Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Lucas 7:11-35

Lucas 7:11-35 ASD

Pagkatapos, pumunta si Hesus sa bayan ng Nain. Sumama sa kanya ang kanyang mga alagad at ang napakaraming tao. Nang malapit na sila sa pintuan ng bayan, tamang-tama namang may inilalabas na patay para ilibing. Kaisa-isa siyang anak ng isang biyuda, at maraming tao mula sa bayan ang sumáma sa prusisyon. Pagkakita ng Panginoon sa biyuda, nahabag siya dito at sinabi, “Huwag kang umiyak.” Nilapitan ni Hesus at hinawakan ang kinalalagyan ng patay at tumigil ang mga nagdadala nito. Sinabi ni Hesus, “Binata, inuutusan kita, bumangon ka!” Umupo nga ang binata at nagsimulang magsalita. At ibinigay siya ni Hesus sa kanyang ina. Kinilabutan ang mga tao at nagpuri sila sa Diyos. Sinabi nila, “Dumating sa atin ang isang dakilang propeta!” at “Dumalaw ang Panginoon upang tayoʼy tulungan!” At kumalat sa buong Judea at sa lahat ng lugar sa palibot nito ang balita tungkol kay Hesus. Ang lahat ng pangyayaring iyon ay ibinalita kay Juan na Tagapagbautismo ng kanyang mga alagad. Kaya tinawag ni Juan ang dalawa sa mga alagad niya at pinapunta sa Panginoon upang tanungin, “Kayo na po ba ang inaasahan naming darating o maghihintay pa kami ng iba?” Pagdating nila kay Hesus, sinabi nila, “Pinapunta po kami rito ni Juan na Tagapagbautismo para itanong sa inyo kung kayo na ba ang inaasahan naming darating o maghihintay pa kami ng iba.” Nang mga sandaling iyon, maraming pinagaling si Hesus na mga maysakit sa ibaʼt ibang uri ng karamdaman, at mga sinasapian ng masasamáng espiritu. Marami din siyang pinagaling na mga bulag. Kaya sinabi niya sa mga alagad ni Juan, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin sa kanya ang nakita at narinig ninyo: Nakakakita na ang mga bulag, nakakalakad na ang mga lumpo, gumaling na ang mga may malubhang sakit sa balat, at nakakarinig na ang mga bingi. Muling binuhay ang mga patay, at ipinangangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. Pinagpala ang sinumang hindi nagdududa sa akin.” Nang makaalis na ang mga taong inutusan ni Juan, nagtanong si Hesus sa mga tao tungkol kay Juan, “Noong pumunta kayo kay Juan sa ilang, ano ang inaasahan ninyong makita? Isang taong tulad ng tambo na hinihipan ng hangin? Kung hindi, ano ang inaasahan ninyong makita? Isang taong nakasuot ng magarang damit? Ang mga taong nakasuot ng magagarang damit at namumuhay nang marangya ay matatagpuan sa palasyo. Kung ganoon, ano ang inaasahan ninyong makita? Isang propeta? Totoo, isa nga siyang propeta. At sinasabi ko sa inyo, higit pa siya sa isang propeta. Siya ang tinutukoy sa Kasulatan: ‘Ipapadala ko ang aking mensahero. Mauuna siya sa iyo upang ihanda ang dadaanan mo.’ Sinasabi ko sa inyo, walang taong isinilang na mas dakila pa kay Juan. Ngunit ang pinakahamak sa mga taong kabilang sa kaharian ng Diyos ay mas dakila pa sa kanya.” Nang marinig ng mga tao, pati ng mga maniningil ng buwis, ang pangangaral ni Hesus, sumang-ayon sila na matuwid ang layunin ng Diyos, dahil nagpabautismo sila kay Juan. Ngunit ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan ay tumanggi sa layunin ng Diyos para sa buhay nila, dahil hindi sila nagpabautismo kay Juan. Sinabi pa ni Hesus, “Sa anong bagay ko maihahambing ang mga tao ngayon? Kanino ko sila maihahalintulad? Katulad sila ng mga batang nakaupo sa palengke at sinasabi sa kanilang kalaro: ‘Tinugtugan namin kayo ng masayang tugtugin, pero hindi kayo sumayaw! Umawit kami ng awit ng pagluluksa pero hindi kayo umiyak!’ Sapagkat noong dumating si Juan na Tagapagbautismo ay nag-aayuno siya at hindi umiinom ng alak, at ang sabi ninyo, ‘Sinasapian siya ng demonyo.’ Nang dumating naman ang Anak ng Tao, at nakita ninyo siyang kumakain at umiinom, ang sabi naman ninyo, ‘Ang taong iyan ay matakaw at lasenggo, at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng iba pang makasalanan.’ Ganoon pa man, ang karunungan ng Diyos ay napatutunayang tama sa buhay ng mga sumusunod rito.”