Kung kilala nʼyo ako, kilala nʼyo na rin ang aking Ama. At ngayon nga ay nakilala at nakita nʼyo na siya.”
Sinabi ni Felipe sa kanya, “Panginoon, ipakita nʼyo po sa amin ang Ama, at sapat na iyon sa amin.”
Sumagot si Hesus, “Felipe, ang tagal na nating magkasama, hindi mo pa rin ba ako kilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na rin sa Ama. Paano mo nasabing ipakita ko sa inyo ang Ama? Hindi ka ba naniniwala na ako ay nasa Ama at ang Ama ay nasa akin? Ang mga salitang sinasabi ko sa inyo ay hindi nanggaling sa akin kundi sa Amang nasa akin. Siya ang gumagawa ng mga bagay na ginagawa ko. Maniwala kayo na ako ay nasa Ama at ang Ama ay nasa akin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi kong ito, maniwala man lang sana kayo dahil sa mga ginawa ko. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sumasampalataya sa akin ay makakagawa rin ng mga ginagawa ko, at higit pa rito ang magagawa niya dahil pupunta na ako sa Ama. At anuman ang hilingin nʼyo sa aking pangalan ay gagawin ko upang maparangalan ang Ama sa pamamagitan ng Anak. Oo, gagawin ko ang anumang hilingin ninyo sa aking pangalan.
“Kung mahal nʼyo ako, sundin ninyo ang aking mga utos. At hihilingin ko sa Ama na bigyan niya kayo ng isa pang Patnubay na sasainyo magpakailanman. Siya ang Espiritu ng katotohanan. Hindi siya matanggap ng mundo dahil hindi siya nakikita o nakikilala ng mga ito. Ngunit kilala nʼyo siya, dahil kasama nʼyo siya at siyaʼy sasainyo.
“Hindi ko kayo iiwan nang walang kasama; babalik ako sa inyo. Kaunting panahon na lang at hindi na ako makikita ng mundo, ngunit makikita nʼyo ako. At dahil buháy ako, mabubuhay din kayo. Sa araw na iyon, malalaman ninyo na ako nga ay nasa aking Ama, at kayo ay nasa akin, at ako ay nasa inyo.
“Ang sinumang tumatanggap at sumusunod sa mga utos ko ang siyang nagmamahal sa akin. At ang nagmamahal sa akin ay mamahalin din ng aking Ama. Mamahalin ko rin siya, at ipapakilala ko ang aking sarili sa kanya.”
Tinanong siya ni Judas (hindi si Judas Iscariote), “Panginoon, bakit sa amin lang po kayo magpapakilala at hindi sa lahat?”
Sumagot si Hesus, “Ang nagmamahal sa akin ay susunod sa aking salita. Mamahalin siya ng aking Ama at mananahan kami sa kanya. Ngunit ang hindi nagmamahal sa akin ay hindi sumusunod sa aking mga salita. Ang mga salitang narinig ninyo ay hindi nanggaling sa akin kundi sa Amang nagsugo sa akin.
“Sinasabi ko ang mga bagay na ito habang kasama nʼyo pa ako. Ngunit ang Patnubay na walang iba kundi ang Banal na Espiritu, ang ipapadala ng Ama bilang kapalit ko. Siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalala sa inyo ng lahat ng mga sinabi ko sa inyo.
“Huwag kayong mabagabag, at huwag kayong matakot, dahil iniiwan ko sa inyo ang kapayapaan. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo. Hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo.
“Narinig nʼyo ang sinabi ko na aalis ako at akoʼy babalik din sa inyo. Kung mahal nʼyo ako, ikasisiya nʼyo ang pagpunta ko sa Ama, dahil mas dakila ang Ama kaysa sa akin. Sinasabi ko ito ngayon sa inyo bago pa man mangyari upang sumampalataya kayo kapag nangyari na ito. Hindi na ako magsasalita nang matagal dahil darating na ang naghahari sa mundong ito. Wala siyang kapangyarihan sa akin. Ngunit upang malaman ng lahat na mahal ko ang aking Ama, ginagawa ko ang iniuutos niya sa akin.
“Halina kayo, umalis na tayo rito.”