Lucas 7:36-50
Lucas 7:36-50 ASD
Inanyayahan si Hesus ng isang Pariseo na kumain sa bahay niya. Pumunta nga si Hesus at umupo para kumain. Sa bayang iyon ay may isang babaeng kilala sa pagiging makasalanan. Nabalitaan niyang kumakain si Hesus sa bahay ng Pariseo, kaya pumunta siya roon at nagdala ng pabangong nasa sisidlang alabastro. Lumapit siya sa likuran ni Hesus sa bandang paanan at umiyak. Binasa niya ng luha ang mga paa ni Hesus. Pinunasan niya ang mga ito ng kanyang buhok, hinalikan at binuhusan ng pabango. Nang makita iyon ng Pariseong nag-imbita kay Hesus, inisip niya, “Kung talagang propeta ang taong ito, alam dapat niyang ang babaeng humahawak sa kanya ay makasalanan.” Sumagot si Hesus, “Simon, may sasabihin ako saʼyo.” Sabi ni Simon, “Ano po iyon, Guro?” Sinabi ni Hesus, “May dalawang lalaking nanghiram sa isang taong nagpapautang. Ang isaʼy umutang sa kanya ng limandaan, at ang isa namaʼy limampu. Nang kapwa sila hindi makabayad, pareho silang pinatawad. Ngayon, sa palagay mo, sino sa dalawa ang higit na magmamahal sa nagpautang?” Sumagot si Simon, “Sa palagay ko po, ang may mas malaking utang.” “Tama ang sagot mo,” sabi ni Hesus. Pagkatapos ay nilingon niya ang babae at sinabi kay Simon, “Nakikita mo ba ang babaeng ito? Noong pumasok ako sa bahay mo, hindi mo ako binigyan ng tubig na panghugas sa paa ko. Ngunit ang babaeng ito, sariling luha niya ang ipinanghugas sa mga paa ko at ang buhok pa niya ang ipinampunas dito. Hindi mo ako hinalikan, pero mula nang dumating ako, wala siyang tigil sa paghalik sa mga paa ko. Hindi mo pinahiran ng langis ang ulo ko, pero pinahiran niya ng mamahaling pabango ang mga paa ko. Kaya sinasabi ko sa iyo, pinatawad na ang marami niyang kasalanan, kaya siya nagpapakita ng malaking pagmamahal sa akin. Ngunit ang taong kaunti lang ang kasalanang pinatawad, kaunti rin ang pagmamahal na ipinapakita niya.” Pagkatapos, sinabi ni Hesus sa babae, “Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” Ang mga kasama niya sa pagkain ay nagtanong sa kanilang sarili, “Sino ba ang taong ito para magpatawad ng kasalanan?” Sinabi ni Hesus sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya. Umuwi kang mapayapa.”





