Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 2:1-23

Mateo 2:1-23 ASD

Pagkatapos ipanganak si Hesus sa Bethlehem sa lalawigan ng Judea sa kapanahunan ng paghahari ni Herodes, may ilang pantas mula sa Silangan na dumating sa Jerusalem. Nagtanong sila, “Nasaan ang batang ipinanganak na hari ng mga Hudyo? Nakita namin ang kanyang bituin noong lumitaw ito, at naparito kami para sambahin siya.” Nang mabalitaan ito ni Haring Herodes, nabagabag siya pati na ang buong Jerusalem. Kaya ipinatawag ni Herodes ang lahat ng namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan, at itinanong sa kanila kung saan isisilang ang Mesias. Sumagot sila, “Sa Bethlehem po, sa Judea, sapagkat ito ang isinulat ng propeta: ‘Ikaw, Bethlehem sa lupain ng Juda, hindi ikaw ang pinakaaba sa mga namumunong bayan ng Juda; sapagkat magmumula sa iyo ang isang pinuno na magsisilbing pastol ng mga mamamayan kong Israelita.’ ” Kaya palihim na ipinatawag ni Herodes ang mga pantas at inalam niya sa kanila ang eksaktong oras na unang lumitaw ang bituin. Pagkatapos, pinapunta niya sila sa Bethlehem at nagbilin, “Lumakad na kayo at hanaping mabuti ang bata. At kapag nakita ninyo, balitaan nʼyo ako agad para makapunta rin ako at makasamba sa kanya.” Pagkatapos marinig ang bilin ng hari, lumakad na sila. At ang bituing nakita nilang lumitaw noon ay nanguna sa kanila hanggang sa tumigil ito sa tapat ng kinaroroonan ng bata. Nang makita nila ang bituin ay labis ang kanilang kagalakan. Pagpasok nila sa bahay, nakita nila ang bata kasama ang kanyang inang si Maria. Nagpatirapa sila at sumamba sa bata. Binuksan nila ang kanilang mga baul ng kayamanan at inihandog sa kanya ang mga dala nilang ginto, insenso at pabangong mira. Nang pauwi na sila, nag-iba sila ng daan dahil binalaan sila ng Diyos sa pamamagitan ng panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes. Nang makaalis na ang mga pantas, nagpakita ang isang anghel ng Panginoon kay Jose sa panaginip. Sinabi niya, “Bumangon kaʼt dalhin mo ang bata at ang kanyang ina, at tumakas kayo patungong Ehipto. Doon muna kayo hanggaʼt hindi ko sinasabing bumalik kayo, dahil ipapahanap ni Herodes ang bata para patayin.” Bumangon nga si Jose at nang gabi ring iyon ay dinala niya ang mag-ina patungong Ehipto. Nanatili sila roon hanggang sa mamatay si Haring Herodes. Kaya natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, “Tinawag ko ang aking anak mula sa Ehipto.” Nang malaman ni Herodes na naisahan siya ng mga pantas, galit na galit siya. Kaya iniutos niyang patayin ang lahat ng mga batang lalaki sa Bethlehem at sa mga karatig na lugar, mula dalawang taóng gulang pababa. Batay ito sa panahon kung kailan nakita ng mga pantas ang bituin. Sa ganitong paraan natupad ang sinabi ni Propeta Jeremias: “May narinig na tinig sa Rama, tumatangis at nananaghoy, iniiyakan ni Raquel ang kanyang mga anak, at ayaw niyang magpaaliw, dahil silaʼy pumanaw na.” Nang mamatay na si Herodes, nagpakita ang isang anghel ng Panginoon kay Jose sa panaginip doon sa Ehipto at sinabi nito sa kanya, “Bumangon kaʼt dalhin mo ang bata at ang kanyang ina pauwi sa Israel, dahil patay na ang mga nagtatangka sa buhay ng bata.” Bumangon nga si Jose, at dinala ang mag-ina pauwi sa Israel. Subalit nang malaman ni Jose na si Arquelao ang naghahari sa lalawigan ng Judea kapalit ng ama nitong si Herodes, natakot siyang pumunta roon. Dahil binalaan siya ng Diyos sa pamamagitan ng panaginip, sa lalawigan ng Galilea sila tumuloy, at silaʼy tumira sa bayan ng Nazaret. Kaya natupad ang sinabi ng mga propeta na tatawagin siyang Nazareno.

Video para sa Mateo 2:1-23