Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 6:1-28

Juan 6:1-28 ASD

Pagkaraan nitoʼy tumawid si Hesus sa Lawa ng Galilea (na tinatawag ding Lawa ng Tiberias). Sinundan siya ng napakaraming tao dahil nakita nila ang mga himalang ginawa niya sa pagpapagaling ng mga may sakit. Umakyat si Hesus at ang mga alagad niya sa isang bundok at naupo roon. Malapit na noon ang Pista ng Paglampas ng Anghel. Nang tumingin si Hesus, nakita niya ang napakaraming taong papalapit sa kanya. Tinanong niya si Felipe, “Saan tayo makakabili ng tinapay na kakainin ng mga taong ito?” Tinanong niya ito para subukin si Felipe, sapagkat alam na niya ang kanyang gagawin. Sumagot si Felipe, “Kahit ang sahod sa higit kalahating taon ay ʼdi kakasya para pakainin silang lahat.” Sinabi naman ng isa sa mga alagad niyang si Andres na kapatid ni Pedro, “May isang bata rito na may limang tinapay at dalawang isda. Ngunit ano naman ang silbi nito sa ganyan karaming tao?” Sinabi ni Hesus, “Paupuin ninyo ang mga tao.” Malago ang damo sa lugar na iyon at umupo naman ang mga tao. (Ang bilang ng mga lalaki lang ay mga limang libo.) Kinuha ni Hesus ang tinapay at nagpasalamat sa Diyos. Pagkatapos, ipinamahagi ito sa mga tao. Ganoon din ang ginawa niya sa isda, at nabusog ang lahat. Pagkakain nila, sinabi ni Hesus sa mga alagad niya, “Tipunin nʼyo ang lahat ng natira para walang masayang.” Tinipon nga nila ang natira mula sa limang tinapay na ipinakain sa mga tao at nakapuno sila ng labindalawang kaing. Nang makita ng mga tao ang himalang ginawa ni Hesus, sinabi nila, “Siguradong ito na nga ang propetang hinihintay nating darating dito sa mundo!” Alam ni Hesus na balak ng mga taong kunin siya at sapilitang gawing hari. Kaya umalis siya roon at nagpatuloy na umakyat sa bundok na iyon nang mag-isa. Nang gumagabi na, bumaba sa tabi ng lawa ang mga alagad ni Hesus para doon siya hintayin. Ngunit nang madilim na at wala pa rin si Hesus, sumakay na sila sa isang bangka at tumawid papuntang Capernaum. Nagsimulang lumakas ang hangin at lumaki ang mga alon. Nang makasagwan na sila nang mga lima o anim na kilometro, nakita nila si Hesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig papalapit sa kanila, at natakot sila. Ngunit sinabi sa kanila ni Hesus, “Ako ito! Huwag kayong matakot.” Malugod nilang pinasakay si Hesus sa bangka, at nakarating agad sila sa kanilang pupuntahan. Kinabukasan, naalala ng mga taong naiwan sa kabila ng lawa na iisa lang ang bangkang naroon nang nakalipas na araw at ito ang ginamit ng mga alagad ni Hesus, ngunit hindi siya kasama. Samantala, may ilang mga bangka galing ng Tiberias na dumaong malapit sa lugar kung saan ipinagpasalamat ng Panginoon ang tinapay at nakakain ang maraming mga tao. Nang mapansin ng mga tao na wala na roon si Hesus at ang mga alagad niya, sumakay sila sa mga bangkang iyon at pumunta sa Capernaum para hanapin si Hesus. Pagdating ng mga tao sa Capernaum, sa kabila ng lawa, nakita nila si Hesus at tinanong, “Guro, kailan pa po kayo dumating dito?” Sumagot si Hesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, hinahanap nʼyo ako dahil kumain kayo at nabusog, hindi dahil naunawaan ninyo ang mga kamangha-manghang tanda na ginawa ko. Huwag kayong magtrabaho para lang sa pagkaing nasisira, kundi para sa pagkaing hindi nasisira at nakakapagbigay ng buhay na walang hanggan. Ang Anak ng Tao ang siyang magbibigay sa inyo ng pagkaing ito, dahil siya ang binigyan ng Diyos Ama ng kapangyarihang magbigay nito.” Kaya tinanong ng mga tao si Hesus, “Ano po ang dapat naming gawin para magawa namin ang nais ng Diyos?”