Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 27:27-66

Mateo 27:27-66 ASD

Dinala ng mga sundalo si Hesus sa loob ng palasyo ng gobernador, at nagtipon ang buong batalyon ng mga sundalo sa paligid niya. Hinubaran nila siya at sinuotan ng pulang kapa. Gumawa sila ng koronang tinik at ipinutong sa kanya, at ipinahawak ang isang tungkod sa kanyang kanang kamay. Lumuhod sila sa harap niya at pakutyang sinabi, “Mabuhay ang Hari ng mga Hudyo!” Dinuraan nila si Hesus at kinuha ang tungkod na hawak niya at paulit-ulit nilang inihampas sa kanyang ulo. Matapos nilang kutyain si Hesus, hinubad nila sa kanya ang kapa at isinuot muli sa kanya ang damit niya. Pagkatapos, dinala nila siya sa labas ng lungsod para ipako sa krus. Nang palabas na sila ng lungsod, nakita nila ang isang lalaking taga-Cirene na nagngangalang Simon. Sapilitan nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Hesus. Pagdating nila sa lugar na tinatawag na Golgota (na ang ibig sabihin ay “lugar ng bungo”), pinainom nila si Hesus ng alak na hinaluan ng apdo, ngunit nang matikman ito ni Hesus ay ayaw niyang inumin. Ipinako nila si Hesus sa krus, at pinaghati-hatian nila ang kanyang mga damit sa pamamagitan ng palabunutan. Pagkatapos, naupo sila at binantayan si Hesus. Naglagay sila ng karatula sa ulunan ni Hesus, at ganito ang nakasulat na paratang laban sa kanya: ITO SI HESUS, ANG HARI NG MGA HUDYO. May dalawang tulisan na ipinako rin sa krus kasabay ni Hesus, isa sa kanan at isa sa kaliwa. Ininsulto si Hesus ng mga taong napapadaan doon. Napapailing sila at sinasabi, “Hindi baʼt sinasabi mong gigibain mo ang Templo at muli mong itatayo sa loob ng tatlong araw? Bakit hindi mo iligtas ang iyong sarili? Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, bumaba ka sa krus!” Ganoon din ang pangungutya ng mga namamahalang pari, ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga pinuno ng mga Hudyo. Sinabi nila, “Iniligtas niya ang iba, ngunit hindi niya mailigtas ang kanyang sarili. Hindi baʼt siya ang hari ng Israel? Kung bababa siya sa krus, maniniwala na kami sa kanya. Nagtitiwala siya sa Diyos at sinasabi niyang siya ang Anak ng Diyos. Ngayon, tingnan natin kung talagang ililigtas siya ng Diyos!” Maging ang mga tulisang ipinakong kasama niya ay iniinsulto rin siya. Nang mag-alas dose na ng tanghali, dumilim ang buong lupain sa loob ng tatlong oras. Nang mag-alas tres na ng hapon, sumigaw si Hesus nang malakas, “Eli, Eli, lema sabachtani?” na ang ibig sabihin ay “Diyos ko, Diyos ko, bakit nʼyo ako pinabayaan?” Nang marinig iyon ng mga nakatayo roon, sinabi nila, “Tinatawag niya si Elias.” Agad namang tumakbo ang isang tao at kumuha ng espongha at isinawsaw sa maasim na alak. Ikinabit niya ito sa dulo ng isang patpat at idinampi sa bibig ni Hesus para sipsipin niya. Ngunit sinabi naman ng iba, “Hayaan mo siya. Tingnan natin kung darating nga si Elias para iligtas siya.” Muling sumigaw nang malakas si Hesus at pagkatapos ay ipinaubaya niya ang kanyang espiritu sa Diyos. Nang sandali ring iyon, nahati mula sa itaas hanggang sa ibaba ang kurtina sa loob ng Templo. Lumindol sa buong lupain, nagkabitak-bitak ang mga bato at nabuksan ang mga libingan, at muling nabuhay ang maraming banal na namatay. Lumabas sila ng libingan, at nang muling mabuhay si Hesus, pumunta sila sa banal na lungsod ng Jerusalem at marami ang nakakita sa kanila. Ang kapitan ng mga sundalo at mga kasama niyang nagbabantay kay Hesus ay nasindak nang mayanig ang lupa at nang makita ang lahat ng mga pangyayari. Sinabi nila, “Totoo ngang siya ang Anak ng Diyos!” Sa di-kalayuan ay maraming babae ang nanonood sa mga pangyayari. Noong umalis si Hesus sa Galilea, sumunod ang mga babaeng ito sa kanya at tinulungan siya sa kanyang mga pangangailangan. Kabilang sa kanila si Maria Magdalena, si Maria na ina nina Santiago at Jose, at ang asawa ni Zebedeo. Nang magtatakip-silim na, isang mayamang lalaki na taga-Arimatea ang dumating. Siya si Jose na isa ring alagad ni Hesus. Pumunta siya kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Hesus. At iniutos naman ni Pilato na ibigay ito sa kanya. Kaya kinuha ni Jose ang bangkay at binalot ng malinis na telang lino. Inilagay niya ito sa bagong libingang hinukay sa gilid ng burol, na ipinagawa niya para sana sa sarili. Pagkatapos, pinagulong niya ang isang malaking bato para takpan ang pintuan ng libingan, at saka umalis. Si Maria Magdalena at ang isa pang Maria ay naroon at nakaupo sa tapat ng libingan. Kinabukasan, pagkatapos ng Araw ng Paghahanda, pumunta ang mga namamahalang pari at ang mga Pariseo kay Pilato. Sinabi nila, “Natatandaan po namin na noong buháy pa ang mapagpanggap na iyon, sinabi niya, ‘Pagkatapos ng tatlong araw mabubuhay akong muli.’ Kaya mabuti sigurong pabantayan po ninyo ang kanyang libingan sa mga susunod na araw, dahil baka nakawin ng mga alagad niya ang kanyang bangkay at ipamalitang nabuhay siya. Kapag nangyari ito, mas magiging masahol pa ang pandarayang ito kaysa noong una.” Sumagot si Pilato sa kanila, “May mga guwardiya kayo. Kayo na ang magpabantay ng husto ayon sa abot ng inyong makakaya.” Kaya pumunta sila sa libingan, at tinatakan nila ang batong nakatakip sa libingan upang malaman nila kung may nagbukas, at nag-iwan sila roon ng ilang mga bantay.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Mateo 27:27-66