‘Gawin mo ito,’ ginagawa niya.” Namangha si Hesus nang marinig niya ito. Sinabi niya sa mga taong sumusunod sa kanya, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, hindi pa ako nakakakita ng kahit isang tao sa Israel na may ganito kalalim na pananampalataya. Sinasabi ko rin sa inyo, marami ang darating mula sa lahat ng dako ng mundo na kakain sa handaan kasama nina Abraham, Isaac, at Jacob sa kaharian ng Langit. Ngunit maraming Hudyong dapat sanaʼy kasama sa kaharian ang itatapon sa labas, doon sa kadiliman kung saan silaʼy tatangis at magngangalit ang kanilang ngipin.” At sinabi ni Hesus sa kapitan, “Umuwi ka na. Mangyayari ang iyong hinihiling ayon sa iyong pananampalataya.” At nang oras ding iyon ay gumaling ang kanyang katiwala. Pumunta si Hesus sa bahay ni Pedro. Pagdating doon, nakita niya ang biyenang babae ni Pedro na nakahiga at nilalagnat. Hinawakan siya ni Hesus sa kamay at nawala ang lagnat nito. Bumangon siya at pinagsilbihan si Hesus. Nang magtakip-silim na, maraming mga sinasapian ng mga demonyo ang dinala kay Hesus. At sa isang salita lamang ay pinalayas niya ang masasamang espiritu at pinagaling ang lahat ng maysakit. Ginawa niya ang mga ito para matupad ang sinabi ni Propeta Isaias: “Kinuha niya ang ating mga kahinaan at pinasan ang ating mga karamdaman.” Nang makita ni Hesus ang napakaraming taong nakapaligid sa kanya, sinabihan niya ang kanyang mga alagad na pupunta sila sa kabilang ibayo ng lawa. May lumapit sa kanyang tagapagturo ng Kautusan at sinabi, “Guro, susunod po ako sa inyo kahit saan kayo magpunta.” Sumagot si Hesus, “Ang mga asong-gubat ay may mga lungga, at ang mga ibon ay may mga pugad, subalit ang Anak ng Tao ay walang tahanang mapagpapahingahan.” Isa pa sa mga alagad niya ang nagsabi, “Panginoon, hayaan nʼyo muna akong umuwi para ilibing ang aking ama.” Ngunit sinabi ni Hesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin at ipaubaya mo sa mga patay ang paglilibing ng kanilang patay.”