Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Josue 10:1-14

Josue 10:1-14 ASD

Nabalitaan ni Haring Adoni-zedek ng Jerusalem na inagaw ni Josue ang Ai at nilipol nang lubusan at pinatay ang hari nito, gaya ng ginawa niya sa Jerico at sa hari nito. Nabalitaan din niya na ang mga taga-Gibeon ay nakipagkaibigan na sa mga Israelita at namuhay kasama nila. Natakot siya at ang mga tao sa kanyang nasasakupan dahil alam niya na ang Gibeon ay isang makapangyarihang lungsod na may sarili ring hari. Mas malaki pa ito sa Ai at ang mga sundalo nitoʼy mahuhusay makipaglaban. Kaya nagpadala ng mensahe si Haring Adoni-zedek ng Jerusalem kina Haring Hoham ng Hebron, Haring Piram ng Jarmut, Haring Jafia ng Laquis, at Haring Debir ng Eglon. Ito ang mensahe niya, “Tulungan nʼyo akong lusubin ang Gibeon dahil nakipagkaibigan ito kay Josue at sa mga Israelita.” Kaya nagkaisa ang limang hari ng mga Amoreo: ang hari ng Jerusalem, Hebron, Jarmut, Laquis at Eglon. Tinipon nila ang mga sundalo nila at nilusob ang Gibeon. Nagsugo agad ng mensahero ang mga taga-Gibeon kay Josue sa kampo nito sa Gilgal. Sinabi nila, “Huwag nʼyo kaming pabayaan, kaming mga lingkod ninyo. Pumunta po kayo agad dito at iligtas kami. Tulungan nʼyo kami dahil pinagtutulungan kami ng lahat ng hari ng mga Amoreo na nakatira sa mga kabundukan.” Kaya umalis si Josue sa Gilgal kasama ang lahat ng sundalo niya, pati ang lahat ng mahuhusay na mandirigma. Sinabi ng PANGINOON kay Josue, “Huwag kang matakot sa kanila. Ipapasakamay ko sila saʼyo. Wala kahit isa sa kanila ang makakatalo sa iyo.” Buong gabing naglakad sina Josue mula sa Gilgal, at bigla silang lumusob sa mga kalaban na walang kamalay-malay. Sinindak ng PANGINOON ang mga kalaban nang makaharap nila ang mga Israelita, at marami sa kanila ang pinatay doon sa Gibeon. Ang iba sa kanilaʼy hinabol at pinatay sa daang paakyat sa Bet-horon hanggang sa Azeka at Makeda. Patuloy ang paghabol sa kanila ng mga Israelita habang bumababa sila galing sa Bet-horon. At nang papunta sila sa Azeka, pinaulanan sila ng PANGINOON ng malalaking yelo at namatay sila. Mas marami pang namatay sa kanila sa yelo kaysa sa espada ng mga Israelita. Nang araw na pinagtagumpay ng PANGINOON ang mga Israelita laban sa mga Amoreo, nanalangin si Josue sa PANGINOON. Pagkatapos, sinabi niya habang nakikinig ang mga Israelita, “Araw, tumigil ka sa taas ng Gibeon! Ikaw naman buwan, tumigil ka sa taas ng Lambak ng Ayalon.” Kaya tumigil ang araw at ang buwan hanggang sa natalo nang lubusan ng mga Israelita ang mga kalaban nila. Ang pangyayaring ito ay nakasulat sa Aklat ni Jashar. Tumigil ang araw sa gitna ng langit, at hindi ito lumubog sa buong araw. Hindi pa nagkaroon ng ganitong pangyayari bago noon o simula noon, na dininig ng PANGINOON ang isang tao. Tunay ngang nakikipaglaban ang PANGINOON para sa Israel!