Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Job 2:1-10

Job 2:1-10 ASD

Isang araw, muling nagtipon ang mga anghel sa harapan ng PANGINOON, at muli ring sumali sa kanila si Satanas. Sinabi ng PANGINOON kay Satanas, “Saan ka nanggaling?” Sumagot si Satanas, “Parooʼt paritong naglilibot sa mundo.” Sinabi sa kanya ng PANGINOON, “Napansin mo ba ang aking lingkod na si Job? Wala siyang katulad sa buong mundo. Matuwid siya, malinis ang pamumuhay, may takot sa akin at umiiwas sa kasamaan. Nanatili pa rin siyang tapat kahit na inudyukan mo akong sirain siya nang walang dahilan.” Sinabi ni Satanas, “Matatanggap ng tao na mawala ang lahat sa kanya bastaʼt buhay lang siya. Subalit, sa sandaling iangat mo ang iyong kamay at saktan siya, tiyak na isusumpa ka niya nang harapan.” Sinabi ng PANGINOON kay Satanas, “O sige, gawin mo ang gusto mong gawin sa kanya, ngunit huwag mo lamang siyang papatayin.” Kaya umalis si Satanas sa harapan ng PANGINOON, at pinahirapan si Job ng mga pigsa mula ulo hanggang talampakan. Kumuha si Job ng basag na palayok at ginamit na pangkayod sa kanyang mga sugat habang nakaupo sa abo. Sinabi sa kanya ng asawa niya, “Ano, tapat ka pa rin ba sa iyong Diyos? Sumpain mo na siya at nang mamatay ka na!” Sumagot si Job, “Nagsasalita ka ng walang kabuluhan. Mabubuting bagay lang ba ang tatanggapin natin mula sa Diyos at hindi ang masasamâ?” Sa kabila ng lahat ng nangyari kay Job ay hindi siya nagkasala kahit sa pananalita.