Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Leviticus 15:1-15

Leviticus 15:1-15 ASD

Sinabi ng PANGINOON kina Moises at Aaron, “Sabihin ninyo ito sa mga Israelita: ‘Kung may lumalabas sa ari ng lalaki dahil sa kanyang sakit, ang lumalabas na iyon ay itinuturing na marumi. At kahit na magpatuloy ang pagtulo o hindi, ituturing pa rin siyang marumi. “ ‘Ituturing na marumi ang anumang mahigaan o maupuan niya. Ang sinumang makahipo sa kanya ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo, ngunit ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw. Ang sinumang uupo sa anumang inupuan ng isang lalaking may tulo ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo, ngunit ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw. “ ‘Ang sinumang makahipo sa kanya ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo, ngunit ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw. “ ‘Kapag ang isang taong itinuturing na malinis ay dinuraan ng taong ito, kailangang labhan nila ang kanilang damit at maligo. Ngunit silaʼy ituturing pa ring marumi hanggang sa paglubog ng araw. “ ‘Ang anumang maupuan ng taong ito, katulad ng upuang ginagamit kapag sumasakay sa kabayo ay magiging marumi. Ang sinumang makahipo ng mga bagay na iyon ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo, pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw. “ ‘Ang sinumang makahipo sa taong iyon habang hindi pa siya nakakapaghugas ng kanyang kamay ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo, pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw. “ ‘Ang palayok na mahihipo ng taong iyon ay dapat basagin, at ang mga bagay na gawa sa kahoy ay dapat hugasan. “ ‘Kapag gumaling na ang maysakit na ito, maghihintay siya ng pitong araw. Pagkatapos, lalabhan niya ang kanyang damit at maliligo ng tubig na galing sa bukal. Sa gayoʼy maituturing siyang malinis. Sa ikawalong araw, kinakailangang magdala siya ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato sa presensya ng PANGINOON malapit sa pintuan ng Toldang Tipanan. At ibibigay niya sa paring maghahandog noon. Ang isaʼy bilang handog para sa kasalanan at ang isaʼy bilang handog na sinusunog. Ito ang gagawin ng pari para sa lalaking may sakit na tulo, upang maituring na malinis ang taong iyon sa harapan ng PANGINOON.