Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Malakias 1

1
1Ito ang mensahe ng Panginoon para sa bansang Israel sa pamamagitan ni Malakias.
Mahal ng Diyos ang mga Israelita
2“Minahal ko kayo,” sabi ng Panginoon.
“Ngunit nagtatanong pa kayo, ‘Paano mo kami minahal?’
“Alalahanin ninyong kahit magkapatid sina Esau at Jacob, minahal#1:2 minahal: O pinili. ko si Jacob 3ngunit si Esau ay kinapootan ko. Iniwan kong nakatiwangwang ang kanyang kabundukan, kaya naging ilang na tirahan ng mga maiilap na hayop.”
4Maaaring sabihin ng mga Edomitang lahi ni Esau, “Kahit na winasak ang aming bayan, itoʼy muli naming itatayo.”
Subalit, ito ang sinasabi ng Panginoon ng mga Hukbo: “Kahit na itayo nilang muli ang kanilang bayan, gigibain ko pa rin ito. Tatawagin silang ‘masamang bansa’ at ‘mga mamamayang laging kinapopootan ng Panginoon.’ 5Makikita ninyo ang kanilang pagkawasak at sasabihin ninyo, ‘Makapangyarihan ang Panginoon kahit sa labas ng Israel.’ ”
Ang mga Hindi Karapat-dapat na Handog
6Sinabi ng Panginoon ng mga Hukbo sa mga pari, “Iginagalang ng anak ang kanyang ama at iginagalang ng alipin ang kanyang amo. Pero bakit ako na inyong ama at amo ay hindi ninyo iginagalang?
“Nilalapastangan ninyo ako.
“Ngunit nagtatanong pa kayo, ‘Paano ka namin nilalapastangan?’
7“Nilalapastangan ninyo ako sa pamamagitan ng paghahandog ng maruruming#1:7 marurumi: Ang ibig sabihin hindi dapat ihandog sa Diyos. handog sa aking altar.
“Ngunit nagtatanong pa kayo, ‘Paano naging marumi ang aming handog?’#1:7 Paano … handog?: Ito ang nasa Septuagint. Sa Hebreo, Paano ka namin nadungisan?
“Naging marumi ang inyong handog dahil sinasabi ninyo na walang kabuluhan ang altar ng Panginoon. 8Kaya hinahandugan ninyo ako ng mga hayop na bulag, pilay o may sakit. Hindi tama iyan. Ganyan kaya ang ihandog ninyo sa inyong gobernador at tingnan nʼyo kung matutuwa at malulugod siya sa inyo,” sabi ng Panginoon ng mga Hukbo.
9“Kayong mga pari, hilingin ninyo sa Diyos na kaawaan niya tayo. Pero sa ganyang klaseng mga inihahandog ninyo sa kanya, tiyak na hindi niya kayo kalulugdan. Iyan ang sinasabi ng Panginoon ng mga Hukbo.”
10“May isa sana sa mga pari nʼyo na magsara ng mga pintuan ng aking templo, upang hindi na kayo magsisindi ng walang kabuluhang apoy sa aking altar. Hindi ko tatanggapin ang inyong mga handog dahil hindi ako nalulugod sa inyo,” sabi ng Panginoon ng mga Hukbo. 11“Ang totoo, pinupuri ang aking pangalan ng mga bansa, mula silangan hanggang kanluran.#1:11 mula silangan hanggang kanluran: Sa literal, mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito. Kahit saan nagsusunog ang mga tao ng insenso at naghahandog#1:11 pinupuri … nagsusunog … naghahandog: O pupurihin … magsusunog … maghahandog. ng malinis#1:11 malinis: Ang ibig sabihin, maaaring ihandog sa Diyos. na handog sa akin na Panginoon ng mga Hukbo.
12“Pero kayo, nilalapastangan ninyo ako, dahil sinasabi ninyong marumi ang aking altar at walang kabuluhan ang mga inihahandog doon. 13Sinasabi pa ninyo na nagsasawa na kayo sa paghahandog at binabalewala ninyo ang aking altar.#1:13 ang aking altar: O ako.
“Kaya hinahandugan ninyo ako ng mga hayop na may sugat,#1:13 may sugat: O ninakaw. pilay o may sakit. Akala ba ninyoʼy tatanggapin ko iyan?” sabi ng Panginoon ng mga Hukbo. 14“Susumpain ko ang mga mandaraya sa inyo, na nangakong maghahandog ng pinakamagandang hayop mula sa kanyang kawan ngunit ang inihahandog ay ang may kapintasan. Susumpain ko siya dahil ako ang makapangyarihang hari na kinatatakutan ng mga bansa,” sabi ng Panginoon ng mga Hukbo.

Kasalukuyang Napili:

Malakias 1: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in