Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Santiago 4

4
Ipasakop Ninyo sa Diyos ang Inyong mga Sarili
1Ano ba ang pinagmumulan ng mga pag-aaway at alitan ninyo? Hindi baʼt ang masasamang pagnanasa na naglalaban-laban sa puso ninyo? 2May mga ninanais kayo ngunit hindi ninyo makamtan, kaya handa kayong pumatay makuha lamang ang mga ito. May mga gusto kayong makuha at kapag hindi ito nangyari, nag-aaway-away kayo. Hindi ninyo nakakamtan ang mga ninanais ninyo dahil hindi kayo humihingi sa Diyos. 3At kung humihingi naman kayo, wala kayong natatanggap dahil humihingi kayo nang may masamang motibo upang mapagbigyan ang sarili ninyong kasiyahan.
4Kayong mga hindi tapat sa Diyos, hindi ba ninyo alam na kaaway ng Diyos ang umiibig sa mundo? Kaya ang sinumang nagnanais makipagkaibigan sa mundo ay ginagawa niyang kaaway ng Diyos ang sarili niya. 5Huwag ninyong isipin na walang kabuluhan ang sinasabi ng Kasulatan, “Ayaw ng Espiritung pinatira sa atin na may kaagaw sa pag-ibig niya.”#4:5 O Nais ng Diyos na siya lang ang mamahalin ng espiritung ibinigay niya sa atin. 6Ngunit sapat ang biyayang ibinigay ng Diyos. Kaya nga sinasabi ng Kasulatan:
“Kinakalaban ng Diyos ang mga mapagmataas,
ngunit kinakahabagan ang mapagpakumbaba.”#4:6 Kaw. 3:34.
7Kaya magpasakop kayo sa Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at lalayo ito sa inyo. 8Lumapit kayo sa Diyos at lalapit din siya sa inyo. Kayong mga makasalanan, mamuhay kayo nang malinis. At kayong mga nagdadalawang-isip, linisin ninyo ang inyong puso. 9Magluksa kayo, tumangis, at umiyak. Gawing pagluha ang inyong halakhakan at kalungkutan ang inyong kasiyahan. 10Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon, at itataas niya kayo.
11Mga kapatid, huwag ninyong siraan ang isaʼt isa. Ang naninira o humahatol sa kapatid niya ay nagsasalita laban sa Kautusan at humahatol sa Kautusan. At kung ikaw ang humahatol sa Kautusan, hindi ka na tagatupad nito kundi isa nang hukom. 12Ang Diyos lamang ang nagbigay ng Kautusan at siya rin ang hukom. Siya lamang ang may kakayahang magligtas at magparusa. Kaya sino ka upang husgahan ang kapwa mo?
Paalala sa Pagmamalaki
13Makinig kayo sa akin, kayong nagsasabi, “Ngayon o bukas, pupunta kami sa isang bayan. Mamamalagi kami roon nang isang taon, maghahanapbuhay, at kikita ng malaki.” 14Sa katunayan, hindi ninyo alam kung ano ang mangyayari sa inyo bukas. Sapagkat ang buhay ay parang hamog na lilitaw nang sandali at mawawala pagkatapos. 15Kaya nga, ito ang dapat ninyong sabihin: “Kung loloobin ng Panginoon at mabubuhay pa tayo, ganito o kaya ganoon ang gagawin natin.” 16Ngunit sa ngayon, nagmamalaki at nagmamayabang kayo. Ang ganyang pagyayabang ay masama. 17Kung alam ng isang tao ang mabuti na dapat niyang gawin, ngunit hindi naman ginagawa, nagkakasala siya.

Kasalukuyang Napili:

Santiago 4: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in