Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 21:15-20, 22-25

Juan 21:15-20 ASD

Pagkatapos nilang mag-almusal, sinabi ni Hesus kay Simon Pedro, “Simon na anak ni Juan, mahal mo ba ako nang higit sa mga ito?” Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, alam nʼyo pong mahal ko kayo.” Sinabi ni Hesus, “Alagaan mo ang aking mga batang tupa.” Muling sinabi ni Hesus, “Simon na anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, alam nʼyo pong mahal ko kayo.” Sinabi ni Hesus, “Alagaan mo ang aking mga tupa.” Sa ikatlong ulit ay sinabi ni Hesus, “Simon na anak ni Juan, mahal mo ba talaga ako?” Nasaktan si Pedro dahil tatlong beses na siyang tinanong kung mahal niya si Hesus. Kaya sumagot siya, “Panginoon, alam nʼyo po ang lahat ng bagay. Alam nʼyo rin pong mahal ko kayo.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Alagaan mo ang aking mga tupa. Sinasabi ko sa iyo ang totoo, noong bata ka pa, ikaw mismo ang nagbibihis sa sarili mo, at pumupunta ka kung saan mo gusto. Ngunit pagtanda mo, iuunat mo ang mga kamay mo at iba na ang magbibihis sa iyo, at dadalhin ka sa lugar na hindi mo gusto.” Sinabi ito ni Hesus upang ipahiwatig kung anong klaseng kamatayan ang daranasin ni Pedro upang maparangalan ang Diyos. Pagkatapos, sinabi ni Hesus kay Pedro, “Sumunod ka sa akin.” Nang lumingon si Pedro, nakita niyang sumusunod sa kanila ang alagad na malapit sa puso ni Hesus. (Siya ang alagad na nakasandal kay Hesus nang naghahapunan sila, at siya ang nagtanong kay Hesus ng, “Panginoon, sino po ang magkakanulo sa inyo?”)

Juan 21:22-25 ASD

Sumagot si Hesus, “Kung gusto ko siyang mabuhay hanggang sa pagbalik ko, ano naman saʼyo? Sumunod ka lang sa akin.” Dahil dito, kumalat sa mga kapatid sa pananampalataya ang balita na ang alagad na ito ay hindi mamamatay. Ngunit hindi sinabi ni Hesus na hindi siya mamamatay. Ang sinabi lang niya, “Kung gusto ko siyang mabuhay hanggang sa pagbalik ko, ano naman saʼyo?” Ako ang alagad na nagpapatotoo sa mga bagay na ito, at sumulat sa mga ito. Alam namin na totoo ang kanyang pahayag. Marami pang mga bagay ang ginawa ni Hesus. Kung isusulat ang lahat ng ito, palagay koʼy hindi magkakasya sa buong mundo ang lahat ng aklat na maisusulat.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Juan 21:15-20, 22-25