Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 27:1-56

Mateo 27:1-56 ASD

Kinaumagahan, nagplano ang lahat ng namamahalang pari at mga pinuno ng mga Hudyo kung paano nila maipapatay si Hesus. Kaya iginapos nila si Hesus at dinala kay Gobernador Pilato. Nang malaman ng traydor na si Judas na hinatulan ng kamatayan si Hesus, labis siyang nagsisi sa kanyang ginawa kaya isinauli niya ang tatlumpung pirasong pilak sa mga namamahalang pari at mga pinuno ng mga Hudyo. Sinabi niya sa kanila, “Nagkasala ako dahil pinagkanulo ko ang isang taong walang kasalanan.” Ngunit sumagot sila, “Ano ang pakialam namin diyan? Problema mo na iyan.” Itinapon ni Judas sa Templo ang salapi. Pagkatapos ay umalis siya at nagbigti. Pinulot ng mga namamahalang pari ang salapi at sinabi, “Labag sa Kautusan na ilagay ang salaping ito sa kabang-yaman ng Templo, dahil bayad ito sa buhay ng isang tao.” Kaya napagkasunduan nilang gamitin ang salapi para bilhin ang bukid ng magpapalayok at gawing libingan para sa mga dayuhan. Ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay tinatawag pa rin ang lugar na iyon na Bukid ng Dugo. Sa pangyayaring iyon, natupad ang ipinahayag ni Propeta Jeremias nang sabihin niya, “Kinuha nila ang tatlumpung pirasong pilak, ang halagang napagkasunduan ng mga taga-Israel na ipambili sa kanya, at ginamit nila ang pera bilang pambili ng bukid ng magpapalayok, ayon sa iniutos sa akin ng Panginoon.” Nang madala na si Hesus kay Pilato, tinanong siya nito, “Ikaw nga ba ang hari ng mga Hudyo?” Sumagot si Hesus, “Ikaw na ang nagsabi.” Ngunit hindi sumagot si Hesus sa mga paratang ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Hudyo. Kaya tinanong siyang muli ni Pilato, “Bakit ayaw mong sagutin ang mga paratang nila sa iyo?” Ngunit hindi pa rin sinagot ni Hesus ni isa sa mga paratang nila sa labis na pagtataka ng gobernador. Tuwing Pista ng Paglampas ng Anghel, nakaugalian na ng gobernador na magpalaya ng isang bilanggo na pipiliin ng mga tao. Noong panahong iyon, may isang bilanggong kilala sa kasamaan na ang pangalan ay Barabas. Nang magtipon ang mga tao, tinanong sila ni Pilato, “Sino ang gusto ninyong palayain ko? Si Barabas o si Hesus na tinatawag na Mesias?” Alam ni Pilato na pagkainggit ang nagtulak sa pamunuan ng mga Hudyo na dalhin sa kanya si Hesus. Habang nakaupo si Pilato sa hukuman, nagpadala ang kanyang asawa ng ganitong mensahe: “Huwag mong pakialaman ang taong iyan na walang kasalanan, sapagkat nabagabag ako nang husto dahil sa panaginip ko tungkol sa kanya.” Ngunit sinulsulan ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Hudyo ang mga tao na hilingin kay Pilato na si Barabas ang palayain, at si Hesus ang ipapatay. Kaya nagtanong ulit si Pilato sa mga tao, “Sino sa dalawa ang gusto ninyong palayain ko?” Sumigaw sila, “Si Barabas!” Nagtanong pa ulit si Pilato, “Ano ngayon ang gagawin ko kay Hesus na tinatawag na Mesias?” Sumagot ang mga tao, “Ipako siya sa krus!” Tinanong sila ni Pilato, “Bakit, ano ba ang nagawa niyang kasalanan?” Ngunit lalo pang sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus!” Nang makita ni Pilato na wala siyang magagawa dahil nagsisimula nang magkagulo ang mga tao, nagpakuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harap ng mga tao at sinabi, “Wala akong pananagutan sa kamatayan ng taong ito. Kayo ang dapat managot. Malinis ang kamay ko sa bagay na ito.” Sumagot ang mga tao, “Kami at ang mga anak namin ang mananagot sa kanyang kamatayan!” Pagkatapos, pinalaya ni Pilato si Barabas. Ngunit si Hesus ay ipinahagupit niya at saka ibinigay sa mga sundalo para ipako sa krus. Dinala ng mga sundalo si Hesus sa loob ng palasyo ng gobernador, at nagtipon ang buong batalyon ng mga sundalo sa paligid niya. Hinubaran nila siya at sinuotan ng pulang kapa. Gumawa sila ng koronang tinik at ipinutong sa kanya, at ipinahawak ang isang tungkod sa kanyang kanang kamay. Lumuhod sila sa harap niya at pakutyang sinabi, “Mabuhay ang Hari ng mga Hudyo!” Dinuraan nila si Hesus at kinuha ang tungkod na hawak niya at paulit-ulit nilang inihampas sa kanyang ulo. Matapos nilang kutyain si Hesus, hinubad nila sa kanya ang kapa at isinuot muli sa kanya ang damit niya. Pagkatapos, dinala nila siya sa labas ng lungsod para ipako sa krus. Nang palabas na sila ng lungsod, nakita nila ang isang lalaking taga-Cirene na nagngangalang Simon. Sapilitan nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Hesus. Pagdating nila sa lugar na tinatawag na Golgota (na ang ibig sabihin ay “lugar ng bungo”), pinainom nila si Hesus ng alak na hinaluan ng apdo, ngunit nang matikman ito ni Hesus ay ayaw niyang inumin. Ipinako nila si Hesus sa krus, at pinaghati-hatian nila ang kanyang mga damit sa pamamagitan ng palabunutan. Pagkatapos, naupo sila at binantayan si Hesus. Naglagay sila ng karatula sa ulunan ni Hesus, at ganito ang nakasulat na paratang laban sa kanya: ITO SI HESUS, ANG HARI NG MGA HUDYO. May dalawang tulisan na ipinako rin sa krus kasabay ni Hesus, isa sa kanan at isa sa kaliwa. Ininsulto si Hesus ng mga taong napapadaan doon. Napapailing sila at sinasabi, “Hindi baʼt sinasabi mong gigibain mo ang Templo at muli mong itatayo sa loob ng tatlong araw? Bakit hindi mo iligtas ang iyong sarili? Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, bumaba ka sa krus!” Ganoon din ang pangungutya ng mga namamahalang pari, ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga pinuno ng mga Hudyo. Sinabi nila, “Iniligtas niya ang iba, ngunit hindi niya mailigtas ang kanyang sarili. Hindi baʼt siya ang hari ng Israel? Kung bababa siya sa krus, maniniwala na kami sa kanya. Nagtitiwala siya sa Diyos at sinasabi niyang siya ang Anak ng Diyos. Ngayon, tingnan natin kung talagang ililigtas siya ng Diyos!” Maging ang mga tulisang ipinakong kasama niya ay iniinsulto rin siya. Nang mag-alas dose na ng tanghali, dumilim ang buong lupain sa loob ng tatlong oras. Nang mag-alas tres na ng hapon, sumigaw si Hesus nang malakas, “Eli, Eli, lema sabachtani?” na ang ibig sabihin ay “Diyos ko, Diyos ko, bakit nʼyo ako pinabayaan?” Nang marinig iyon ng mga nakatayo roon, sinabi nila, “Tinatawag niya si Elias.” Agad namang tumakbo ang isang tao at kumuha ng espongha at isinawsaw sa maasim na alak. Ikinabit niya ito sa dulo ng isang patpat at idinampi sa bibig ni Hesus para sipsipin niya. Ngunit sinabi naman ng iba, “Hayaan mo siya. Tingnan natin kung darating nga si Elias para iligtas siya.” Muling sumigaw nang malakas si Hesus at nalagutan ng hininga. Nang sandali ring iyon, nahati mula sa itaas hanggang sa ibaba ang kurtina sa loob ng Templo. Lumindol sa buong lupain at nagkabitak-bitak ang mga bato. Nabuksan ang mga libingan at maraming banal ang muling nabuhay. Lumabas sila ng libingan, at nang muling mabuhay si Hesus, pumunta sila sa banal na lungsod ng Jerusalem at marami ang nakakita sa kanila. Ang kapitan ng mga sundalo at mga kasama niyang nagbabantay kay Hesus ay nasindak nang mayanig ang lupa at nang makita ang lahat ng mga pangyayari. Sinabi nila, “Totoo ngang siya ang Anak ng Diyos!” Sa di-kalayuan ay maraming babae ang nanonood sa mga pangyayari. Noong umalis si Hesus sa Galilea, sumunod ang mga babaeng ito sa kanya at tinulungan siya sa kanyang mga pangangailangan. Kabilang sa kanila si Maria Magdalena, si Maria na ina nina Santiago at Jose, at ang asawa ni Zebedeo.