Lucas 8
8
Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik
(Mat. 13:1‑9; Mar. 4:1‑9)
1Pagkatapos, nilibot ni Hesus ang mga bayan at mga nayon. Ipinangaral at ipinahayag niya ang Magandang Balita tungkol sa kaharian ng Diyos. Kasama niya ang labindalawang alagad 2at ilang babaeng pinagaling niya sa sakit at sa masasamáng espiritu. Kabilang dito si Maria na taga-Magdala#8:2 Maria na taga-Magdala: Sa ibang salin ng Bibliya, Maria Magdalena. na pinalaya niya mula sa pitong demonyo, 3si Juana na asawa ni Cuza na katiwala ni Herodes, si Susana, at marami pang iba. Ang mga babaeng ito ay tumutulong sa mga pangangailangan nina Hesus mula sa mga ari-arian nila.
4Isang araw, nagdatingan ang maraming tao mula sa ibaʼt ibang bayan at lumapit sila kay Hesus. Ikinuwento niya sa kanila ang talinghaga na ito: 5“May isang magsasakang naghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik, may mga binhing nahulog sa tabi ng daan, natapakan ito ng mga dumadaan at pinagtutuka ng mga ibon. 6May mga binhi namang nahulog sa mabatong lugar. Tumubo ang mga ito, pero madaling nalanta dahil sa kawalan ng tubig. 7May mga binhi namang nahulog sa may matitinik na damo. Nang lumago silang pareho, sinikil ng mga damo ang mga binhi. 8Ang iba namaʼy nahulog sa matabang lupa. Tumubo ang mga ito at namunga nang tig-iisang daan.”
Pagkatapos, sinabi ni Hesus, “Makinig ang sinumang may pandinig!”
9Tinanong si Hesus ng mga alagad niya kung ano ang kahulugan ng talinghagang iyon. 10Sumagot si Hesus, “Sa inyo ipinagkaloob na maunawaan ang mga hiwaga tungkol sa kaharian ng Diyos, habang sa ibaʼy ipinapahayag ito sa pamamagitan ng talinghaga, upang
‘tumingin man silaʼy hindi makakakita,
at makinig man silaʼy hindi makakaunawa.’#8:10 Isa. 6:9.
11“Ito ang kahulugan ng talinghaga: Ang binhi ay ang salita ng Diyos. 12Ang tabi ng daan kung saan nahulog ang ilang binhi ay ang mga taong nakarinig ng salita ng Diyos, ngunit dumating ang diyablo at kinuha iyon sa mga puso nila upang hindi sila sumampalataya at maligtas. 13Ang batuhan kung saan nahulog ang ibang binhi ay ang mga taong nakarinig ng salita ng Diyos at tinanggap ito nang may kagalakan. Ngunit hindi ito nag-ugat sa kanilang mga puso, kayaʼt hindi nagtagal ang kanilang pananampalataya. Pagdating ng mga pagsubok, tinatalikuran nila ang kanilang pananampalataya. 14Ang lupang may matitinik na damo kung saan nahulog ang iba pang binhi ay ang mga taong nakarinig ng salita ng Diyos, ngunit sa katagalan ay nadaig ng mga alalahanin sa buhay, kayamanan at kalayawan sa mundong ito. Dahil dito, hindi lumalago ang kanilang pananampalataya. 15Ngunit ang matabang lupang hinasikan ng binhi ay ang mga taong nakikinig sa salita ng Diyos, at nag-iingat nito sa kanilang malinis at tapat na puso, at namumunga sila dahil sa kanilang pagtitiyaga.
Ang Talinghaga tungkol sa Ilaw
(Mar. 4:21‑25)
16“Walang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay tatakpan ito ng palayok o ilalagay sa ilalim ng higaan. Sa halip, inilalagay ang ilaw sa patungan para magbigay-liwanag sa lahat ng pumapasok sa bahay. 17Ganoon din naman, walang natatagong hindi mahahayag at walang lihim na hindi malalaman at mabubunyag. 18Kaya makinig kayong mabuti sa sinasabi ko, sapagkat ang taong nakikinig nang mabuti ay bibigyan pa ng pang-unawa. Ngunit ang taong hindi nakikinig, kahit ang akala niyang naunawaan niya ay kukunin pa sa kanya.”
Ang Ina at mga Kapatid ni Hesus
(Mat. 12:46‑50; Mar. 3:31‑35)
19Ngayon, pinuntahan si Hesus ng kanyang ina at mga kapatid, pero hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao. 20Kaya may nagsabi kay Hesus, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid, at gusto kayong makita.”
21Sumagot si Hesus, “Ang mga nakikinig at sumusunod sa salita ng Diyos ang aking ina at mga kapatid.”
Pinatigil ni Hesus ang Bagyo
(Mat. 8:23‑27; Mar. 4:35‑41)
22Isang araw, sumakay ng bangka si Hesus kasama ang mga alagad niya. Sinabi niya sa kanila, “Tumawid tayo sa kabila ng lawa.” At ganoon nga ang ginawa nila. 23Habang naglalayag sila, nakatulog si Hesus. Maya-mayaʼy dumating ang mabagsik na unos at pinasok ng maraming tubig ang bangka nila, kaya nalagay sila sa panganib.
24Nilapitan siya ng mga alagad niya at ginising, “Guro! Guro! Mamamatay na tayo!”
Bumangon si Hesus at pinatigil ang malakas na hangin at ang malalaking alon. Tumigil ang mga ito at biglang kumalma ang panahon. 25Pagkatapos, tinanong ni Hesus ang mga alagad niya, “Nasaan ang pananampalataya ninyo?”
Namangha sila at natakot, at nag-usap-usap, “Sino kaya ito? Kahit ang hangin at ang alon ay inuutusan niya, at sinusunod siya!”
Nagpagaling si Hesus ng Taong Sinaniban
(Mat. 8:28‑34; Mar. 5:1‑20)
26Nagpatuloy sila sa paglalayag hanggang sa makarating sa lupain ng mga Geraseno#8:26 Geraseno: Sa ibang tekstong Griyego, Gergeseno o Gadareno. Ganito rin sa talata 37|LUK 8:37. na katapat ng Galilea. 27Pagkababa ni Hesus sa bangka, sinalubong siya ng isang lalaking tagaroon na sinasapian ng mga demonyo. Matagal na itong walang suot na damit at ayaw niya tumira sa bahay kundi sa mga kuwebang libingan. 28Nang makita niya si Hesus, sumigaw siya at lumuhod sa harapan ni Hesus. At sinabi niya nang malakas, “Ano ang pakialam mo sa akin, Hesus na Anak ng Kataas-taasang Diyos? Nakikiusap ako sa iyo, huwag mo akong pahirapan!” 29Sinabi niya ito dahil inutusan ni Hesus na lumabas ang masamang espiritu sa kanya. Maraming beses na siyang sinasaniban, at kahit tinatalian siya ng kadena sa kamay at paa at binabantayan, nilalagot lang niya ito, at dinadala siya ng demonyo sa ilang.
30Tinanong siya ni Hesus, “Ano ang pangalan mo?”
Sagot niya, “Hukbo,” dahil maraming demonyo ang pumasok sa kanya. 31Nagmakaawa sila kay Hesus na huwag silang papuntahin sa kailalimang walang hanggan.
32Sa di-kalayuan ay may malaking kawan ng mga baboy na nanginginain sa gilid ng burol. Nagmakaawa ang mga demonyo kay Hesus na payagan silang pumasok sa mga baboy, at pinayagan naman sila. 33Kaya lumabas sila sa lalaki at pumasok sa mga baboy. Nagtakbuhan ang mga baboy pababa ng burol, nagtuloy-tuloy sa lawa at nalunod.
34Nang makita iyon ng mga tagapag-alaga ng mga baboy, tumakbo sila patungo sa bayan at sa mga karatig nayon at ipinamalita ang nangyari. 35Kaya pumunta roon ang mga tao para tingnan iyon. Pagdating nila kay Hesus, nakita nila ang taong sinaniban dati ng mga demonyo na nakaupo sa paanan ni Hesus, nakadamit at matino na ang pag-iisip. At natakot ang mga tao. 36Ikinuwento sa kanila ng mga nakakita kung paano gumaling ang lalaking sinaniban ng mga demonyo. 37Nakiusap ang lahat ng Geraseno kay Hesus na umalis sa kanilang bayan dahil takot na takot sila. Kaya muling sumakay si Hesus sa bangka para bumalik sa pinanggalingan niya.
38Nakiusap sa kanya ang lalaking gumaling na isama siya, ngunit hindi pumayag si Hesus. Sinabi niya, 39“Umuwi ka na sa inyo at sabihin mo sa kanila ang ginawa sa iyo ng Diyos.” Umuwi nga ang lalaki at ipinamalita sa buong bayan ang ginawa sa kanya ni Hesus.
Ang Anak ni Jairo at ang Babaeng Dinudugo
(Mat. 9:18‑26; Mar. 5:21‑43)
40Nang makabalik na sina Hesus sa kabila ng lawa, masaya siyang tinanggap ng mga tao dahil hinihintay siya ng lahat. 41May dumating naman na isang namumuno sa sinagoga, na ang pangalan ay Jairo. Lumuhod ito sa paanan ni Hesus at nakiusap na kung maaari ay pumunta siya sa bahay niya, 42dahil ang kaisa-isa niyang anak na babae, na mga labindalawang taóng gulang, ay naghihingalo na.
Habang papunta si Hesus sa bahay ni Jairo, nagsisiksikan sa kanya ang mga tao. 43May isang babae roon na labindalawang taon nang dinudugo#8:43 Sa ilang manuskrito, may dagdag na naubos na lahat ang mga ari-arian niya sa pagpapagamot. at hindi mapagaling ng kahit sino. 44Nang makalapit siya sa likuran ni Hesus, hinipo niya ang laylayan ng damit ni Hesus, at biglang tumigil ang kanyang pagdurugo.
45Nagtanong si Hesus, “Sino ang humawak sa akin?”
Nang walang umamin, sinabi ni Pedro, “Guro, alam nʼyo naman po na napapaligiran kayo ng maraming taong nagsisiksikan papalapit sa inyo.”
46Ngunit sinabi ni Hesus, “May humawak sa akin, dahil naramdaman kong may kapangyarihang lumabas sa akin.”
47Nang mapagtanto ng babae na hindi niya maililihim ang ginawa niya, lumapit siyang nanginginig sa takot at lumuhod sa harap ni Hesus. Pagkatapos, sinabi niya sa harapan ng lahat kung bakit niya hinipo si Hesus, at kung paanong gumaling siya kaagad. 48Sinabi sa kanya ni Hesus, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Umuwi kang mapayapa.”
49Habang kausap pa ni Hesus ang babae, dumating ang isang lalaki galing sa bahay ni Jairo na namumuno sa sinagoga. Sinabi niya kay Jairo, “Patay na po ang anak ninyo. Huwag nʼyo nang abalahin ang guro.”
50Nang marinig iyon ni Hesus, sinabi niya kay Jairo, “Huwag kang matakot. Manampalataya ka lang at mabubuhay siyang muli.”
51Pagdating nila sa bahay, wala siyang pinayagang sumama sa loob, maliban kina Pedro, Santiago at Juan, at sa mga magulang ng bata. 52Nag-iiyakan at humagulgol ang mga taong naroroon, kaya sinabi ni Hesus sa kanila, “Huwag kayong umiyak. Hindi patay ang bata kundi natutulog lang.”
53Ngunit pinagtawanan nila si Hesus dahil alam nilang patay na ang bata. 54Hinawakan ni Hesus ang kamay ng bata at sinabi sa kanya, “Ineng, bumangon ka.” 55At noon din ay bumalik ang kanyang espiritu at bumangon siya agad. At iniutos ni Hesus na pakainin ang bata. 56Labis na namangha ang mga magulang ng bata. Ngunit pinagbilinan sila ni Hesus na huwag sabihin kaninuman ang nangyari.
Kasalukuyang Napili:
Lucas 8: ASD
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.
Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.
―――――――
Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Used with permission. All rights reserved worldwide.