Mateo 27:35-44
Mateo 27:35-44 ASD
Ipinako nila si Hesus sa krus, at pinaghati-hatian nila ang kanyang mga damit sa pamamagitan ng palabunutan. Pagkatapos, naupo sila at binantayan si Hesus. Naglagay sila ng karatula sa ulunan ni Hesus, at ganito ang nakasulat na paratang laban sa kanya: ITO SI HESUS, ANG HARI NG MGA HUDYO. May dalawang tulisan na ipinako rin sa krus kasabay ni Hesus, isa sa kanan at isa sa kaliwa. Ininsulto si Hesus ng mga taong napapadaan doon. Napapailing sila at sinasabi, “Hindi baʼt sinasabi mong gigibain mo ang Templo at muli mong itatayo sa loob ng tatlong araw? Bakit hindi mo iligtas ang iyong sarili? Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, bumaba ka sa krus!” Ganoon din ang pangungutya ng mga namamahalang pari, ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga pinuno ng mga Hudyo. Sinabi nila, “Iniligtas niya ang iba, ngunit hindi niya mailigtas ang kanyang sarili. Hindi baʼt siya ang hari ng Israel? Kung bababa siya sa krus, maniniwala na kami sa kanya. Nagtitiwala siya sa Diyos at sinasabi niyang siya ang Anak ng Diyos. Ngayon, tingnan natin kung talagang ililigtas siya ng Diyos!” Maging ang mga tulisang ipinakong kasama niya ay iniinsulto rin siya.




