Isaias 21
21
Ang Pahayag Laban sa Babilonia
1Ang pahayag na itoʼy tungkol sa Babilonia#21:1 Babilonia: Sa literal, ilang na malapit sa tabing-dagat.:
Sasalakay ang mga kaaway
na parang buhawi.
Dadaan ito sa Negeb mula sa ilang,
sa nakakapangilabot na lupain.
2Nakita ko ang isang kakila-kilabot
na pangitain
tungkol sa kataksilan at kapahamakan.
Kayong mga taga-Elam at taga-Media,
palibutan ninyo ang Babilonia
at salakayin!
Wawakasan na ng Diyos
ang pagpapahirap niya sa ibang bansa.
3Dahil ditoʼy nakadama ako
ng matinding kirot sa balakang,
sumakit ang aking katawan
tulad ng babaeng manganganak.
Nalugmok ako sa aking narinig
at nagulantang ako
sa aking nakita.
4Kinakabahan ako
at nanginginig sa takot.
Sanaʼy makapagpahinga ako
paglubog ng araw,
ngunit hindi maaari,
dahil takot ako sa maaaring mangyari.
5Naghahanda sila ng piging.
Inilalatag ang mga alpombrang
uupuan ng mga tao.
Lahat silaʼy kumakain at umiinom.
Dali! Tumindig kayo, mga pinuno ng hukbo;
ihanda ang inyong mga kalasag!
6Sinabi sa akin ng Panginoon,
“Pumunta ka at maglagay
ng tagapagbantay sa lungsod
na magbabalita ng makikita niya.
7Kapag nakakita siya ng mga karwaheng
hila-hila ng magkapares na kabayo,
at mga nakasakay sa asno
o di kayaʼy nakasakay sa mga kamelyo,
dapat siyaʼy handa, handang-handa.”
8Sumigaw ang bantay,
“Panginoon, araw-gabiʼy
nagbabantay po ako sa tore.
9At ngayon, tingnan ninyo!
May taong dumarating
na nakasakay sa karwahe
na hila-hila ng dalawang kabayo.”
At sinabi pa ng bantay,
“Bumagsak na!
Bumagsak na ang Babilonia!
Ang lahat ng imahen
ng diyos-diyosan nito
ay bumagsak at nagkabasag-basag sa lupa.”
10Mga kapwa kong mga Israelita,
na parang mga trigong ginigiik#21:10 na parang mga trigong ginigiik: Ang ibig sabihin ay dadanas ng matinding hirap.,
sinasabi ko sa inyo ang mga bagay
na aking napakinggan
mula sa Panginoon ng mga Hukbo,
mula sa Diyos ng Israel.
Ang Pahayag Laban sa Edom
11Ang pahayag na itoʼy tungkol sa Edom#21:11 Edom: Sa Hebreo, Duma na ang ibig sabihin ay katahimikan.:
May taga-Edom na tumatawag sa akin,
Tagapagbantay,
malayo pa ba ang umaga?
Kailan matatapos ang gabing ito?
12Sumagot ako,
“Mag-uumaga na
ngunit sasapit na naman ang gabi.
Kung nais mong magtanong muli,
bumalik ka para magtanong.”
Ang Pahayag Laban sa Arabia
13Ang pahayag na itoʼy tungkol sa Arabia:
Kayong mga mamamayan ng Dedan,
na pulu-pulutong na naglalakbay
at nagkakampo
sa mga ilang ng Arabia,
14dalhan ninyo ng tubig
ang mga nauuhaw.
Kayong mga nakatira sa Tema,
bigyan ninyo ng pagkain
ang mga taong nagsitakas
mula sa kani-kanilang mga lugar.
15Tumakas sila
mula sa mahigpit na labanan
at hinahabol sila
ng kanilang mga kaaway
na may mga espada at mga pana.
16Sinabi ng Panginoon sa akin, “Sa loob ng isang taon magwawakas ang kapangyarihan ng Kedar. 17Kakaunti ang matitira sa matatapang niyang sundalo na gumagamit ng pana.” Ito ang sinabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.
Kasalukuyang Napili:
Isaias 21: ASD
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Biblica® Open Ang Salita ng Diyos™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Ang “Biblica” ay ang tatak-pangkalakal na nakarehistro sa Biblica, Inc. sa United States Patent at Trademark Office.
Ginamit nang may pahintulot.
“Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.
Used with permission.