Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Leviticus 4:13-35

Leviticus 4:13-35 ASD

“ ‘Kung ang buong mamamayan ng Israel ay lalabag sa utos ng PANGINOON nang di-sinasadya, sila ay nagkasala pa rin kahit hindi nila ito nalalaman. Kapag alam na nila na silaʼy nagkasala nga, ang lahat ng mamamayan ay maghahandog ng batang toro bilang handog para sa kasalanan. Dadalhin nila ang toro sa Toldang Tipanan. Pagkatapos, ipapatong ng mga tagapamahala ng Israel ang kanilang kamay sa ulo ng toro at saka papatayin sa presensya ng PANGINOON. Kukuha ng dugo ng toro ang punong pari at dadalhin niya sa loob ng Tolda. At ilulubog niya ang kanyang daliri sa dugo at iwiwisik ng pitong beses sa kurtina na tumatabing sa Pinakabanal na Lugar, sa presensya ng PANGINOON. Pagkatapos, papahiran niya ng dugo ang parang sungay sa mga sulok ng altar na nasa loob ng Tolda sa presensya ng PANGINOON. At ang natitirang dugo ay ibubuhos niya sa ilalim ng altar kung saan sinusunog ang handog na sinusunog. Ang altar na itoʼy malapit sa pintuan ng Tolda. At ang gagawin niya sa toro na itoʼy katulad din ng ginawa niya sa torong handog para sa kasalanan. Kukunin niya ang lahat ng taba ng toro at susunugin sa altar, at susunugin ang toro sa labas ng kampo. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng punong pari, ang mga Israelita ay matutubos sa kanilang mga kasalanan at patatawarin sila ng PANGINOON. Ito ang handog para sa kasalanan ng buong sambayanan ng Israel. “ ‘Kapag ang isang pinuno ay nakalabag ng utos ng PANGINOON na kanyang Diyos nang di-sinasadya, nagkasala pa rin siya. At kapag nalaman niya na siya pala ay nagkasala, maghahandog siya ng isang lalaking kambing na walang kapintasan. Ito ay handog para sa kasalanan. Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng kambing at papatayin ito sa presensya ng PANGINOON sa dakong patayan ng mga hayop na inihahandog bilang handog na sinusunog. Pagkatapos ay ilulubog ng pari ang kanyang daliri sa dugo ng kambing na handog para sa kasalanan at ipapahid sa parang sungay sa mga sulok ng altar kung saan sinusunog ang handog na sinusunog. At ang natitirang dugo ay ibubuhos niya sa ilalim ng altar. Susunugin niya ang lahat ng taba sa altar katulad ng kanyang ginawa sa mga taba ng hayop na handog pangkapayapaan. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matutubos ang tao sa kanyang mga kasalanan at siyaʼy patatawarin. “ ‘Kung ang isang pangkaraniwang tao ay makalabag sa alinmang utos ng PANGINOON nang di-sinasadya, nagkasala pa rin siya. At kapag nalaman niyang siyaʼy nagkasala, maghahandog siya ng babaeng kambing na walang kapintasan para sa nagawa niyang kasalanan. Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng kambing na handog para sa kasalanan, at papatayin niya ito sa may Tolda, sa dakong patayan ng mga hayop na handog na sinusunog. Ilulubog ng pari ang kanyang daliri sa dugo ng kambing at ipapahid sa parang sungay sa mga sulok ng altar kung saan sinusunog ang handog na sinusunog. At ang natitirang dugo ay ibubuhos niya sa ilalim ng altar. Pagkatapos, kukunin niya ang lahat ng taba ng kambing katulad ng ginawa niya sa hayop na handog pangkapayapaan. At susunugin niya sa altar ang taba bilang handog na nakalulugod ang samyo sa PANGINOON. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, lilinisin ang tao sa kanyang mga kasalanan at siyaʼy patatawarin. “ ‘Kapag tupa naman ang iaalay ng tao bilang handog para sa kasalanan, kinakailangang itoʼy babaeng tupa na walang kapintasan. Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng tupa at papatayin ito bilang handog para sa kasalanan sa dakong patayan ng mga hayop na handog na sinusunog. Ilulubog ng pari ang kanyang daliri sa dugo ng tupang handog para sa kasalanan at ipapahid sa parang sungay sa mga sulok ng altar kung saan sinusunog ang handog na sinusunog. Ang natitirang dugo ay ibubuhos niya sa ilalim ng altar. Pagkatapos, kukunin niya ang lahat ng taba ng tupa katulad ng ginawa niya sa tupang handog pangkapayapaan. At susunugin niya ang taba sa altar pati na ang iba pang mga pagkaing handog na inialay sa PANGINOON. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matutubos ang tao sa kanyang mga kasalanan at siyaʼy patatawarin.’ ”