Jeremias 25
25
Ang Pitumpung Taóng Pagkakabihag
1Ang mensaheng ito ay para sa mga taga-Juda. Itoʼy ibinigay ng Panginoon kay Jeremias noong ikaapat na taon ng paghahari ni Jehoiakim na anak ni Haring Josias ng Juda. Ito naman ang unang taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia.
2Sinabi ni propeta Jeremias sa lahat ng taga-Juda at sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem: 3Sa loob ng dalawampuʼt tatlong taon mula nang ikalabintatlong taon ng paghahari ni Josias na anak ni Haring Amon ng Juda hanggang ngayon, ang Panginoon ay nakikipag-usap sa akin. At patuloy ko namang sinasabi sa inyo ang ipinasasabi niya, pero hindi kayo nakinig. 4At kahit na patuloy pang nagpapadala sa inyo ang Panginoon ng mga lingkod niyang propeta, hindi nʼyo pa rin pinansin at hindi rin kayo nakinig. 5Sinabi ng Panginoon sa pamamagitan nila, “Talikuran na ninyo ang mga masasama ninyong pag-uugali at gawain upang patuloy kayong manirahan magpakailanman sa lupaing ito na ibinigay ko sa inyo at sa mga ninuno ninyo. 6Huwag kayong sasamba at maglilingkod sa mga diyos, at huwag ninyo akong gagalitin sa pamamagitan ng mga diyos-diyosan na ginawa lang ninyo, upang hindi ko kayo parusahan.”
7Ngunit hindi kayo nakinig sa Panginoon. Lalo nʼyo pa nga siyang ginalit sa pamamagitan ng mga ginawa nʼyong diyos-diyosan. Kaya kayo na rin ang nagdala ng parusang ito sa sarili ninyo.
8Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon ng mga Hukbo, “Sapagkat hindi kayo nakinig sa mga sinabi ko, 9ipapasalakay ko kayo sa mga sundalong galing sa hilaga na pinangungunahan ng lingkod kong si Haring Nebucadnezar ng Babilonia,” sabi ng Panginoon. “Lulusubin niya ang lupaing ito at ang mga mamamayan nito, pati ang lahat ng bansa sa palibot nito. Lilipulin ko kayo nang lubusan, at masisindak ang mga tao sa sinapit ninyo, at kukutyain kayo ng iba dahil mananatili kayong giba habang panahon. 10Maglalaho ang kasiyahan at katuwaan, ang pagdiriwang ng bagong kasal na binata at dalaga, ang tunog ng gilingan at ang liwanag ng lampara. 11Magiging tiwangwang ang lupaing ito. Ang bansang ito at ang mga bansa sa palibot ay maglilingkod sa hari ng Babilonia sa loob ng pitumpung taon.
12“Ngunit pagkatapos ng pitumpung taon, parurusahan ko rin ang hari ng Babilonia pati ang mga mamamayan niya dahil sa mga kasalanan nila,” sabi ng Panginoon. “At gagawin ko ring tiwangwang ang kanilang lupain sa habang panahon. 13Ipapadama ko sa kanilang bansa ang lahat ng sinabi ko laban sa kanila at sa iba pang mga bansa ayon sa sinabi ni Jeremias na nakasulat sa aklat na ito. 14Aalipinin sila ng maraming bansa at ng mga makapangyarihang hari. Parurusahan ko sila ayon sa mga ginawa nila.”
Ang Kopang Naglalaman ng Poot ng Diyos
15Sinabi sa akin ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, “Kunin mo sa kamay ko ang tasang puno ng galit ko at ipainom mo sa lahat ng bansa na pagsusuguan ko sa iyo. 16Kapag nainom nila ito, magpapasuray-suray sila na parang nauulol, dahil sa digmaan na ipapadala ko sa kanila.” 17Kaya kinuha ko ang tasa sa kamay ng Panginoon at ipinainom ko sa lahat ng bansa kung saan niya ako isinugo. 18Pinainom ko ang Jerusalem at ang mga bayan ng Juda pati ang mga hari at pinuno nila upang mawasak sila. Masisindak ang mga tao sa mangyayari sa kanila. Kukutyain at susumpain sila gaya ng ginagawa sa kanila ngayon. 19Pinainom ko rin ang Faraon na hari ng Ehipto, ang mga tagapamahala at mga pinuno niya, at ang lahat ng mamamayan niya, 20pati ang lahat ng dayuhang naroon. Ibinigay ko sa lahat ng hari sa lupain ng Uz, at mga hari sa lupain ng mga Filisteo (sa Ashkelon, Gaza, Ekron, at Asdod). 21Pagkatapos, ibinigay ko ang kopa para sa mga bansa ng Edom, Moab, Amon, 22ang lahat ng mga hari sa Tiro, Sidon, mga pulo sa ibayong dagat, 23Dedan, Tema, Buz, ang mga nasa malalayong lugar,#25:23 ang mga nasa malalayong lugar: Sa literal, silang mga nagpagupit ng kanilang patilya. 24lahat ng mga hari sa Arabia, mga angkan sa ilang, 25lahat ng mga hari sa Zimri, Elam at Media; 26ang mga bansa sa hilaga, malayo man o malapit, at ang lahat ng kaharian sa buong daigdig. At ang huling paiinumin ay ang Babilonia.#25:26 Babilonia: Sa literal, Sheshac.
27Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, “Sabihin mo sa mga bansang ito na sinasabi ng Panginoon ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel sa kanila: ‘Sige, uminom kayo sa tasa ng galit ko hanggang sa malasing, magsuka, at mabuwal kayo, at hindi na makabangon, dahil ipapadala ko sa inyo ang digmaan.’ 28Ngunit kung ayaw nilang uminom, sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoon ng mga Hukbo ay nagsasabi, ‘Kinakailangang uminom kayo! 29Sinisimulan ko na ang pagpapadala ng kaparusahan sa Jerusalem, ang lungsod na pinili ko para sa aking kapurihan. Akala nʼyo baʼy hindi ko kayo parurusahan? Parurusahan ko kayo! Sapagkat paglalabanin ko ang lahat ng bansa sa buong daigdig, wika ng Panginoong Diyos ng mga Hukbo.’
30“Jeremias, ipahayag mo sa kanila ang lahat ng sinabi ko, at sabihin mo:
‘Sisigaw ang Panginoon mula sa langit;
dadagundong ang tinig niya
mula sa banal niyang tahanan.
Sisigaw siya nang malakas sa mga hinirang niya.
Sisigaw din siya sa lahat
ng naninirahan sa daigdig
na parang taong sumisigaw
habang nagpipisa ng ubas.
31Maririnig ang tinig niya sa buong daigdig,#25:31 buong daigdig: Sa literal, sa dulo ng mundo.
dahil ihahabla niya ang mga bansa.
Hahatulan niya ang lahat,
at ipapapatay niya sa digmaan ang masasamâ,’ ” wika ng Panginoon.
32Sinabi pa ng Panginoon ng mga Hukbo, “Mag-ingat kayo!
Ang kapahamakan ay darating
sa ibaʼt ibang bansa
na parang malakas na bagyo
mula sa pinakamalayong bahagi ng mundo.”
33Sa panahong iyon, ang mga nilipol ng Panginoon ay makikita sa lahat ng dako, mula sa magkabilang dulo ng mundo. Walang magluluksa, magtitipon o maglilibing sa kanilang mga bangkay. Silaʼy nakakalat sa lupa na tulad ng dumi.
34Kayong mga pinuno,
tumangis kayo nang malakas,
at gumulong kayo sa lupa
dahil sa kalungkutan.
Sapagkat dumating na ang araw na papatayin kayo
katulad ng pagkatay ng tupa.
Madudurog kayo katulad ng
nabasag na mamahaling palayok.
35Wala nang lugar na mapagtataguan
at ang mga pinuno ng kawan
ay hindi makakatakas.
36Maririnig ang iyakan ng mga pastol,
at ang pagdaing ng mga pinuno ng kawan,
sapagkat nilipol ng Panginoon
ang mga mamamayan.
37At dahil sa matinding galit ng Panginoon,
magiging disyerto ang saganang pastulan.
38Ang Panginoon ay parang leon na lumabas
sa kanyang yungib
upang maghanap ng malalapa.
Magiging tiwangwang ang inyong lupain
dahil sa pagsalakay ng kaaway,
at dahil sa matinding galit ng Panginoon.
Kasalukuyang Napili:
Jeremias 25: ASD
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.
Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.
―――――――
Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Used with permission. All rights reserved worldwide.