Josue 13
13
Ang Lupaing Sasakupin
1Napakatanda na ni Josue. Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Matanda ka na at marami pang lupain ang kailangang sakupin. 2Ito pa ang mga naiwan: ang lahat ng lupain ng mga Filisteo at taga-Gesur 3na bahagi ng teritoryo ng mga Cananeo. Ito ay mula sa ilog ng Shihor sa silangan ng Ehipto, hanggang sa hilagang hangganan ng Ekron kasama ang limang bayan ng mga Filisteo: Gaza, Asdod, Ashkelon, Gat at Ekron, at ang lupain ng mga Aveo 4sa timog; ang lahat ng lupain ng mga Cananeo mula sa Meara, na dating nasasakupan ng mga Sidoneo, hanggang sa Afek na nasa hangganan ng lupain ng mga Amoreo; 5ang lupain ng mga Gebalita, at ang buong Lebanon sa silangan, mula sa Baal-gad sa ibaba ng Bundok ng Hermon hanggang sa Lebo-hamat; 6at pati ang mga kabundukan mula sa Lebanon hanggang sa Misrefot-maim, na bahagi ng nasasakupan ng mga Sidoneo.
“Sa paglusob ninyo, ako mismo ang magtataboy sa mga nakatira sa mga lugar na ito. Tiyakin mong mahahati-hati ang mga lupaing ito sa mga Israelita bilang mana nila, ayon sa iniutos ko sa iyo. 7Isama mo ito sa paghahatiang lupain ng siyam na lahi at sa kalahating lahi ni Manases.”
Ang Pagkakahati-hati ng Lupain sa Silangan ng Ilog Jordan
8Ang lahi ni Ruben, Gad at ang kalahating lahi ni Manases ay binigyan na ni Moises na lingkod ng Panginoon ng bahagi nila sa silangan ng Jordan.
9Ang lupa nila ay mula sa Aroer sa tabi ng Lambak ng Arnon (kasama na ang bayan sa gitna nito) papunta sa buong talampas ng Medeba hanggang sa Dibon. 10Umabot ito sa lahat ng bayan na pinamahalaan ni Sihon na Amoreo na naghari sa Hesbon, hanggang sa hangganan ng mga Amonita.
11Nakasama rin ang Gilead at ang mga lupaing tinirhan ng mga Gesureo at mga Maacateo at ang buong lugar na tinatawag na Bundok ng Hermon, at ang buong Bashan hanggang Saleca. 12Nakasama rin ang kaharian ni Og na hari ng Bashan na naghari sa Astarot at sa Edrei. Si Og ay isa sa mga naiwang Refaimeo. Silaʼy tinalo ni Moises at itinaboy sa kanilang mga lupain. 13Ngunit hindi naitaboy#13:13 hindi naitaboy: O hindi na ipinagtabuyan. ng mga Israelita ang mga taga-Gesur at mga Maacateo, kaya nakatira pa rin sila kasama ng mga Israelita hanggang ngayon.
14Hindi binigyan ni Moises ang lahi ni Levi ng lupain bilang mana. Ang matatanggap nila ay ang bahagi ng mga handog sa pamamagitan ng apoy#13:14 handog … apoy: Tingnan ang talababa sa Bil. 15:3. na para sa Panginoon, ang Diyos ng Israel, ayon sa sinabi niya kay Moises.
15Ito ang bahagi ng lupain na ibinigay ni Moises sa lahi ni Ruben, na hinati ayon sa bawat pamilya:
16Ang nasasakupan nila ay mula sa Aroer na nasa tabi ng Lambak ng Arnon (kasama na ang bayan sa gitna nito) hanggang sa buong talampas ng Medeba. 17Nakasama rin ang Hesbon at ang lahat ng bayan nito sa talampas: ang Dibon, Bamot-baal, Bet-baal-meon, 18Jahaz, Kedemot, Mefaat, 19Kiryataim, Sibma, Zeret-sahar (na nasa burol sa gitna ng lambak), 20Bet-peor, ang libis ng Pisga, Bet-jeshimot, 21at ang lahat ng bayan sa buong talampas at ang lahat ng lugar na sakop ng hari ng Amoreo na si Haring Sihon ng Hesbon. Tinalo siya ni Moises pati ang mga pinuno ng Midian na sina Evi, Requem, Zur, Hur at Reba. Lahat sila ay naghari sa mga lupain nila sa ilalim ng pamamahala ni Haring Sihon. 22Kasama sa mga pinatay ng mga Israelita si Balaam na manghuhula na anak ni Beor.
23Ang Ilog Jordan ay ang hangganan ng lahi ni Ruben. Ito nga ang mga bayan at baryo na ibinigay na mana ng lahi ni Ruben na hinati sa bawat sambahayan.
24Ito naman ang bahagi ng lupain na ibinigay ni Moises sa lahi ni Gad, na hinati ayon sa bawat sambahayan:
25Ang Jazer at ang lahat ng bayan ng Gilead, at ang kalahati ng lupain ng mga Amonita hanggang sa Aroer malapit sa Rabba. 26Nakasama rin ang mga lupain mula sa Hesbon hanggang sa Ramat Mizpa at Betomin, at mula sa Mahanaim hanggang sa hangganan ng bayan ng Debar. 27Ang lupaing natanggap nila sa Kapatagan ng Jordan#13:27 Kapatagan ng Jordan: Sa Hebreo, Araba. ay ang Bet-haram, Bet-nimra, Sucot, Zafon at ang nalalabi sa kaharian ni Haring Sihon ng Hesbon. Ang hangganan sa kanluran ay ang Ilog Jordan hanggang sa Lawa ng Galilea.
28Ito ang mga bayan at baryo na ibinigay bilang mana ng lahi ni Gad na hinati ayon sa bawat sambahayan.
29Ito naman ang bahagi ng lupain na ibinigay ni Moises sa kalahating lahi ni Manases, na hinati ayon sa bawat sambahayan:
30Mula sa Mahanaim hanggang sa buong Bashan, ang buong kaharian ni Haring Og ng Bashan at ang animnapung bayan ng Jair na sakop ng Bashan. 31Nakasama rin ang kalahati ng Gilead, at ang Astarot at Edrei, ang mga lungsod sa Bashan kung saan naghari si Og.
Ito ang lupain na ibinigay sa kalahating angkan ni Maquir na anak ni Manases, ayon sa bawat pamilya.
32Ito ang ginawang paghahati-hati ni Moises sa mga lupain sa silangan ng Jerico at Jordan nang nandoon siya sa kapatagan ng Moab. 33Ngunit sa lahi ni Levi, hindi niya sila binigyan ng lupain bilang mana dahil ang mamanahin nila ay ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, ayon sa ipinangako sa kanila.
Kasalukuyang Napili:
Josue 13: ASD
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.
Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.
―――――――
Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Used with permission. All rights reserved worldwide.