Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 6:55-71

Juan 6:55-71 ASD

Sapagkat ang aking katawan ay tunay na pagkain at ang aking dugo ay tunay na inumin. Ang sinumang kumain ng aking katawan at uminom ng aking dugo ay mananatili sa akin, at ako naman sa kanya. Ang Ama na nagsugo sa akin ang pinagmumulan ng buhay, at dahil sa kanya ay nabubuhay ako. Ganoon din naman, ang sinumang kumain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. Ako ang tunay na tinapay na mula sa langit. Hindi ito tulad ng ‘manna’ na kinain ng inyong mga ninuno, dahil namatay pa rin sila kahit kumain sila noon. Ngunit ang sinumang kumain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.” Sinabi ni Hesus ang mga bagay na ito nang magturo siya sa sinagoga sa Capernaum. Nang marinig iyon ng mga alagad ni Hesus, marami sa kanila ang nagsabi, “Mabigat ang itinuturo niya. Sino ang makakatanggap nito?” Kahit na walang nagsabi sa kanya, alam ni Hesus na nagbubulung-bulungan ang mga alagad niya dahil sa mga itinuro niya. Kaya sinabi niya sa kanila, “Hindi ba ninyo matanggap ang mga sinabi ko? Paano pa kaya kung makita ninyo ang Anak ng Tao na pumapaitaas pabalik sa kanyang pinanggalingan? Ang Espiritu ang siyang nagbibigay-buhay; hindi ito magagawa ng tao. Ang mga salitang sinabi ko sa inyo ay mula sa Espiritu at nakapagbibigay-buhay. Ngunit may ilan sa inyo na hindi sumasampalataya.” Sinabi ito ni Hesus dahil alam niya sa simula pa kung sino ang mga hindi sumasampalataya, at kung sino ang magkakanulo sa kanya. “Ito ang dahilan kaya sinabi ko sa inyong walang makakalapit sa akin malibang ipahintulot ng Ama,” dagdag pa ni Hesus. Mula noon, marami sa mga alagad niya ang tumalikod at hindi na sumunod sa kanya. Kaya tinanong ni Hesus ang labindalawa, “Kayo, gusto rin ba ninyong umalis?” Sumagot si Simon Pedro, “Panginoon, kanino pa po kami pupunta? Kayo lang ang may mensaheng nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Sumasampalataya kami sa inyo at alam naming kayo ang Banal na sugo ng Diyos.” Sinabi ni Hesus sa kanila, “Hindi baʼt pinili ko kayong labindalawa? Ngunit ang isa sa inyo ay diyablo!” (Ang tinutukoy ni Hesus ay si Judas na anak ni Simon Iscariote, dahil kahit kabilang si Judas sa labindalawa, tatraydurin niya si Hesus sa bandang huli.)