Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Isaias 44:9-20

Isaias 44:9-20 ASD

Walang kabuluhan ang lahat ng gumagawa ng mga diyos-diyosan. At walang kuwenta rin ang mga bagay na kanilang pinahahalagahan. Ang mga sumasamba dito ay bulag at walang nalalaman. Kaya naman ang sinasapit nila ay kahihiyan. Hangal ang taong gumagawa ng mga rebultong diyos-diyosan na hindi naman napapakinabangan. Tandaan ninyo! Ang lahat ng sumasamba sa mga rebulto ay mapapahiya, dahil ang mga iyan ay gawa lamang ng tao. Magsama-sama man sila at akoʼy harapin, matatakot sila at mapapahiya rin. Ang panday ay kumukuha ng kapirasong bakal at isinasalang sa baga. Pagkatapos, pupukpukin niya ito ng maso at sa kanyang lakas ay ihuhugis itong rebulto. Nanghihina siya sa gutom at halos mawalan ng malay dahil sa uhaw. Ang karpintero naman ay sumusukat ng kaputol na kahoy. Ginuguhitan niya ito ng anyo ng tao. Pagkatapos, uukit siya ng magandang larawan ng tao sa pamamagitan ng kanyang mga gamit upang ilagay sa isang dambana. At para may magamit siyang kahoy, pumuputol siya ng sedro, ensina, o sipres na kanyang itinanim sa kagubatan. Nagtanim din siya ng puno ng pino, at sa kadidilig ng ulan ay tumubo ito. Ang ibang piraso ng kahoy ay ginagamit niyang panggatong upang makainit at makaluto ng pagkain. At ang ibang piraso ng kahoy ay ginagawa niyang diyos-diyosan na niluluhuran at sinasamba. Ang ibang piraso naman ay ipinanggagatong niya at sa baga nitoʼy nag-iihaw siya ng karne, pagkatapos ay kumakain at nabubusog. Nagpapainit din siya sa apoy at sinasabi niya, “Ang sarap ng init.” At ang ibang piraso ay ginagawa niyang rebulto at sa rebultong itoʼy nananalangin siya nang ganito, “Iligtas mo ako, sapagkat ikaw ang aking diyos.” Hindi alam at hindi nauunawaan ng mga taong ito ang kanilang ginagawa. Tinakpan ang mga mata nila kaya hindi sila makakita. Tinakpan din ang kanilang mga isip, kaya hindi sila makaunawa. Walang nakakaisip na magsabi, “Ang kaputol ng kahoy ay ipinangluto ko ng pagkain, ipinang-ihaw ng karne na aking kinain. Gagawin ko bang kasuklam-suklam na rebulto ang natirang kahoy? Sasambahin ko ba ang isang pirasong kahoy?” Ang mga gumagawa nitoʼy parang kumain ng abo. Ang hangal niyang isip ang nagligaw sa kanya, at hindi niya maililigtas ang kanyang sarili. At hindi siya papayag na ang rebultong nasa kanya ay hindi diyos.