Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 18:1-11

Juan 18:1-11 ASD

Pagkatapos manalangin ni Hesus, umalis siya kasama ang mga alagad niya at tumawid sa Lambak ng Kidron. Pumunta sila sa isang lugar na may taniman ng mga olibo. Alam ng traydor na si Judas ang lugar na iyon, dahil madalas magtipon doon si Hesus at ang mga alagad niya. Kaya pumunta roon si Judas kasama ang isang pangkat ng mga Romanong sundalo at ilang mga guwardiya ng Templo na isinugo ng mga namamahalang pari at ng mga Pariseo. May dala-dala silang mga sulo, ilawan, at mga sandata. Alam ni Hesus ang lahat ng mangyayari sa kanya, kaya sinalubong niya sila at tinanong, “Sino ang hinahanap nʼyo?” Sumagot sila, “Si Hesus na taga-Nazaret.” Sinabi ni Hesus sa kanila, “Ako iyon.” (Naroon din ang traydor na si Judas na nakatayong kasama ng mga taong naghahanap kay Hesus.) Nang sabihin ni Hesus, “Ako iyon,” napaurong sila at natumba. Kaya muling nagtanong si Hesus, “Sino ang hinahanap nʼyo?” Sumagot silang muli, “Si Hesus na taga-Nazaret.” Sinabi sa kanila ni Hesus, “Hindi baʼt sinabi ko na sa inyo na Ako iyon? Kung ako nga ang hinahanap nʼyo, hayaan nʼyong makaalis ang mga kasama ko.” Sinabi niya ito upang matupad ang sinabi niya sa Ama, “Wala ni isa mang napahamak sa mga ibinigay mo sa akin.” Sa pagkakataong iyon, bumunot ng espada si Simon Pedro at tinaga ang alipin ng punong pari. Natagpas ang kanang tainga ng alipin na ang pangalan ay Malco. Ngunit sinaway ni Hesus si Pedro, “Ibalik mo sa lalagyan ang espada mo. Sa palagay mo baʼy hindi ko titiisin ang paghihirap na ibinigay sa akin ng Ama?”