Juan 9:20-41
Juan 9:20-41 ASD
Sumagot ang mga magulang, “Anak nga po namin siya, at ipinanganak siyang bulag. Ngunit hindi namin alam kung paano siya nakakita at kung sino ang nagpagaling sa kanya. Siya na lang po ang tanungin ninyo. Nasa tamang edad na siya, at kaya na niyang sumagot para sa sarili niya.” Ito ang sinabi ng mga magulang ng lalaki dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Hudyo. Sapagkat napagkasunduan na ng mga pinuno ng mga Hudyo na ang sinumang kikilala kay Hesus bilang Mesias ay ititiwalag sa kanilang sinagoga. Kaya ganito ang isinagot ng mga magulang: “Nasa tamang edad na siya. Siya na lang po ang tanungin ninyo.” Kaya muli nilang ipinatawag ang dating bulag at sinabi sa kanya, “Sumumpa ka sa harap ng Diyos na sasabihin mo ang totoo! Alam naming makasalanan ang taong iyon!” Sumagot ang lalaki, “Hindi ko po alam kung makasalanan siya o hindi. Ang alam ko lang ay dati akong bulag, pero nakakakita na ngayon.” Tinanong pa nila ang lalaki, “Ano ang ginawa niya sa iyo? Paano ka niya pinagaling?” Sumagot siya, “Sinabi ko na po sa inyo, ngunit ayaw naman ninyong maniwala. Bakit gusto ninyong marinig ulit ang sagot ko? Gusto rin po ba ninyong maging mga alagad niya?” Dahil dito ay ininsulto nila ang lalaki. Sinabi nila, “Alagad ka niya, pero kami ay mga alagad ni Moises. Alam naming nakipag-usap ang Diyos kay Moises, ngunit ang taong iyon ay hindi namin alam kung saan nanggaling!” Sumagot ang lalaki, “Iyan nga po ang nakapagtataka. Hindi nʼyo alam kung saan siya nanggaling, pero pinagaling niya ang mata ko. Alam nating hindi pinapakinggan ng Diyos ang mga makasalanan, ngunit ang sinumang may takot sa Diyos at gumagawa ng kanyang kalooban ay pinakikinggan niya. Kailanmaʼy wala pa tayong narinig na may taong nakapagpagaling ng taong ipinanganak na bulag. Kung hindi nanggaling sa Diyos ang taong iyon, hindi niya magagawa ang himalang ito.” Sumagot ang mga pinuno ng mga Hudyo, “Ipinanganak kang makasalanan! At ang lakas pa ng loob mo ngayon na pangaralan kami!” At ipinagtabuyan nila ito sa sinagoga. Nabalitaan ni Hesus na pinaalis sa sinagoga ang dating bulag, kaya hinanap niya ito. At nang matagpuan niya, tinanong niya ito, “Sumasampalataya ka ba sa Anak ng Tao?” Sumagot ang lalaki, “Sino po siya? Sabihin nʼyo po sa akin upang sumampalataya ako sa kanya.” Sinabi ni Hesus sa kanya, “Nakita mo na siya, at siya ang kausap mo ngayon.” Sinabi agad ng lalaki, “Panginoon, sumasampalataya po ako sa inyo.” At lumuhod siya at sumamba kay Hesus. Sinabi ni Hesus, “Naparito ako sa mundo upang hatulan ang mga tao nang sa gayoʼy ang mga bulag ay makakita, ang mga nakakakita ay maging bulag.” Narinig ito ng ilang Pariseong naroon, at nagtanong sila, “Sinasabi mo bang mga bulag din kami?” Sumagot si Hesus, “Kung totoong bulag kayo, wala sana kayong kasalanan. Ngunit dahil sinasabi ninyong hindi kayo bulag, nananatili pa rin kayong may kasalanan.”


