Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 17

17
Hiniling ni Hesus na Luwalhatiin Siya
1Pagkasabi ni Hesus ng mga bagay na ito, tumingala siya sa langit at sinabi,
“Ama, dumating na ang oras. Parangalan mo ako na iyong Anak para maparangalan din kita. 2Sapagkat binigyan mo ako ng kapangyarihan sa lahat ng tao upang mabigyan ko ng buhay na walang hanggan ang lahat ng taong ibinigay mo sa akin. 3At ito ang buhay na walang hanggan: ang makilala ka ng mga tao na ikaw lang ang tunay na Diyos, at makilala rin nila ako na si Hesu-Kristo, ang isinugo mo. 4Pinarangalan kita rito sa lupa dahil natapos ko na ang ipinagawa mo sa akin. 5Kaya ngayon, Ama, parangalan mo ako sa piling mo. Ipagkaloob mo sa akin ang karangalang taglay ko sa piling mo bago pa man nilikha ang mundo.
Nanalangin si Hesus para sa mga Alagad Niya
6“Ipinakilala kita sa mga taong pinili mo mula sa mundo at ibinigay sa akin. Sila ay sa iyo at ibinigay mo sila sa akin, at sinunod nila ang iyong salita. 7Ngayon alam na nila na ang lahat ng ibinigay mo sa akin ay nanggaling sa iyo. 8Sapagkat itinuro ko sa kanila ang mga itinuro mo sa akin, at tinanggap naman nila. Sigurado silang nagmula ako sa iyo, at naniniwala silang isinugo mo ako.
9“Idinadalangin ko sila. Hindi ako nananalangin para sa mga taong makamundo kundi para sa mga taong ibinigay mo sa akin, dahil sila ay iyo. 10Ang lahat ng akin ay iyo, at ang lahat ng iyo ay sa akin, at napaparangalan ako sa pamamagitan nila. 11At ngayon, babalik na ako sa iyo at hindi na ako mananatili rito sa mundo, pero sila ay mananatili pa sa mundo. Banal na Ama, ingatan mo sila sa pamamagitan ng kapangyarihang ibinigay mo sa akin, upang silaʼy maging isa katulad natin. 12Habang kasama nila ako, iningatan ko sila sa pamamagitan ng kapangyarihang ibinigay mo sa akin. Iningatan ko sila at walang napahamak sa kanila maliban sa taong itinakdang mapahamak upang matupad ang Kasulatan.
13“Ngayon ay babalik na ako sa iyo. Sinasabi ko ang mga bagay na ito habang nandito pa ako sa mundo upang lubos silang magalak tulad ko. 14Itinuro ko na sa kanila ang salita mo. Napopoot sa kanila ang mga taong makamundo, dahil hindi na sila makamundo, tulad ko na hindi makamundo. 15Hindi ko idinadalangin na kunin mo na sila sa mundo, kundi ingatan mo sila laban sa masama.#17:15 sa masama: Ang ibig sabihin, “si Satanas.” 16Hindi sila makamundo, tulad ko na hindi makamundo. 17Ibukod mo sila upang maging iyo sa pamamagitan ng katotohanan; ang salita mo ay katotohanan. 18Isinugo mo ako rito sa mundo, kaya isinusugo ko rin sila sa mundo. 19At alang-alang sa kanila, itinatalaga ko ang aking sarili sa iyo, upang sila man ay maitalaga sa iyo sa pamamagitan ng katotohanan.
Nanalangin si Hesus para sa mga Mananampalataya
20“Ang panalangin koʼy hindi lang para sa kanila, kundi pati na rin sa mga sasampalataya sa akin sa pamamagitan ng pangangaral nila. 21Idinadalangin ko sa iyo, Ama, na silang lahat ay maging isa gaya natin. Kung paanong ikaw ay nasa akin at akoʼy nasa iyo, nawaʼy sila man ay sumaatin, upang maniwala ang mundo na ikaw ang nagsugo sa akin. 22Binigyan ko sila ng karangalan tulad ng ibinigay mo sa akin, upang silaʼy maging isa katulad natin. 23Akoʼy nasa kanila at ikaʼy nasa akin, upang silaʼy lubos na maging isa. Sa ganoon ay malalaman ng sanlibutan na isinugo mo ako, at malalaman din nilang minamahal mo ang mga mananampalataya tulad ng pagmamahal mo sa akin.
24“Ama, gusto ko sanang makasama sa pupuntahan ko ang mga taong ibinigay mo sa akin, upang makita rin nila ang kapangyarihang ibinigay mo sa akin, dahil minahal mo na ako bago pa man nilikha ang mundo.
25“Amang Makatarungan,#17:25 Makatarungan: O Matuwid. kahit hindi ka nakikilala ng sanlibutan, nakikilala naman kita, at alam ng mga mananampalataya na ikaw ang nagsugo sa akin. 26Ipinakilala kita sa kanila, at patuloy kitang ipapakilala upang ang pagmamahal mo sa akin ay mapasakanila at ako man ay mapasakanila.”

Kasalukuyang Napili:

Juan 17: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in

Video para sa Juan 17