Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 21:23-32

Mateo 21:23-32 ASD

Bumalik sa Templo si Hesus, at habang nagtuturo siya, nilapitan siya ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Hudyo at tinanong, “Ano ang awtoridad mong gumawa ng mga bagay na ginagawa mo? Sino ang nagbigay saʼyo ng awtoridad na iyan?” Sumagot si Hesus, “Tatanungin ko rin kayo. At kapag sinagot ninyo, sasabihin ko kung ano ang awtoridad ko na gumawa ng mga bagay na ito. Kanino galing ang awtoridad ni Juan upang magbautismo, sa Diyos o sa tao?” Nag-usap-usap sila, “Kung sasabihin nating mula sa Diyos, sasabihin niya, ‘Bakit hindi kayo naniwala kay Juan?’ Ngunit kung sasabihin nating mula sa tao, magagalit sa atin ang mga tao, dahil naniniwala silang si Juan ay propeta ng Diyos.” Kaya sumagot sila, “Hindi namin alam.” At sinabi ni Hesus sa kanila, “Kung ganoon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung saan nagmula ang awtoridad ko na gumawa ng mga bagay na ito.” Sinabi pa ni Hesus sa kanila ang talinghagang ito: “Ano sa palagay ninyo ang kahulugan nito? May isang tao na may dalawang anak na lalaki. Lumapit siya sa panganay at sinabi, ‘Anak, pumunta ka ngayon sa ating ubasan at magtrabaho.’  “Sumagot siya, ‘Ayaw ko po.’ Ngunit maya-maya ay nagbago ang isip niya at pumunta rin. “Lumapit din ang ama sa bunso at ganoon din ang sinabi. Sumagot ang bunso, ‘Opo,’ ngunit hindi naman siya pumunta. “Sino ngayon sa dalawa ang sumunod sa kalooban ng kanilang ama?” Sumagot sila, “Ang panganay.” Sinabi ni Hesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang mga maniningil ng buwis at ang mga babaeng bayaran ay nauuna pa sa inyong makapasok sa kaharian ng Diyos. Sapagkat dumating sa inyo si Juan na Tagapagbautismo, at itinuro sa inyo ang tamang daan sa matuwid na pamumuhay, ngunit hindi kayo naniwala. Subalit ang mga maniningil ng buwis at ang mga babaeng bayaran ay naniwala sa kanya. At kahit na nakita ninyo ito, hindi pa rin kayo nagsisi sa mga kasalanan ninyo at naniwala sa kanya.