Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 10:1-11

Mateo 10:1-11 ASD

Tinawag ni Hesus ang kanyang labindalawang alagad at binigyan sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamáng espiritu at magpagaling ng anumang sakit at karamdaman. Ito ang mga pangalan ng labindalawang apostol: una, si Simon (na tinatawag ding Pedro), at ang kanyang kapatid na si Andres, sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo, si Felipe, si Bartolome, si Tomas, si Mateo na maniningil ng buwis, si Santiago na anak ni Alfeo, si Tadeo, si Simon na makabayan, at si Judas Iscariote na siyang nagkanulo kay Hesus kinalaunan. Ang labindalawang itoʼy sinugo ni Hesus at binilinan, “Huwag kayong pupunta sa mga Hentil o papasok sa alinmang bayan ng mga Samaritano. Sa halip, puntahan ninyo ang sambayanang Israel dahil sila ay parang mga nawawalang tupa. Ipahayag ninyo sa kanila na malapit na ang paghahari ng Langit. Pagalingin nʼyo ang mga may sakit, buhayin nʼyo ang mga patay, pagalingin nʼyo ang mga may malubhang sakit sa balat, at palayasin nʼyo ang mga demonyo. Tinanggap nʼyo ang kapangyarihang ito nang walang bayad, kaya ipamahagi rin ninyo nang walang bayad. “Huwag kayong magbaon ng pera, o kayaʼy magdala ng balutan, damit na pambihis, sandalyas o tungkod. Sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat tumanggap ng kanyang ikabubuhay. “Sa alinmang bayan o nayon na inyong pupuntahan, humanap kayo ng taong malugod kayong tatanggapin sa kanyang bahay, at makituloy kayo roon hanggang sa pag-alis ninyo.