Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 13:31-52

Mateo 13:31-52 ASD

Ikinuwento pa sa kanila ni Hesus ang paghahalintulad na ito: “Ang paghahari ng Langit ay katulad ng isang buto ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang bukid. Ito ang pinakamaliit sa lahat ng buto. Ngunit kapag tumubo at lumaki na, nagiging pinakamataas ito sa lahat ng mga tanim; nagiging punongkahoy, at pinamumugaran ng mga ibon ang mga sanga nito.” Isa pang paghahalintulad ang ikinuwento ni Hesus: “Ang paghahari ng Langit ay maihahalintulad sa pampaalsang inihalo ng isang babae sa tatlong takal ng harina, at napaalsa nito ang buong masa ng harina.” Gumamit si Hesus ng mga paghahalintulad o mga talinghaga sa lahat ng kanyang pangangaral sa mga tao. Hindi siya nangaral sa kanila nang hindi sa pamamagitan nito. Sa ganitong paraan ay natupad ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang propeta: “Magsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng paghahalintulad. Sasabihin ko sa kanila ang mga bagay na nalilihim mula pa nang likhain ang mundo.” Pagkatapos, iniwan ni Hesus ang mga tao at bumalik sa loob ng bahay. Nilapitan siya ng mga alagad niya at sinabi, “Pakipaliwanag po sa amin ang talinghaga tungkol sa mga damo sa bukid.” Sumagot si Hesus, “Ang naghasik ng mabuting binhi ay walang iba kundi ang Anak ng Tao. Ang bukid ay ang mundo, at ang mabuting binhi ay ang mga kabilang sa kaharian ng Diyos. Ang mga damo naman ay ang mga taong sakop ni Satanas. Si Satanas ang kaaway na nagtanim sa kanila. Ang anihan ay ang katapusan ng mundo, at ang tagapag-ani ay ang mga anghel. “Kung paanong binubunot at sinusunog ang mga damo, ganoon din ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Ang Anak ng Tao ay magpapadala ng mga anghel, at aalisin nila sa kanyang kaharian ang lahat ng gumagawa ng kasalanan at nagiging dahilan ng pagkakasala ng iba. Itatapon sila sa nagliliyab na apoy, kung saan silaʼy tatangis at magngangalit ang kanilang ngipin. Ngunit ang matutuwid ay magniningning na parang araw sa kaharian ng kanilang Ama. Makinig ang sinumang may pandinig! “Ang paghahari ng Langit ay maihahalintulad sa kayamanang nakabaon sa isang bukid. Nang mahukay ito ng isang tao, itinago niya itong muli. At sa tuwa niyaʼy umuwi siya at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian, at binili niya ang bukid na iyon. “Ang paghahari ng Langit ay maihahalintulad sa isang negosyante na naghahanap ng magagandang perlas. Nang makatagpo siya ng isang mamahaling perlas, ipinagbili niya ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang perlas na iyon. “Ang paghahari ng Langit ay maihahalintulad din sa isang lambat na inihagis ng mga mangingisda sa lawa at nakahuli ng sari-saring isda. Nang mapuno ang lambat, hinila nila ito papunta sa dalampasigan. Pagkatapos, naupo sila para pagbukud-bukurin ang mga isda. Ang mabubuting isda ay inilagay nila sa mga basket, at ang mga walang kuwenta ay itinapon nila. Ganyan din ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Darating ang mga anghel at ihihiwalay nila ang masasama sa matutuwid. Itatapon ang masasama sa nagliliyab na apoy, at dooʼy iiyak sila at magngangalit ang kanilang ngipin.” Pagkatapos, tinanong sila ni Hesus, “Naunawaan ba ninyong lahat ang sinabi ko?” Sumagot sila, “Opo.” At sinabi ni Hesus sa kanila, “Kaya nga, ang bawat tagapagturo ng Kautusan na natuto tungkol sa kaharian ng Langit ay maihahalintulad sa isang may-ari ng bahay na inilalabas mula sa kanyang bodega ang mga kayamanang bago at luma.”