Sa kanila natupad ang sinabi noon ni Isaias:
‘Makinig man kayo nang makinig,
hindi kayo makakaunawa.
Tumingin man kayo nang tumingin,
hindi kayo makakakita.
Sapagkat matigas ang puso ng mga taong ito.
Tinakpan nila ang kanilang mga tainga,
at ipinikit ang kanilang mga mata,
dahil baka makakita sila at makarinig,
at maunawaan nila kung ano ang tama,
at magbalik-loob sila sa akin,
at pagalingin ko sila.’
Ngunit mapalad kayo, dahil nakakakita kayo at nakakaunawa. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, maraming propeta at matutuwid na tao noon ang naghangad na makita at marinig ang nakikita at naririnig ninyo ngayon, ngunit hindi ito nangyari sa kanilang panahon.
“Pakinggan ninyo ang kahulugan ng talinghaga tungkol sa manghahasik: Kapag may taong nakarinig ng mensahe tungkol sa kaharian ng Diyos ngunit hindi naman niya iyon inuunawa, darating si Satanas at tatangayin ang salita ng Diyos sa puso niya. Siya ang maihahalintulad sa tabi ng daan kung saan nahulog ang ilang binhi. Gayundin naman, ang mga taong nakarinig ng salita ng Diyos at agad tinanggap nang may kagalakan ay maihahalintulad sa batuhan kung saan nahulog ang ibang binhi. Ngunit dahil hindi ito nag-ugat sa kanilang mga puso, hindi nagtatagal ang kanilang pananampalataya. Kaagad nila itong tinatalikuran pagdating ng pagsubok o pag-uusig dahil sa salita ng Diyos na kanilang tinanggap. Ang mga taong nakarinig ng salita ng Diyos ay maihahalintulad sa lupang may matitinik na damo, kung saan nahulog ang iba pang binhi. Ngunit dahil sa mga alalahanin dito sa mundo at sa paghahangad na yumaman, nakalimutan nila ang salita ng Diyos, kaya hindi namunga ang salita sa buhay nila. Ngunit ang mga taong nakarinig sa salita ng Diyos at nakakaunawa nito ang siyang maihahalintulad sa matabang lupang hinasikan ng binhi. Sila ang mga namumunga ng tigtatatlumpu, tig-aanimnapu, at tig-iisang daan.”
Muling nagbigay ng talinghaga si Hesus sa kanila, “Ang paghahari ng Langit ay maihahalintulad sa isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid. Ngunit kinagabihan, habang natutulog ang mga tao, dumating ang kanyang kaaway at naghasik ng damo at umalis. Nang tumubo ang mga tanim at namunga, lumitaw din ang mga damo.
“Kaya pumunta sa kanya ang kanyang mga utusan at sinabi, ‘Hindi po baʼt mabubuting binhi lamang ang inihasik ninyo sa inyong bukid? Paano po ito nagkaroon ng mga damo?’
“Sinabi ng may-ari, ‘Isang kaaway ang may kagagawan nito.’ Tinanong siya ng mga utusan, ‘Gusto po ba ninyong bunutin namin ang mga damo?’
“Sumagot siya, ‘Huwag, baka mabunot din ninyo pati ang trigo. Hayaan na lang muna ninyong lumagong pareho hanggang sa anihan. Kapag dumating na ang panahong iyon, sasabihin ko sa mga tagapag-ani na unahin muna nilang bunutin ang mga damo, at bigkisin para sunugin. Pagkatapos, ipapaani ko sa kanila ang trigo at ipapaimbak sa aking bodega.’ ”
Ikinuwento pa sa kanila ni Hesus ang paghahalintulad na ito: “Ang paghahari ng Langit ay katulad ng isang buto ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang bukid. Ito ang pinakamaliit sa lahat ng buto. Ngunit kapag tumubo at lumaki na, nagiging pinakamataas ito sa lahat ng mga tanim; nagiging punongkahoy, at pinamumugaran ng mga ibon ang mga sanga nito.”
Isa pang paghahalintulad ang ikinuwento ni Hesus: “Ang paghahari ng Langit ay maihahalintulad sa pampaalsang inihalo ng isang babae sa tatlong takal ng harina, at napaalsa nito ang buong masa ng harina.”
Gumamit si Hesus ng mga paghahalintulad o mga talinghaga sa lahat ng kanyang pangangaral sa mga tao. Hindi siya nangaral sa kanila nang hindi sa pamamagitan nito. Sa ganitong paraan ay natupad ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang propeta:
“Magsasalita ako sa kanila
sa pamamagitan ng paghahalintulad.
Sasabihin ko sa kanila
ang mga bagay na nalilihim
mula pa nang likhain ang mundo.”
Pagkatapos, iniwan ni Hesus ang mga tao at bumalik sa loob ng bahay. Nilapitan siya ng mga alagad niya at sinabi, “Pakipaliwanag po sa amin ang talinghaga tungkol sa mga damo sa bukid.”
Sumagot si Hesus, “Ang naghasik ng mabuting binhi ay walang iba kundi ang Anak ng Tao. Ang bukid ay ang mundo, at ang mabuting binhi ay ang mga kabilang sa kaharian ng Diyos. Ang mga damo naman ay ang mga taong sakop ni Satanas. Si Satanas ang kaaway na nagtanim sa kanila. Ang anihan ay ang katapusan ng mundo, at ang tagapag-ani ay ang mga anghel.
“Kung paanong binubunot at sinusunog ang mga damo, ganoon din ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Ang Anak ng Tao ay magpapadala ng mga anghel, at aalisin nila sa kanyang kaharian ang lahat ng gumagawa ng kasalanan at nagiging dahilan ng pagkakasala ng iba. Itatapon sila sa nagliliyab na apoy, kung saan silaʼy tatangis at magngangalit ang kanilang ngipin. Ngunit ang matutuwid ay magniningning na parang araw sa kaharian ng kanilang Ama. Makinig ang sinumang may pandinig!
“Ang paghahari ng Langit ay maihahalintulad sa kayamanang nakabaon sa isang bukid. Nang mahukay ito ng isang tao, itinago niya itong muli. At sa tuwa niyaʼy umuwi siya at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian, at binili niya ang bukid na iyon.
“Ang paghahari ng Langit ay maihahalintulad sa isang negosyante na naghahanap ng magagandang perlas. Nang makatagpo siya ng isang mamahaling perlas, ipinagbili niya ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang perlas na iyon.
“Ang paghahari ng Langit ay maihahalintulad din sa isang lambat na inihagis ng mga mangingisda sa lawa at nakahuli ng sari-saring isda. Nang mapuno ang lambat, hinila nila ito papunta sa dalampasigan. Pagkatapos, naupo sila para pagbukud-bukurin ang mga isda. Ang mabubuting isda ay inilagay nila mga basket, at ang mga walang kuwenta ay itinapon nila. Ganyan din ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Darating ang mga anghel at ihihiwalay nila ang masasama sa matutuwid. Itatapon ang masasama sa nagliliyab na apoy, at dooʼy iiyak sila at magngangalit ang kanilang ngipin.”
Pagkatapos, tinanong sila ni Hesus, “Naunawaan ba ninyong lahat ang sinabi ko?”
Sumagot sila, “Opo.”
At sinabi ni Hesus sa kanila, “Kaya nga, ang bawat tagapagturo ng Kautusan na natuto tungkol sa kaharian ng Langit ay maihahalintulad sa isang may-ari ng bahay na inilalabas mula sa kanyang bodega ang mga kayamanang bago at luma.”
Pagkatapos mangaral ni Hesus sa pamamagitan ng mga talinghaga ay umalis na siya.