28
Ang Bulaang Propeta na si Hananias
1Noong taon ding iyon, nang ikalimang buwan ng ikaapat na taon ng paghahari ni Zedequias sa Juda, may sinabi sa akin si propeta Hananias na anak ni Azur na taga-Gibeon doon sa templo ng Panginoon, sa harap ng mga pari at mga taong naroroon. Sinabi niya, 2“Ito ang sinasabi ng Panginoon ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel, ‘Wawakasan ko na ang kapangyarihan ng hari ng Babilonia. 3Sa loob ng dalawang taon, ibabalik ko na rito ang lahat ng kagamitan sa Templo ng Panginoon na kinuha ni Haring Nebucadnezar at dinala sa Babilonia. 4Pababalikin ko rin dito si Haring Jehoyakin ng Juda na anak ni Jehoiakim at ang lahat ng taga-Juda na binihag sa Babilonia, dahil wawakasan ko na ang kapangyarihan ng hari ng Babilonia. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”
5Pagkatapos, sumagot si Propeta Jeremias kay Propeta Hananias roon sa harap ng mga pari at mga tao sa templo ng Panginoon. 6Sinabi niya, “Amen! Gawin sana iyon ng Panginoon! Sanaʼy gawin ng Panginoon ang sinabi mong dadalhin niya pabalik dito ang mga kagamitan ng templo at ang lahat ng bihag sa Babilonia. 7Ngunit pakinggan mo itong sasabihin ko sa iyo at sa lahat ng nakikinig dito. 8Ang mga propetang nauna sa atin ay nagsabi noon na darating ang digmaan, gutom, at sakit sa maraming bansa at mga tanyag na kaharian. 9Ngunit ang propetang magsasabi ng kapayapaan ay dapat mapatunayan. Kung mangyayari ang sinasabi niyang kapayapaan, kikilalanin siyang tunay na propeta ng Panginoon.”
10Pagkatapos, kinuha ni Propeta Hananias ang pamatok sa leeg ni Jeremias at kanyang binali. 11At sinabi ni Propeta Hananias sa mga taong naroroon, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Ang mga bansang sinakop ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia ay parang nilagyan niya ng pamatok. Ngunit sisirain ko ang pamatok na iyon sa loob ng dalawang taon.” Pagkatapos, umalis si Propeta Jeremias.
12Hindi nagtagal, pagkatapos baliin ni Propeta Hananias ang pamatok sa leeg ni Jeremias, sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 13“Puntahan mo si Hananias at sabihin mo na ito ang sinasabi Panginoon: Binali mo ang pamatok na kahoy ngunit papalitan ko iyan ng pamatok na bakal. 14Ako, ang Panginoong Diyos ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel ay nagsasabing: Ipapapasan ko ang pamatok na bakal sa lahat ng bansa, upang maglingkod sila kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Pati ang mababangis na hayop ay ipapasakop ko sa pamamahala niya.”
15Pagkatapos, sinabi ni Propeta Jeremias kay propeta Hananias, “Hananias, makinig ka! Hindi ka sinugo ng Panginoon, pero pinapaniwala mo ang bansang ito sa kasinungalingan mo. 16Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon, ‘Mawawala ka sa daigdig na ito. Mamamatay ka sa taon ding ito dahil tinuruan mo ang mga tao na magrebelde sa akin.’ ”
17Kaya noong ikapitong buwan ng taon ding iyon, namatay si Propeta Hananias.