Mateo 13:18-35
Mateo 13:18-35 ASD
“Pakinggan ninyo ang kahulugan ng talinghaga tungkol sa manghahasik: Kapag may taong nakarinig ng mensahe tungkol sa kaharian ng Diyos ngunit hindi naman niya iyon inuunawa, darating si Satanas at tatangayin ang salita ng Diyos sa puso niya. Siya ang maihahalintulad sa tabi ng daan kung saan nahulog ang ilang binhi. Gayundin naman, ang mga taong nakarinig ng salita ng Diyos at agad tinanggap nang may kagalakan ay maihahalintulad sa batuhan kung saan nahulog ang ibang binhi. Ngunit dahil hindi ito nag-ugat sa kanilang mga puso, hindi nagtatagal ang kanilang pananampalataya. Kaagad nila itong tinatalikuran pagdating ng pagsubok o pag-uusig dahil sa salita ng Diyos na kanilang tinanggap. Ang mga taong nakarinig ng salita ng Diyos ay maihahalintulad sa lupang may matitinik na damo, kung saan nahulog ang iba pang binhi. Ngunit dahil sa mga alalahanin dito sa mundo at sa paghahangad na yumaman, nakalimutan nila ang salita ng Diyos, kaya hindi namunga ang salita sa buhay nila. Ngunit ang mga taong nakarinig sa salita ng Diyos at nakakaunawa nito ang siyang maihahalintulad sa matabang lupang hinasikan ng binhi. Sila ang mga namumunga ng tigtatatlumpu, tig-aanimnapu, at tig-iisang daan.” Muling nagbigay ng talinghaga si Hesus sa kanila, “Ang paghahari ng Langit ay maihahalintulad sa isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid. Ngunit kinagabihan, habang natutulog ang mga tao, dumating ang kanyang kaaway at naghasik ng damo at umalis. Nang tumubo ang mga tanim at namunga, lumitaw din ang mga damo. “Kaya pumunta sa kanya ang kanyang mga utusan at sinabi, ‘Hindi po baʼt mabubuting binhi lamang ang inihasik ninyo sa inyong bukid? Paano po ito nagkaroon ng mga damo?’ “Sinabi ng may-ari, ‘Isang kaaway ang may kagagawan nito.’ Tinanong siya ng mga utusan, ‘Gusto po ba ninyong bunutin namin ang mga damo?’ “Sumagot siya, ‘Huwag, baka mabunot din ninyo pati ang trigo. Hayaan na lang muna ninyong lumagong pareho hanggang sa anihan. Kapag dumating na ang panahong iyon, sasabihin ko sa mga tagapag-ani na unahin muna nilang bunutin ang mga damo, at bigkisin para sunugin. Pagkatapos, ipapaani ko sa kanila ang trigo at ipapaimbak sa aking bodega.’ ” Ikinuwento pa sa kanila ni Hesus ang paghahalintulad na ito: “Ang paghahari ng Langit ay katulad ng isang buto ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang bukid. Ito ang pinakamaliit sa lahat ng buto. Ngunit kapag tumubo at lumaki na, nagiging pinakamataas ito sa lahat ng mga tanim; nagiging punongkahoy, at pinamumugaran ng mga ibon ang mga sanga nito.” Isa pang paghahalintulad ang ikinuwento ni Hesus: “Ang paghahari ng Langit ay maihahalintulad sa pampaalsang inihalo ng isang babae sa tatlong takal ng harina, at napaalsa nito ang buong masa ng harina.” Gumamit si Hesus ng mga paghahalintulad o mga talinghaga sa lahat ng kanyang pangangaral sa mga tao. Hindi siya nangaral sa kanila nang hindi sa pamamagitan nito. Sa ganitong paraan ay natupad ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang propeta: “Magsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng paghahalintulad. Sasabihin ko sa kanila ang mga bagay na nalilihim mula pa nang likhain ang mundo.”





