Mateo 12:1-37
Mateo 12:1-37 ASD
Isang Araw ng Pamamahinga, naglalakad sina Hesus sa triguhan. Nagugutom noon ang kanyang mga alagad kaya namitas sila ng trigo at kinain ang mga butil. Nang makita ito ng mga Pariseo, sinabi nila kay Hesus, “Tingnan mo ang mga alagad mo! Ginagawa nila ang ipinagbabawal sa Araw ng Pamamahinga.” Sinagot sila ni Hesus, “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan ang ginawa ni David nang magutom siya at ang mga kasamahan niya? Pumasok siya sa bahay ng Diyos at kinain nila ng mga kasamahan niya ang tinapay na inihandog sa Diyos kahit na labag sa Kautusan na kainin iyon ninuman maliban sa mga pari. At hindi rin ba ninyo nabasa sa Kautusan na ang mga pari ay nagtatrabaho sa Templo kahit sa Araw ng Pamamahinga? Isa itong paglabag sa kautusan ng Araw ng Pamamahinga, ngunit hindi sila nagkasala. Sinasabi ko sa inyo: May naririto ngayon na mas dakila pa kaysa sa Templo. Sapagkat ang Anak ng Tao ang siyang Panginoon ng Araw ng Pamamahinga. Kung alam lang sana ninyo ang ibig sabihin ng sinasabi ng Kasulatan, ‘Hindi ang handog ninyo ang hinahangad ko kundi ang maging maawain kayo,’ hindi sana ninyo hinatulan ang mga taong walang kasalanan.” Mula sa lugar na iyon, pumunta si Hesus sa sinagoga at may lalaki roon na paralisado ang isang kamay. Naroroon din ang mga Pariseo na naghahanap ng maipaparatang kay Hesus, kaya tinanong nila si Hesus, “Ipinapahintulot ba sa Kautusan ang magpagaling sa Araw ng Pamamahinga?” Sinabi ni Hesus sa kanila, “Halimbawa, may tupa kayong nahulog sa balon sa Araw ng Pamamahinga, pababayaan na lang ba ninyo? Hindi ba ninyo iaahon? Higit pang mahalaga ang tao kaysa sa tupa! Kaya nga ipinapahintulot sa Kautusan ang paggawa ng mabuti sa Araw ng Pamamahinga.” Pagkatapos, sinabi ni Hesus sa lalaking paralisado ang kamay, “Iunat mo ang iyong kamay!” Iniunat nga niya ang kanyang kamay at gumaling ito. Ngunit umalis ang mga Pariseo at nagplano kung paano nila ipapapatay si Hesus. Subalit alam ni Hesus ang plano nila kaya umalis siya roon. Marami ang sumunod sa kanya, at pinagaling niya ang lahat ng may sakit. Ngunit pinagbilinan niya silang huwag ipaalam sa iba kung sino siya. Katuparan ito ng sinabi sa pamamagitan ni Propeta Isaias: “Narito ang pinili kong lingkod. Minamahal ko siya at kinalulugdan. Ibibigay ko sa kanya ang aking Espiritu, at ipapahayag niya ang katarungan sa mga bansa. Hindi siya makikipagtalo o mambubulyaw, at hindi siya magtataas ng boses sa mga lansangan. Hindi niya ipapahamak ang mahina ang pananampalataya o pababayaan ang nawawalan ng pag-asa. Hindi siya titigil hanggaʼt hindi ganap na napapairal ang katarungan. At ang kanyang pangalan ang magiging pag-asa ng lahat ng mga bansa.” May dinala ang mga tao kay Hesus na isang lalaking bulag at pipi na sinasapian ng demonyo. Pinagaling siya ni Hesus kaya siyaʼy nakakakita at nakapagsasalita na. Namangha ang lahat at sinabi, “Ito na nga kaya ang Anak ni David?” Ngunit nang marinig ito ng mga Pariseo, sinabi nila, “Si Satanas na pinuno ng mga demonyo ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu!” Alam ni Hesus ang iniisip nila, kaya sinabi niya sa kanila, “Kung ang isang kaharian ay nagkakawatak-watak at naglalaban-laban, babagsak ito. Ganito rin ang mangyayari sa isang lungsod o tahanan na ang mga nakatira ay nag-aaway-away. Kaya kung si Satanas mismo ang nagpapalayas sa kanyang mga kampon, nagpapakita lang ito na nagkakahati-hati sila at nag-aaway-away. Kung ganoon, paano mananatili ang kanyang kaharian? At kung si Satanas nga ang nagbigay sa akin ng kapangyarihang magpalayas ng masasamáng espiritu, sino naman ang nagbigay ng kapangyarihan sa mga alagad ninyo na nagpapalayas din ng masasamang espiritu? Sila na rin ang nagpapatunay na mali kayo. Ngayon, kung nagpapalayas ako ng mga demonyo sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos, nangangahulugan ito na dumating na sa inyo ang paghahari ng Diyos. “Hindi maaaring pasukin ng magnanakaw ang bahay ng malakas na tao kung hindi muna niya ito gagapusin. Ngunit kapag naigapos na niya, maaari na niyang nakawan ang bahay nito. “Ang hindi kumakampi sa akin ay laban sa akin, at ang hindi tumutulong sa aking pagtitipon ay nagkakalat. Sinasabi ko sa inyo na ang lahat ng kasalanan at paglapastangan ay mapapatawad, ngunit ang paglapastangan sa Espiritu ay hindi mapapatawad. Ang sinumang magsalita laban sa Anak ng Tao ay mapapatawad, ngunit ang sinumang magsalita laban sa Banal na Espiritu ay hindi mapapatawad kailanman. “Nakikilala ang puno sa bunga nito. Kung mabuti ang puno, mabuti rin ang bunga nito. Kung masama ang puno, masama rin ang bunga nito. Kayong lahi ng mga ulupong! Paano kayo makakapagsalita ng mabuti gayong masasama kayo? Sapagkat kung ano ang laman ng puso ng isang tao, ito ang lumalabas sa kanyang bibig. Ang mabuting tao ay nagsasalita ng mabuti, dahil puno ng kabutihan ang kanyang puso. Ngunit ang masamang tao ay nagsasalita ng masama, dahil puno ng kasamaan ang kanyang puso. Sinasabi ko sa inyo na sa Araw ng Paghuhukom, mananagot ang bawat isa sa mga walang kuwentang salitang binitiwan niya. Sapagkat ibabatay sa mga salita ninyo kung paparusahan kayo o hindi.”


