Mateo 27:27-44
Mateo 27:27-44 ASD
Dinala ng mga sundalo si Hesus sa loob ng palasyo ng gobernador, at nagtipon ang buong batalyon ng mga sundalo sa paligid niya. Hinubaran nila siya at sinuotan ng pulang kapa. Gumawa sila ng koronang tinik at ipinutong sa kanya, at ipinahawak ang isang tungkod sa kanyang kanang kamay. Lumuhod sila sa harap niya at pakutyang sinabi, “Mabuhay ang Hari ng mga Hudyo!” Dinuraan nila si Hesus at kinuha ang tungkod na hawak niya at paulit-ulit nilang inihampas sa kanyang ulo. Matapos nilang kutyain si Hesus, hinubad nila sa kanya ang kapa at isinuot muli sa kanya ang damit niya. Pagkatapos, dinala nila siya sa labas ng lungsod para ipako sa krus. Nang palabas na sila ng lungsod, nakita nila ang isang lalaking taga-Cirene na nagngangalang Simon. Sapilitan nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Hesus. Pagdating nila sa lugar na tinatawag na Golgota (na ang ibig sabihin ay “lugar ng bungo”), pinainom nila si Hesus ng alak na hinaluan ng apdo, ngunit nang matikman ito ni Hesus ay ayaw niyang inumin. Ipinako nila si Hesus sa krus, at pinaghati-hatian nila ang kanyang mga damit sa pamamagitan ng palabunutan. Pagkatapos, naupo sila at binantayan si Hesus. Naglagay sila ng karatula sa ulunan ni Hesus, at ganito ang nakasulat na paratang laban sa kanya: ITO SI HESUS, ANG HARI NG MGA HUDYO. May dalawang tulisan na ipinako rin sa krus kasabay ni Hesus, isa sa kanan at isa sa kaliwa. Ininsulto si Hesus ng mga taong napapadaan doon. Napapailing sila at sinasabi, “Hindi baʼt sinasabi mong gigibain mo ang Templo at muli mong itatayo sa loob ng tatlong araw? Bakit hindi mo iligtas ang iyong sarili? Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, bumaba ka sa krus!” Ganoon din ang pangungutya ng mga namamahalang pari, ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga pinuno ng mga Hudyo. Sinabi nila, “Iniligtas niya ang iba, ngunit hindi niya mailigtas ang kanyang sarili. Hindi baʼt siya ang hari ng Israel? Kung bababa siya sa krus, maniniwala na kami sa kanya. Nagtitiwala siya sa Diyos at sinasabi niyang siya ang Anak ng Diyos. Ngayon, tingnan natin kung talagang ililigtas siya ng Diyos!” Maging ang mga tulisang ipinakong kasama niya ay iniinsulto rin siya.





