Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 16:6-19

Mateo 16:6-19 ASD

Sinabi ni Hesus sa kanila, “Mag-ingat kayo sa pampaalsa ng mga Pariseo at mga Saduceo.” Nag-usap-usap ang mga alagad ni Hesus. Akala nila, kaya niya sinabi iyon ay dahil wala silang dalang tinapay. Ngunit alam ni Hesus ang pinag-uusapan nila, kaya sinabi niya, “Napakaliit naman ng inyong pananampalataya! Bakit ninyo pinag-uusapan ang hindi ninyo pagdadala ng tinapay? Hindi pa ba kayo nakakaunawa? Nakalimutan na ba ninyo ang ginawa ko sa limang tinapay para mapakain ang limang libong tao? Hindi ba ninyo naalala kung ilang kaing ang napuno ninyo ng mga natirang pagkain? Nakalimutan na rin ba ninyo ang ginawa ko sa pitong tinapay upang mapakain ang apat na libong tao, at kung ilang kaing ang napuno ninyo ng mga natirang pagkain? Hindi ba ninyo naiintindihang hindi tinapay ang tinutukoy ko nang sabihin kong, ‘Mag-ingat kayo sa pampaalsa ng mga Pariseo at mga Saduceo?’ ” At saka lang nila naintindihan na hindi pala sila pinag-iingat sa pampaalsa kundi sa mga turo ng mga Pariseo at mga Saduceo. Nang makarating si Hesus sa lupain ng Cesarea na sakop ng Filipos, tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa Anak ng Tao?” Sumagot sila, “May mga nagsasabi pong si Juan na Tagapagbautismo. May nagsasabi ring si Elias, at ang iba namaʼy nagsasabing si Jeremias o isa sa mga propeta.” Tinanong sila ni Hesus, “Ngunit sa inyo, sino ako?” Sumagot si Simon Pedro, “Kayo po ang Mesias, ang Anak ng Diyos na buháy.” Sinabi ni Hesus sa kanya, “Pinagpala ka ng Diyos, Simon na anak ni Jonas. Sapagkat hindi tao ang nagpahayag sa iyo ng bagay na ito kundi ang aking Amang nasa langit. At ngayon sinasabi ko sa iyo na ikaw si Pedro At sa batong ito, itatayo ko ang aking iglesya, at hindi ito malulupig kahit ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng Langit. Anuman ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal din sa langit, at anuman ang ipahintulot mo sa lupa ay ipapahintulot din sa langit.”