Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 25:1-25

Mateo 25:1-25 ASD

“Sa araw na iyon, ang paghahari ng Langit ay maihahalintulad sa sampung dalagang lumabas na may dalang ilawan para salubungin ang lalaking ikakasal. Ang lima sa kanilaʼy mangmang, at ang limaʼy matatalino. Ang limang mangmang ay nagdala ng ilawan ngunit hindi nagdala ng reserbang langis, habang ang limang matatalino naman ay nagdala ng reserbang langis para sa kanilang mga ilawan. Natagalan ang pagdating ng lalaking ikakasal kaya ang mga dalaga ay inantok at nakatulog sa paghihintay. “Nang hatinggabi na, biglang may sumigaw, ‘Nariyan na ang ikakasal! Halikayoʼt salubungin ninyo!’  “Nagising ang sampung dalaga at inihanda ang kani-kanilang ilawan. Sinabi ng mga mangmang sa marurunong, ‘Pahingi naman ng kaunting langis; malapit na kasing mamatay ang mga ilawan namin.’ “Sumagot sila, ‘Hindi puwede, dahil hindi magkakasya sa atin ang langis. Pumunta na lang kayo sa tindahan at bumili ng para sa inyo.’ “Kaya umalis ang mga mangmang na dalaga para bumili ng kanilang langis. Habang wala sila, dumating ang lalaking ikakasal. Ang limang nakahanda ay sumáma sa kanya sa handaan. Pagpasok nila, isinara ang pintuan. “Maya-mayaʼy dumating na ang limang mangmang na dalaga at nagsisigaw, ‘Panginoon, panginoon! Papasukin nʼyo po kami.’  “Ngunit sumagot ang lalaki, ‘Hindi ko kayo kilala.’  “Kaya magbantay kayo, dahil hindi ninyo alam ang araw o oras ng aking pagbabalik. “Ang Kaharian ng Langit ay maihahalintulad sa kuwentong ito: May isang taong papunta sa malayong lugar. Kaya tinawag niya ang kanyang mga alipin at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang ari-arian. Binigyan niya ang bawat isa ayon sa kani-kanilang kakayahang magnegosyo. Binigyan niya ang isa ng limang libong salaping ginto, ang isa naman ay dalawang libong salaping ginto, at ang isa pa ay isang libong salaping ginto. Pagkatapos ay umalis na siya. Ang alipin na binigyan ng limang libo ay kaagad na umalis at ginamit sa negosyo ang pera. At tumubo siya ng limang libo. Ganoon din ang ginawa ng alipin na binigyan ng dalawang libo. At tumubo siya ng dalawang libo. Ngunit ang alipin na binigyan ng isang libo ay humukay sa lupa at itinago roon ang perang ibinigay ng kanyang panginoon. “Pagkalipas ng mahabang panahon, bumalik ang amo nila at ipinatawag sila para magbalita tungkol sa perang ipinagkatiwala sa kanila. Lumapit ang alipin na nakatanggap ng limang libo at sinabi, ‘Panginoon, heto po ang limang libo na ibinigay nʼyo sa akin, at ang karagdagang limang libo na tinubo ko.’  “Sumagot ang amo niya, ‘Magaling! Isa kang mabuti at tapat na alipin! At dahil naging matapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, ipapamahala ko sa iyo ang mas malaki pang halaga. Halikaʼt makibahagi sa aking kaligayahan!’ “Pagkatapos, lumapit naman ang alipin na binigyan ng dalawang libo at sinabi niya, ‘Panginoon, heto po ang dalawang libo na ibinigay nʼyo sa akin, at ang karagdagang dalawang libo na tinubo ko.’ “Sumagot ang kanyang amo: ‘Magaling! Isa kang mabuti at tapat na alipin! At dahil naging matapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, ipapamahala ko sa iyo ang mas malaki pang halaga. Halikaʼt makibahagi rin sa aking kaligayahan!’ “Lumapit din ang alipin na binigyan ng isang libo at sinabi sa kanyang amo, ‘Alam ko pong mabagsik kayo at walang awa. Inaani ninyo ang hindi ninyo itinanim, at kinukuha ninyo ang pinaghirapan ng iba. Natakot po ako kaya ibinaon ko ang pera nʼyo sa lupa. Heto po ang isang libo na ibinigay nʼyo sa akin.’