29
Ang Liham para sa mga Bihag
1Mula sa Jerusalem, sumulat si Jeremias sa mga tagapamahala, mga pari, mga propeta, at sa iba pang mga bihag na dinala ni Nebucadnezar sa Babilonia. 2Isinulat niya ito pagkatapos na mabihag si Haring Jehoyakin, ang kanyang inang reyna, ang mga namamahala sa palasyo, mga pinuno ng Juda at Jerusalem, at ang mahuhusay na panday at manggagawa. 3At ibinigay ni Jeremias ang sulat kina Elasa na anak ni Safan at Gemarias na anak ni Hilkias. Sila ang sinugo ni Haring Zedequias na hari ng Juda kay Nebucadnezar sa Babilonia. Ito ang nakasaad sa sulat:
4“Ito ang sinasabi ng Panginoon ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel, sa lahat ng taga-Jerusalem na ipinabihag niya sa Babilonia: 5‘Magtayo kayo ng mga bahay at doon kayo tumira. Magtanim kayo at kumain ng inyong ani. 6Mag-asawa kayo at nang magkaanak kayo. Hayaan din ninyong mag-asawa ang mga anak nʼyo at nang magkaanak din sila upang dumami kayo nang dumami. 7Tumulong kayo para sa kabutihan at kaunlaran ng lungsod na pinagdalhan sa inyo. Ipanalangin ninyo ito sa Panginoon dahil kapag umunlad ito, uunlad din kayo.’
8“Sinabi pa ng Panginoon ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel: ‘Huwag kayong palilinlang sa mga propeta ninyo o sa mga kasama ninyong manghuhula. Huwag kayong maniniwala sa mga panaginip nila. 9Sapagkat nagpropesiya sila ng kasinungalingan sa pangalan ko. Hindi ko sila sinugo,’ sabi ng Panginoon.
10“Sinasabi ng Panginoon, ‘Pagkatapos ng pitumpung taon na pagsakop ng Babilonia, babalikan ko kayo at tutuparin ko ang pangako ko na ibabalik ko kayo sa lupain ninyo. 11Sapagkat nalalaman ko ang mga planong inilaan ko para sa inyo,’ sabi ng Panginoon, ‘mga plano para sa ikabubuti ninyo at hindi sa ikasasama ninyo, at mga planong magbibigay sa inyo ng pag-asa at magandang kinabukasan. 12Kung magkagayon, tatawag at mananalangin kayo sa akin, at diringgin ko kayo. 13Kung lalapit kayo sa akin nang buong puso, tutulungan ko kayo. 14Oo, matatagpuan ko kayo,’ sabi ng Panginoon, ‘at ibabalik mula sa pagkakabihag.#29:14 ibabalik … pagkakabihag: O ibabalik ko ang kayamanan ninyo. Titipunin ko kayo mula sa ibaʼt ibang bansa na pinangalatan ko sa inyo, at ibabalik ko kayo sa sarili ninyong lupain.’
15“Baka sabihin ninyong nagsugo ang Panginoon sa inyo ng mga propeta diyan sa Babilonia, 16pero ito ang sinabi ng Panginoon tungkol sa haring nagmula sa angkan ni David at sa lahat ng kababayan ninyo na naiwan sa lungsod ng Jerusalem na hindi nabihag kasama ninyo: 17Ito ang sinasabi ng Panginoong Diyos ng mga Hukbo: ‘Padadalhan ko sila ng digmaan, taggutom at sakit. Matutulad sila sa bulok na igos na hindi na makakain. 18Talagang hahabulin sila ng digmaan, taggutom at sakit, at kasusuklaman sila ng lahat ng kaharian. Itataboy ko sila sa kung saan-saang bansa, at susumpain, kasusuklaman at kukutyain sila roon ng mga tao. 19Sapagkat hindi nila pinakinggan ang mga salita ng Panginoon na palaging sinasabi sa kanila ng mga lingkod na propeta. At pati kayong mga binihag ay hindi rin naniwala.’
20“Kaya makinig kayo sa sinasabi ng Panginoon, kayong mga ipinabihag niya mula sa Jerusalem papunta sa Babilonia. 21Ito ang sinasabi ng Panginoon ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel, tungkol kina Ahab na anak ni Kolaias at Zedequias na anak ni Maasias, ‘Nagsalita sa inyo ng kasinungalingan ang mga taong ito sa pangalan ko. Kaya ibibigay ko sila kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at sila ay ipapapatay niya sa harap mismo ninyo. 22Dahil sa kanila, ang lahat ng bihag sa Babilonia na mga taga-Juda ay susumpa ng ganito sa kapwa nila, “Nawaʼy patayin ka ng Panginoon katulad nina Zedequias at Ahab na sinunog nang buhay ng hari ng Babilonia.” 23Mangyayari ito sa kanila dahil gumawa sila ng mga kasuklam-suklam na bagay sa Israel. Nangalunya sila sa asawa ng kapwa nila at nagsalita ng kasinungalingan sa pangalan ko na hindi ko iniutos na gawin nila. Nalalaman ko ang mga ginawa nila at makapagpapatunay ako laban sa kanila,’ sabi ng Panginoon.”
Ang Mensahe para kay Semaias
24-25Ang Panginoon ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel ay nagbigay sa akin ng mensahe para kay Semaias na taga-Nehelam. “Ito ang sinabi niya: Semaias, sa pamamagitan ng pangalan mo lang ay nagpadala ka ng sulat kay Zefanias na anak ni Maaseya na pari, at pinadalhan mo rin ng kopya ang iba pang mga pari, at ang lahat ng taga-Jerusalem. Ayon sa sulat mo kay Zefanias, sinabi mo, 26‘Hinirang ka ng Panginoon bilang pari na papalit kay Joiada upang maging tagapamahala ng templo. Katungkulan mo ang pagdakip at paglalagay ng kadena sa leeg ng sinumang hangal na nagsasabing propeta siya. 27Bakit hindi mo pinigilan si Jeremias na taga-Anatot na nagsasabing propeta siya diyan sa inyo? 28Sumulat pa siya rito sa amin sa Babilonia na kami raw ay magtatagal pa rito. Kaya ayon sa kanya, magtayo kami ng mga bahay at manirahan sa mga ito, magtanim at kainin ang aming ani.’ ”
29Nang matanggap ng paring si Zefanias ang sulat ni Semaias, binasa niya ito kay Propeta Jeremias. 30Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 31“Ipadala mo ang mensaheng ito sa lahat ng bihag. Sabihin mo sa kanilang ito ang sinabi ng Panginoon tungkol kay Semaias na taga-Nehelam: Hindi ko sinugo si Semaias upang magsalita sa inyo. Pinapaniwala niya kayo sa kasinungalingan niya. 32Kaya parurusahan ko siya pati ang mga angkan niya. Wala ni isa man sa angkan niya ang mananatiling buhay para maranasan ang mga mabubuting bagay na gagawin ko sa inyo, sapagkat tinuruan niya kayong magrebelde sa akin,” sabi ng Panginoon.