Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 12:22-46

Mateo 12:22-46 ASD

May dinala ang mga tao kay Hesus na isang lalaking bulag at pipi na sinasapian ng demonyo. Pinagaling siya ni Hesus kaya siyaʼy nakakakita at nakapagsasalita na. Namangha ang lahat at sinabi, “Ito na nga kaya ang Anak ni David?” Ngunit nang marinig ito ng mga Pariseo, sinabi nila, “Si Satanas na pinuno ng mga demonyo ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu!” Alam ni Hesus ang iniisip nila, kaya sinabi niya sa kanila, “Kung ang isang kaharian ay nagkakawatak-watak at naglalaban-laban, babagsak ito. Ganito rin ang mangyayari sa isang lungsod o tahanan na ang mga nakatira ay nag-aaway-away. Kaya kung si Satanas mismo ang nagpapalayas sa kanyang mga kampon, nagpapakita lang ito na nagkakahati-hati sila at nag-aaway-away. Kung ganoon, paano mananatili ang kanyang kaharian? At kung si Satanas nga ang nagbigay sa akin ng kapangyarihang magpalayas ng masasamáng espiritu, sino naman ang nagbigay ng kapangyarihan sa mga alagad ninyo na nagpapalayas din ng masasamang espiritu? Sila na rin ang nagpapatunay na mali kayo. Ngayon, kung nagpapalayas ako ng mga demonyo sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos, nangangahulugan ito na dumating na sa inyo ang paghahari ng Diyos. “Hindi maaaring pasukin ng magnanakaw ang bahay ng malakas na tao kung hindi muna niya ito gagapusin. Ngunit kapag naigapos na niya, maaari na niyang nakawan ang bahay nito. “Ang hindi kumakampi sa akin ay laban sa akin, at ang hindi tumutulong sa aking pagtitipon ay nagkakalat. Sinasabi ko sa inyo na ang lahat ng kasalanan at paglapastangan ay mapapatawad, ngunit ang paglapastangan sa Espiritu ay hindi mapapatawad. Ang sinumang magsalita laban sa Anak ng Tao ay mapapatawad, ngunit ang sinumang magsalita laban sa Banal na Espiritu ay hindi mapapatawad kailanman. “Nakikilala ang puno sa bunga nito. Kung mabuti ang puno, mabuti rin ang bunga nito. Kung masama ang puno, masama rin ang bunga nito. Kayong lahi ng mga ulupong! Paano kayo makakapagsalita ng mabuti gayong masasama kayo? Sapagkat kung ano ang laman ng puso ng isang tao, ito ang lumalabas sa kanyang bibig. Ang mabuting tao ay nagsasalita ng mabuti, dahil puno ng kabutihan ang kanyang puso. Ngunit ang masamang tao ay nagsasalita ng masama, dahil puno ng kasamaan ang kanyang puso. Sinasabi ko sa inyo na sa Araw ng Paghuhukom, mananagot ang bawat isa sa mga walang kuwentang salitang binitiwan niya. Sapagkat ibabatay sa mga salita ninyo kung paparusahan kayo o hindi.” May ilang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na nagsabi kay Hesus, “Guro, pakitaan nʼyo kami ng isang tanda magpapatunay na sugo nga kayo ng Diyos.” Sumagot si Hesus, “Tanging ang henerasyon ng masasama at hindi tapat sa Diyos ang nanghihingi ng isang tanda. Ngunit walang ipapakita sa kanila maliban sa tandang katulad ng nangyari kay Propeta Jonas. Kung paanong nasa tiyan ng dambuhalang isda si Jonas sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi, ganoon din naman ang mangyayari sa Anak ng Tao. Tatlong araw at tatlong gabi rin siya sa ilalim ng lupa. Sa Araw ng Paghuhukom, tatayo ang mga taga-Nineve at kokondenahin ang henerasyong ito, dahil nagsisi sila nang mangaral sa kanila si Jonas. At ngayon, narito ang higit pa kay Jonas, na nangangaral sa inyo, ngunit ayaw nʼyong magsisi. Maging ang Reyna ng Timog ay tatayo rin at kokondenahin ang henerasyong ito. Sapagkat nanggaling pa siya sa napakalayong lugar para makinig sa karunungan ni Solomon. At ngayon, narito ang higit pa kay Solomon, ngunit ayaw ninyong makinig sa kanya. “Kapag lumabas ang masamáng espiritu sa tao, gumagala ito sa mga tuyong lugar upang maghanap ng mapagpapahingahan. At kung wala siyang matagpuan, iisipin na lang niyang bumalik sa kanyang pinanggalingan. At kung sa kanyang pagbabalik ay makita niya itong walang naninirahan, malinis at maayos ang lahat, aalis siya at tatawag ng pito pang espiritu na mas masama kaysa sa kanya. Papasok sila sa taong iyon at doon maninirahan. Kaya lalo pang sásama ang kalagayan ng taong iyon kaysa sa dati. Ganyan din ang mangyayari sa masamang henerasyong ito.” Habang nagsasalita pa si Hesus sa mga tao, ang kanyang ina at mga kapatid ay nakatayo sa labas at gustong makipag-usap sa kanya.