Mateo 15:1-31
Mateo 15:1-31 ASD
Pagkatapos noon, lumapit kay Hesus ang ilang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan galing sa Jerusalem. Tinanong nila si Hesus, “Bakit nilalabag ng iyong mga alagad ang kaugalian ng ating mga ninuno? Hindi sila naghuhugas ng kamay bago kumain.” Sumagot si Hesus, “At kayo din naman, bakit ninyo nilalabag ang utos ng Diyos dahil sa inyong mga tradisyon? Halimbawa, sinabi ng Diyos, ‘Igalang ninyo ang inyong mga magulang,’ at ‘Ang lumalapastangan sa kanyang mga magulang ay dapat patayin.’ Ngunit itinuturo naman ninyo na kapag sinabi ng isang anak sa kanyang mga magulang na ang tulong na ibibigay niya sana sa kanila ay nakalaan na sa Diyos, hindi na niya kailangang tumulong sa kanila. Pinawawalang-halaga ninyo ang utos ng Diyos dahil sa inyong mga tradisyon. Mga pakitang-tao! Tamang-tama ang sinabi ng Diyos tungkol sa inyo sa pamamagitan ni Isaias: ‘Iginagalang ako ng mga taong ito sa mga labi lang nila, ngunit malayo sa akin ang kanilang mga puso. Ang pagsamba nila sa akiʼy walang kabuluhan; pawang tuntunin ng tao ang kanilang katuruan.’ ” Tinawag ni Hesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayo at unawain ang sasabihin ko. Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nagpaparumi sa kanya kundi ang mga lumalabas dito.” Pagkatapos ay lumapit sa kanya ang mga alagad at tinanong siya, “Alam nʼyo po bang nasaktan ang mga Pariseo dahil sa mga sinabi ninyo?” Sumagot siya, “Lahat ng halamang hindi itinanim ng aking Amang nasa langit ay bubunutin. Hayaan ninyo sila. Sila ay mga bulag na taga-akay. Kung ang bulag ang aakay sa kapwa niya bulag, pareho silang mahuhulog sa hukay.” Sumagot si Pedro, “Pakipaliwanag nʼyo po sa amin ang paghahalintulad na sinabi nʼyo kanina.” Sinabi ni Hesus sa kanila, “Hindi pa rin ba ninyo naintindihan? Hindi ba ninyo alam na ang lahat ng pumapasok sa bibig ay napupunta sa tiyan at pagkatapos ay lumalabas sa katawan? Ngunit ang mga salitang lumalabas sa bibig ng isang tao ay nagmumula sa puso, at ang mga ito ang nagpaparumi sa kanya. Sapagkat sa puso ng tao nagmumula ang masasamang pag-iisip na nagtutulak sa kanya para pumatay, mangalunya, gumawa ng seksuwal na imoralidad, magnakaw, magsinungaling at manira ng kapwa. Ang mga bagay na ito ang nakapagpaparumi sa isang tao. Ngunit ang kumain nang hindi naghuhugas ng kamay ay hindi nakapagpaparumi sa tao.” Umalis si Hesus mula roon at pumunta sa mga lugar na malapit sa Tiro at Sidon. May isang babaeng Cananeo na naninirahan doon. Lumapit siya kay Hesus at nagmakaawa. Sinabi niya, “Panginoon, Anak ni David, maawa po kayo sa akin! Sinasapian po ng demonyo ang anak kong babae at labis siyang pinahihirapan nito.” Ngunit hindi sumagot si Hesus. Kaya lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad at sinabi, “Paalisin nʼyo na po ang babaeng iyan, dahil sunod siya nang sunod sa atin at nag-iingay.” Sinabi ni Hesus sa babae, “Sinugo ako para lang sa mga Israelita na parang mga tupang naliligaw.” Ngunit lumapit pa ang babae kay Hesus at lumuhod sa harap niya, at sinabi, “Panginoon, tulungan nʼyo po ako!” Sinagot siya ni Hesus, “Hindi tamang kunin ang pagkain ng mga anak at ihagis sa mga aso.” Sumagot naman ang babae, “Tama po kayo, Panginoon, ngunit kahit ang mga aso ay kumakain ng mga tirang nahuhulog mula sa mesa ng kanilang amo.” At sinabi sa kanya ni Hesus, “Napakalaki ng iyong pananampalataya! Matutupad ang hinihiling mo.” At sa sandaling iyon ay gumaling ang anak ng babae. Mula roon, pumunta si Hesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Pagkatapos, umakyat siya sa bundok at naupo roon. Maraming tao ang pumunta sa kanya na may dalang mga pilay, bulag, paralitiko, pipi, at marami pang mga may sakit. Inilapit sila sa paanan ni Hesus at pinagaling niya silang lahat. Namangha nang husto ang mga tao nang makita nilang nakakapagsalita ang mga pipi, gumaling ang mga paralitiko, nakakalakad ang mga pilay, at nakakakita ang mga bulag. Kaya pinuri nila ang Diyos ng Israel.


