Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Santiago 3:1-13

Santiago 3:1-13 ASD

Mga kapatid, huwag basta-bastang maghangad na maging tagapagturo ang marami sa inyo, dahil alam ninyong mas mabigat ang paghatol sa aming mga nagtuturo. Lahat tayoʼy madalas magkamali. Kung mayroon mang hindi nagkakamali sa pananalita niya, isa siyang taong ganap at may kakayahang pigilan ang kanyang sarili. Binubusalan natin ang mga kabayo sa bibig para sumunod saan man natin gustong papuntahin. Isipin nʼyo rin ang mga barko na kahit napakalaki at itinutulak ng malakas na hangin ay napapabaling ng maliit na timon at napapapunta ng kapitan saan man niya gustuhin. Ganoon din naman ang dila natin; kahit itoʼy maliit na bahagi ng katawan, nakakagawa ng malaking kayabangan. Isipin ninyo kung gaano kalawak na gubat ang masusunog dahil sa maliit na apoy. Ang dila ay tulad ng apoy. Napakaraming kasamaan ang nagmumula sa ating dila at ito ay nagpaparumi sa buong pagkatao natin. Katulad ito ng apoy na nanggagaling sa impiyerno, at sumisira sa buong buhay natin. Lahat ng uri ng hayop na lumalakad, lumilipad, gumagapang o nakatira sa tubig ay napapaamo ng tao. Ngunit walang taong nakakapagpaamo sa dila niya. Itoʼy walang kapaguran sa kasamaan at nagtataglay ng nakakamatay na lason. Sa pamamagitan ng dila, pinupuri natin ang ating Panginoon at Ama, ngunit sa pamamagitan din nito ay isinusumpa natin ang ating kapwa na nilikhang kalarawan ng Diyos. Mula sa iisang bibig nanggagaling ang pagpupuri at pagsumpa. Mga kapatid, hindi dapat ganyan. Maaari bang lumabas sa iisang bukal ang matabang na tubig at ang maalat na tubig? Hindi! Mga kapatid, hindi rin maaaring mamunga ng olibo ang puno ng igos o ng igos ang ubas. Hindi rin maaaring makakuha ng tubig-tabang sa tubig-alat. Sino sa inyo ang marunong at nakakaunawa? Ipakita niya na talagang marunong siya sa pamamagitan ng mabuting pamumuhay na may pagpapakumbaba.