Mateo 13:1-35
Mateo 13:1-35 ASD
Nang araw ding iyon, lumabas ng bahay si Hesus at naupo sa baybayin ng lawa. Napakaraming tao ang nagtipon sa paligid niya, kaya sumakay siya sa isang bangka at doon umupo upang magturo, habang ang mga tao namaʼy nasa dalampasigan. Marami siyang itinuro sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga o paghahalintulad. Sinabi niya, “May isang magsasakang umalis para maghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik, may mga binhing nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at pinagtutuka ang mga binhing iyon. May mga binhi namang nahulog sa mabatong lugar, kung saan walang gaanong lupa. Mabilis na tumubo ang binhi dahil mababaw ang lupa. Ngunit natuyo rin ito nang masikatan ng araw, at namatay dahil hindi masyadong nag-ugat. May mga binhi namang nahulog sa may matitinik na damo. Lumago ang mga damo at sinikil ang mga tumubong binhi. Ang iba namaʼy nahulog sa matabang lupa, lumago at namunga. May tigtatatlumpu, tig-aanimnapu, at tig-iisang daan. Makinig ang sinumang may pandinig!” Nang makauwi na ang mga tao, lumapit kay Hesus ang mga alagad niya at nagtanong, “Bakit po kayo gumagamit ng talinghaga sa pagtuturo sa mga tao?” Sumagot si Hesus, “Ipinagkaloob sa inyo na maunawaan ang mga hiwaga tungkol sa kaharian ng Langit, ngunit hindi ito ipinagkaloob sa iba. Sapagkat ang taong sumusunod sa narinig niyang katotohanan ay bibigyan pa ng higit na pang-unawa. Ngunit ang taong hindi sumusunod sa katotohanan, kahit ang kaunti niyang naunawaan ay kukunin pa sa kanya. Kaya nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng talinghaga, dahil tumitingin sila ngunit hindi nakakakita, at nakikinig ngunit hindi naman nakakarinig o nakakaunawa. Sa kanila natupad ang sinabi noon ni Isaias: ‘Makinig man kayo nang makinig, hindi kayo makakaunawa. Tumingin man kayo nang tumingin, hindi kayo makakakita. Sapagkat matigas ang puso ng mga taong ito. Hindi nakakarinig ang kanilang mga tainga, at ipinikit nila ang kanilang mga mata, dahil baka makakita sila at makarinig, at maunawaan kung ano ang tama, at magbalik-loob sila sa akin, at pagalingin ko sila.’ Ngunit mapalad kayo, dahil nakakakita kayo at nakakaunawa. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, maraming propeta at matutuwid na tao noon ang naghangad na makita at marinig ang nakikita at naririnig ninyo ngayon, ngunit hindi ito nangyari sa kanilang panahon. “Pakinggan ninyo ang kahulugan ng talinghaga tungkol sa manghahasik: Kapag may taong nakarinig ng mensahe tungkol sa kaharian ng Diyos ngunit hindi naman niya iyon inuunawa, darating si Satanas at tatangayin ang salita ng Diyos sa puso niya. Siya ang maihahalintulad sa tabi ng daan kung saan nahulog ang ilang binhi. Gayundin naman, ang mga taong nakarinig ng salita ng Diyos at agad tinanggap nang may kagalakan ay maihahalintulad sa batuhan kung saan nahulog ang ibang binhi. Ngunit dahil hindi ito nag-ugat sa kanilang mga puso, hindi nagtatagal ang kanilang pananampalataya. Kaagad nila itong tinatalikuran pagdating ng pagsubok o pag-uusig dahil sa salita ng Diyos na kanilang tinanggap. Ang mga taong nakarinig ng salita ng Diyos ay maihahalintulad sa lupang may matitinik na damo, kung saan nahulog ang iba pang binhi. Ngunit dahil sa mga alalahanin dito sa mundo at sa paghahangad na yumaman, nakalimutan nila ang salita ng Diyos, kaya hindi namunga ang salita sa buhay nila. Ngunit ang mga taong nakarinig sa salita ng Diyos at nakakaunawa nito ang siyang maihahalintulad sa matabang lupang hinasikan ng binhi. Sila ang mga namumunga ng tigtatatlumpu, tig-aanimnapu, at tig-iisang daan.” Muling nagbigay ng talinghaga si Hesus sa kanila, “Ang paghahari ng Langit ay maihahalintulad sa isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid. Ngunit kinagabihan, habang natutulog ang mga tao, dumating ang kanyang kaaway at naghasik ng damo at umalis. Nang tumubo ang mga tanim at namunga, lumitaw din ang mga damo. “Kaya pumunta sa kanya ang kanyang mga utusan at sinabi, ‘Hindi po baʼt mabubuting binhi lamang ang inihasik ninyo sa inyong bukid? Paano po ito nagkaroon ng mga damo?’ “Sinabi ng may-ari, ‘Isang kaaway ang may kagagawan nito.’ Tinanong siya ng mga utusan, ‘Gusto po ba ninyong bunutin namin ang mga damo?’ “Sumagot siya, ‘Huwag, baka mabunot din ninyo pati ang trigo. Hayaan na lang muna ninyong lumagong pareho hanggang sa anihan. Kapag dumating na ang panahong iyon, sasabihin ko sa mga tagapag-ani na unahin muna nilang bunutin ang mga damo, at bigkisin para sunugin. Pagkatapos, ipapaani ko sa kanila ang trigo at ipapaimbak sa aking bodega.’ ” Ikinuwento pa sa kanila ni Hesus ang paghahalintulad na ito: “Ang paghahari ng Langit ay katulad ng isang buto ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang bukid. Ito ang pinakamaliit sa lahat ng buto. Ngunit kapag tumubo at lumaki na, nagiging pinakamataas ito sa lahat ng mga tanim; nagiging punongkahoy, at pinamumugaran ng mga ibon ang mga sanga nito.” Isa pang paghahalintulad ang ikinuwento ni Hesus: “Ang paghahari ng Langit ay maihahalintulad sa pampaalsang inihalo ng isang babae sa tatlong takal ng harina, at napaalsa nito ang buong masa ng harina.” Gumamit si Hesus ng mga paghahalintulad o mga talinghaga sa lahat ng kanyang pangangaral sa mga tao. Hindi siya nangaral sa kanila nang hindi sa pamamagitan nito. Sa ganitong paraan ay natupad ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang propeta: “Magsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng paghahalintulad. Sasabihin ko sa kanila ang mga bagay na nalilihim mula pa nang likhain ang mundo.”



