Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 27:3-27

Mateo 27:3-27 ASD

Nang malaman ng traydor na si Judas na hinatulan ng kamatayan si Hesus, labis siyang nagsisi sa kanyang ginawa kaya isinauli niya ang tatlumpung pirasong pilak sa mga namamahalang pari at mga pinuno ng mga Hudyo. Sinabi niya sa kanila, “Nagkasala ako dahil pinagkanulo ko ang isang taong walang kasalanan.” Ngunit sumagot sila, “Ano ang pakialam namin diyan? Problema mo na iyan.” Itinapon ni Judas sa Templo ang salapi. Pagkatapos ay umalis siya at nagbigti. Pinulot ng mga namamahalang pari ang salapi at sinabi, “Labag sa Kautusan na ilagay ang salaping ito sa kabang-yaman ng Templo, dahil bayad ito sa buhay ng isang tao.” Kaya napagkasunduan nilang gamitin ang salapi para bilhin ang bukid ng magpapalayok at gawing libingan para sa mga dayuhan. Ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay tinatawag pa rin ang lugar na iyon na Bukid ng Dugo. Sa pangyayaring iyon, natupad ang ipinahayag ni Propeta Jeremias nang sabihin niya, “Kinuha nila ang tatlumpung pirasong pilak, ang halagang napagkasunduan ng mga taga-Israel na ipambili sa kanya, at ginamit nila ang pera bilang pambili ng bukid ng magpapalayok, ayon sa iniutos sa akin ng Panginoon.” Nang madala na si Hesus kay Pilato, tinanong siya nito, “Ikaw nga ba ang hari ng mga Hudyo?” Sumagot si Hesus, “Ikaw na ang nagsabi.” Ngunit hindi sumagot si Hesus sa mga paratang ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Hudyo. Kaya tinanong siyang muli ni Pilato, “Bakit ayaw mong sagutin ang mga paratang nila sa iyo?” Ngunit hindi pa rin sinagot ni Hesus ni isa sa mga paratang nila sa labis na pagtataka ng gobernador. Tuwing Pista ng Paglampas ng Anghel, nakaugalian na ng gobernador na magpalaya ng isang bilanggo na pipiliin ng mga tao. Noong panahong iyon, may isang bilanggong kilala sa kasamaan na ang pangalan ay Barabas. Nang magtipon ang mga tao, tinanong sila ni Pilato, “Sino ang gusto ninyong palayain ko? Si Barabas o si Hesus na tinatawag na Mesias?” Alam ni Pilato na pagkainggit ang nagtulak sa pamunuan ng mga Hudyo na dalhin sa kanya si Hesus. Habang nakaupo si Pilato sa hukuman, nagpadala ang kanyang asawa ng ganitong mensahe: “Huwag mong pakialaman ang taong iyan na walang kasalanan, sapagkat nabagabag ako nang husto dahil sa panaginip ko tungkol sa kanya.” Ngunit sinulsulan ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Hudyo ang mga tao na hilingin kay Pilato na si Barabas ang palayain, at si Hesus ang ipapatay. Kaya nagtanong ulit si Pilato sa mga tao, “Sino sa dalawa ang gusto ninyong palayain ko?” Sumigaw sila, “Si Barabas!” Nagtanong pa ulit si Pilato, “Ano ngayon ang gagawin ko kay Hesus na tinatawag na Mesias?” Sumagot ang mga tao, “Ipako siya sa krus!” Tinanong sila ni Pilato, “Bakit, ano ba ang nagawa niyang kasalanan?” Ngunit lalo pang sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus!” Nang makita ni Pilato na wala siyang magagawa dahil nagsisimula nang magkagulo ang mga tao, nagpakuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harap ng mga tao at sinabi, “Wala akong pananagutan sa kamatayan ng taong ito. Kayo ang dapat managot. Malinis ang kamay ko sa bagay na ito.” Sumagot ang mga tao, “Kami at ang mga anak namin ang mananagot sa kanyang kamatayan!” Pagkatapos, pinalaya ni Pilato si Barabas. Ngunit si Hesus ay ipinahagupit niya at saka ibinigay sa mga sundalo para ipako sa krus. Dinala ng mga sundalo si Hesus sa loob ng palasyo ng gobernador, at nagtipon ang buong batalyon ng mga sundalo sa paligid niya.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Mateo 27:3-27