Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Judas 1:1-16

Judas 1:1-16 ASD

Mula kay Judas na lingkod ni Hesu-Kristo at kapatid ni Santiago, Sa mga tinawag ng Diyos Ama na minamahal niya at iniingatan ni Hesu-Kristo: sumainyo nawa ang nag-uumapaw na awa, kapayapaan, at pag-ibig mula sa Diyos. Mga minamahal, nais ko sanang sumulat sa inyo tungkol sa kaligtasang natanggap natin, ngunit naisip kong mas kailangan ko ngayong sumulat tungkol sa mga bagay na magpapalakas ng inyong loob upang panindigan ang pananampalatayang ipinagkatiwala nang minsanan sa mga hinirang ng Diyos. Sapagkat hindi ninyo namalayang may mga taong sumapi sa inyong grupo na hindi kumikilala sa Diyos. Binabaluktot nila ang mga aral tungkol sa biyaya ng Diyos upang mabigyang katuwiran ang kahalayan nila. Noon pa man ay nakatakda na silang parusahan dahil ayaw nilang kilalanin ang Panginoong Hesu-Kristo na ating Pinuno at Panginoon. Bagamaʼt alam na ninyo ang lahat ng ito, nais ko pa ring ipaalala sa inyo na kahit iniligtas ng Panginoon ang mga Israelita sa pagkaalipin sa lupain ng Ehipto, sa bandang huli ay pinuksa pa rin niya ang mga hindi nanalig sa kanya. Ipinapaalala ko rin ang tungkol sa mga anghel na hindi nakuntento sa saklaw ng kanilang kapangyarihan at sa halip ay iniwan ang kanilang katayuan. Ikinulong sila ng Diyos sa napakadilim na lugar at ginapos ng mga kadenang hindi kailanman malalagot hanggang sa dakilang araw ng paghuhukom. Gayundin ang nangyari sa Sodoma at Gomora at sa mga karatig-bayan na nalulong sa lahat ng uri ng kalaswaan, pati na sa di-likas na pagnanasang seksuwal. Pinarusahan sila sa walang hanggang apoy bilang babala sa lahat. Ganyan din iyong mga taong sumapi sa grupo ninyo. May mga pangitain silang nag-uudyok sa kanila na mamuhay nang imoral. At dahil din sa mga pangitaing iyon, ayaw nilang magpasakop sa maykapangyarihan, at hinahamak nila ang mga makalangit na nilalang. Kahit si Miguel na pinuno ng mga anghel, noong nakipagtalo siya sa diyablo kung sino sa kanila ang kukuha ng bangkay ni Moises, hindi siya nangahas na humatol nang may panlalapastangan. Sa halip, sinabi lang niya, “Sawayin ka nawa ng Panginoon!” Ngunit ang mga taong itoʼy lumalapastangan sa mga bagay na hindi nila nauunawaan. Tulad ng mga hayop na hindi nag-iisip, wala silang ibang sinusunod kundi ang likas na hilig ng kanilang katawan na siyang nagdadala sa kanila sa kapahamakan. Kahabag-habag sila! Sapagkat sinundan nila ang mga yapak ni Cain na pumatay sa kanyang kapatid. Wala silang pakundangan sa paggawa ng kamalian dahil sa salapi gaya ni Balaam. At silaʼy pupuksain dahil sa kanilang pagsuway sa Diyos tulad ni Kora na naghimagsik laban kay Moises. Ang mga taong itoʼy sumisira sa inyong pagsasalo-salo bilang magkakapatid sa Panginoon. Hindi sila nahihiyang kumain at uminom kasama ninyo dahil sarili lang nila ang kanilang iniintindi. Tulad sila ng mga ulap na walang dalang ulan na tinatangay ng hangin. Para din silang mga punong talagang patay na – wala na ngang bunga sa kapanahunan nito, binunot pa pati ugat. Tulad sila ng mababagsik na alon sa dagat; parang bulang lumilitaw ang kanilang mga kahiya-hiyang gawa. At tulad ng mga ligaw na bituin, itinakda na sila ng Diyos sa dakong napakadilim, kung saan silaʼy mananatili magpakailanman. Si Enoc, na kabilang sa ikapitong henerasyon mula kay Adan ay may propesiya tungkol sa kanila. Sinabi niya, “Makinig kayo! Darating ang Panginoon kasama ang kanyang libo-libong banal na mga anghel upang hatulan ang lahat ng tao. Paparusahan niya ang mga taong walang Diyos dahil sa masasama nilang gawa. Paparusahan din niya ang mga makasalanang ito dahil sa kanilang malulupit na salita laban sa kanya.” Ang mga taong itoʼy mareklamo, mapamintas, at ang tanging sinusunod ay ang kanilang pagnanasa. Mayabang silang magsalita at mahusay mambola para makuha ang gusto nila.