Mateo 25:14-30
Mateo 25:14-30 ASD
“Ang Kaharian ng Langit ay maihahalintulad sa kuwentong ito: May isang taong papunta sa malayong lugar. Kaya tinawag niya ang kanyang mga alipin at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang ari-arian. Binigyan niya ang bawat isa ayon sa kani-kanilang kakayahang magnegosyo. Binigyan niya ang isa ng limang libong salaping ginto, ang isa naman ay dalawang libong salaping ginto, at ang isa pa ay isang libong salaping ginto. Pagkatapos ay umalis na siya. Ang alipin na binigyan ng limang libo ay kaagad na umalis at ginamit sa negosyo ang pera. At tumubo siya ng limang libo. Ganoon din ang ginawa ng alipin na binigyan ng dalawang libo. At tumubo siya ng dalawang libo. Ngunit ang alipin na binigyan ng isang libo ay humukay sa lupa at itinago roon ang perang ibinigay ng kanyang panginoon. “Pagkalipas ng mahabang panahon, bumalik ang amo nila at ipinatawag sila para magbalita tungkol sa perang ipinagkatiwala sa kanila. Lumapit ang alipin na nakatanggap ng limang libo at sinabi, ‘Panginoon, heto po ang limang libo na ibinigay nʼyo sa akin, at ang karagdagang limang libo na tinubo ko.’ “Sumagot ang amo niya, ‘Magaling! Isa kang mabuti at tapat na alipin! At dahil naging matapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, ipapamahala ko sa iyo ang mas malaki pang halaga. Halikaʼt makibahagi sa aking kaligayahan!’ “Pagkatapos, lumapit naman ang alipin na binigyan ng dalawang libo at sinabi niya, ‘Panginoon, heto po ang dalawang libo na ibinigay nʼyo sa akin, at ang karagdagang dalawang libo na tinubo ko.’ “Sumagot ang kanyang amo: ‘Magaling! Isa kang mabuti at tapat na alipin! At dahil naging matapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, ipapamahala ko sa iyo ang mas malaki pang halaga. Halikaʼt makibahagi rin sa aking kaligayahan!’ “Lumapit din ang alipin na binigyan ng isang libo at sinabi sa kanyang amo, ‘Alam ko pong mabagsik kayo at walang awa. Inaani ninyo ang hindi ninyo itinanim, at kinukuha ninyo ang pinaghirapan ng iba. Natakot po ako kaya ibinaon ko ang pera nʼyo sa lupa. Heto po ang isang libo na ibinigay nʼyo sa akin.’ “Sumagot ang kanyang amo, ‘Masamá at tamad na alipin! Alam mo palang inaani ko ang hindi ko itinanim, at kinukuha ko ang pinaghirapan ng iba. Bakit hindi mo na lang idineposito sa bangko ang pera ko para sa pagbalik ko ay may makuha akong interes?’ “ ‘Kunin ninyo sa kanya ang isang libo at ibigay sa mayroong sampung libo. Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa ng mas marami, ngunit ang wala, kahit ang kaunting nasa kanya ay kukunin pa. Itapon ninyo ang walang silbing alipin na ʼyan sa labas, doon sa kadiliman kung saan siyaʼy tatangis at magngangalit ang kanyang ngipin.’




